Job 3-4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagsalita si Job
3 Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. 2 Sinabi niya, 3 “Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. 4 Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. 5 Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. 6 Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. 7 Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. 8 Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.[a] 9 Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. 10 Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.
11 “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. 12 Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? 13 Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga 14 kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo[b] na giba na ngayon.[c] 15 Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. 16 Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. 17 Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. 18 Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. 19 Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo.
20 “Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? 21 Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. 22 Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. 23 Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? 24 Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. 25 Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. 26 Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”
Nagsalita si Elifaz
4 Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya, 2 “Magagalit ka ba kung magsasalita ako? Hindi ko na kayang manahimik. 3 Noon, pinapayuhan mo ang maraming tao na magtiwala sa Dios, at pinalalakas ang mahihina at nanlulupaypay. 4 Ang mga salita moʼy nagpalakas sa kanila at umalalay sa mga nanghihina. 5 Pero ngayong ikaw na ang dumaranas ng kahirapan, tila ikaw ang nanghihina at naguguluhan. 6 Hindi baʼt kapag may takot ka sa Dios at namumuhay ka ng matuwid, magdudulot ito sa iyo ng tiwalaʼt pag-asa?
7 “Ngayon, isipin mong mabuti. May tao bang matuwid at walang kasalanan na napahamak? 8 Ayon sa aking nakitaʼt nalaman, ang mga taong gumagawa ng kasamaan at kaguluhan, kasamaan at kaguluhan din ang kanilang kahahantungan. 9 Sa isang bugso lamang ng galit ng Dios, mapapahamak sila. 10 Kahit na silaʼy tulad ng malakas at mabangis na leon, tatanggalin pa rin ang kanilang mga ngipin. 11 Mamamatay sila dahil sa gutom at ang mga anak nila ay mangangalat.
12 “May sinabi sa akin nang palihim. Ibinulong ito sa akin 13 sa pamamagitan ng panaginip. Gabi iyon habang ang mga taoʼy mahimbing na natutulog. 14 Natakot ako at nanginig ang buo kong katawan. 15 May espiritu na dumaan sa aking harap[d] at tumayo ang mga balahibo ko at kinilabutan ako. 16 Huminto ito, pero hindi ko gaanong maaninag. At may narinig akong mahinang tinig na nagsasabi, 17 ‘Mayroon bang taong matuwid o malinis sa paningin ng Dios na kanyang Manlilikha? 18 Kung mismong sa mga anghel na lingkod niya ay hindi siya lubusang nagtitiwala, at nakakakita siya ng kamalian nila, 19 di lalo na sa taong nilikha lamang mula sa lupa, na madaling pisain katulad ng gamo-gamo! 20 Ang taoʼy maaaring buhay pa sa umaga pero kinagabihaʼy patay na at hindi na makikita magpakailanman. 21 Para silang mga toldang bumagsak. Namatay sila nang kulang sa karunungan.’
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®