Job 28-30
Magandang Balita Biblia
Papuri sa Karunungan
28 “May lugar kung saan ang pilak ay mahuhukay,
at may pook kung saan ang ginto'y dinadalisay.
2 Nahuhukay ng tao ang bakal mula sa lupa,
at nilulusaw ang tanso mula sa batong nakuha.
3 Sinasaliksik ng tao ang pinakamalalim na kadiliman,
ginagalugad pati ang kailaliman
upang humukay ng batong yaman.
4 Humuhukay nang malalim sa ilang at kabundukan
na hindi pa naaabot ng sinumang manlalakbay,
nagmimina sila roon sa gitna ng kalungkutan.
5 Sa lupa tumutubo ang halamang kinakain,
ngunit parang tinupok ng apoy ang nasa ilalim.
6 Nasa mga bato ang mga safiro,
nasa alabok naman ang gintong puro.
7 Ang daang iyo'y di abot-tanaw ng lawin,
kahit mga buwitre'y hindi ito napapansin.
8 Hindi pa ito nadadaanan ng hayop na mababangis,
hindi pa nagagawi rito ang leong mabagsik.
9 “Hinuhukay ng mga tao ang batong matitigas,
pati paanan ng mga bundok ay kanilang tinitibag.
10 Sa malalaking bato'y gumagawa sila ng lagusan,
mamahaling hiyas ay kanilang natutuklasan.
11 Pinagmumulan ng ilog ay kanilang tinutunton,
at dinadala sa liwanag anumang nakatago roon.
12 Ngunit(A) saan kaya matatagpuan itong karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
13 “Hindi(B) alam ng tao ang daan tungo sa karunungan;
wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
14 Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’
Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan.
15 Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad,
hindi ito makukuha palitan man ng pilak.
16 Ang pinakamahal na ginto at alahas,
sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas.
17 Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan,
mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan.
18 Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral,
higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal.
19 Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay,
at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay.
20 “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan?
At ang pang-unawa, saan kaya matututunan?
21 Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang,
mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw.
22 Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan
ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang.
23 “Ngunit(C) tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam
kung saan naroroon ang tunay na karunungan.
24 Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig;
natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit.
25 Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat,
ang karagatan ay itinakda niya ang sukat.
26 Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan,
at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan.
27 Dito(D) niya nakita at sinubok ang karunungan,
kanyang itinatag at binigyang kahalagahan.
28 “At(E) sinabi niya sa tao,
‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan;
at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 Muling nagsalita si Job,
2 “Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw
noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay;
3 Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay,
sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw.
4 Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay,
kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay.
5 Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin,
at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling.
6 Masagana ang gatas mula sa aking kawan,
olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan.
7 Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan,
at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan,
8 kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan,
mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang.
9-10 Ihihinto ng pinuno, kanilang usapan,
at mga maharlika'y tatahimik na lamang.
11 “Kapag ako'y nakita at kanilang narinig,
sila'y sumasang-ayon at sa aki'y pumapanig.
12 Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan,
dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan.
13 Pinupuri ako ng mga dumanas ng kasawian,
natulungang mga biyuda sa tuwa'y nag-aawitan.
14 At ang lagi kong adhikain, katarungan at katuwiran ay siyang pairalin.
15 Para sa mga bulag, ako'y nagsilbing mata;
at sa mga pilay, ako ang kanilang paa.
16 Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap,
kahit di ko kilala ay aking nililingap.
17 Ang lakas ng masasama, aking sinisira
ang kanilang mga bihag, sinikap kong mapalaya.
18 “Umaasa ako noong hahaba ang aking buhay,
at sa aking tahanan payapang mamamatay.
19 Tulad ko noo'y punongkahoy na sa tubig ay sagana,
at ang mga sanga, sa hamog laging basa.
20 Pinupuri ako ng halos lahat,
at di nauubos ang aking lakas.
21 Sa mga payo ko sila'y nananabik,
sa sinasabi ko sila'y nakikinig.
22 Ang sinabi ko'y di na dapat ulitin,
pagkat sa isip agad itong naitatanim.
23 Sa mga sasabihin ko'y lagi silang naghihintay,
salita ko'y parang ulan sa panahon ng tag-araw.
24 At ang aking mga ngiti sa kanila'y pampalakas-loob,
sa saya ng aking mukha silang lahat ay nalulugod.
25 Para akong hari na sa hukbo'y nag-uutos,
at nagbibigay ng aliw kapag sila'y nalulungkot.
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,
na mga anak ng mga taong di ko pinayagan
na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.
2 Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,
walang gawaing kanilang nakayanan.
3 Sa gitna ng gutom at kasalatan,
kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang.
4 Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan,
at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan.
5 Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan,
at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan.
6 Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan,
ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan.
7 Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan,
sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan.
8 Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan
pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan.
9 “Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan,
siyang laging binibiro at pinag-uusapan.
10 Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan,
at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan.
11 Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan,
kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan.
12 Sinalakay nila ako nang walang pakundangan,
hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan.
13 Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan,
sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang.
14 Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay,
sinalakay nila ako at tinapak-tapakan.
15 Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot,
dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok,
at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog.
16 ‘Halos mapatid na ang aking hininga,
hindi na maibsan ang hirap kong dala.
17 Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,
ginhawa'y di madama kahit isang saglit.
18 Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,
at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.
19 Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis
lumubog sa putik, parang isang yagit.
20 “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,
aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.
21 Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,
at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?
22 Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,
bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?
23 Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,
na huling hantungan ng bawat nilalang.
24 Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,
wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?
25 Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,
at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?
26 Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;
subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.
27 Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay,
at siyang nakakasama sa bawat araw.
28 Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan;
ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan.
29 Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat,
parang boses ng uwak at ng asong gubat.
30 Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat.
31 Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan,
ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.