Add parallel Print Page Options

Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama

27 At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“Habang buháy ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan,
    at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw;
habang nasa akin pa ang aking hininga,
    at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong;
ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan,
    at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan.
Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama;
    hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan.
Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan,
    hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw.

“Maging gaya nawa ng masama ang aking kaaway,
    at ang nag-aalsa laban sa akin ay maging gaya nawa ng makasalanan.
Sapagkat ano ang pag-asa ng masasama, kapag siya'y itiniwalag ng Diyos,
    kapag kinuha ng Diyos ang kanyang buhay?
Diringgin ba ng Diyos ang kanyang pagdaing,
    kapag ang kabagabagan sa kanya ay dumating?
10 Sa Makapangyarihan sa lahat siya kaya'y masisiyahan?
    Tatawag kaya siya sa Diyos sa lahat ng kapanahunan?
11 Ang tungkol sa kamay ng Diyos sa inyo'y aking ituturo;
    kung anong nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko itatago.
12 Ito'y mismong nasaksihan ninyong lahat,
    bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?
13 “Ito ang bahagi ng masamang tao sa Diyos,
    at ang manang tinatanggap ng mga nang-aapi mula sa Makapangyarihan sa lahat.
14 Kung dumami ang kanyang mga anak, iyon ay para sa tabak,
    at ang kanyang supling ay hindi magkakaroon ng sapat na pagkain.
15 Ang kanyang mga naiwan ay ililibing ng salot,
    at ang kanyang mga balo ay hindi nananaghoy.
16 Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok,
    at magparami ng damit na parang luwad;
17 mapaparami niya iyon, ngunit ang matuwid ang magsusuot niyon,
    at paghahatian ng walang sala ang pilak na natipon.
18 Gaya ng sapot ng gagamba ang itinatayo niyang bahay,
    gaya ng isang kubol na ginagawa ng isang bantay.
19 Siya'y nahihigang mayaman, ngunit hindi na niya iyon magagawa,
    imumulat niya ang kanyang mga mata, ngunit ang kanyang kayamanan ay nawala.
20 Inaabutan siya ng pagkasindak na gaya ng baha,
    sa gabi'y ipu-ipo ang tumatangay sa kanya.
21 Tinatangay siya ng hanging silangan, at siya'y nawawala,
    pinapalis siya sa kinaroroonan niya.
22 Ito'y humahampas sa kanya nang walang kaawaan;
    at pinagsikapan niyang tumakas mula sa kanyang kapangyarihan.
23 Ipinapalakpak nito ang kanyang mga kamay sa kanya,
    at sinisigawan siya mula sa kinaroroonan nito.

27 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, “Sumusumpa ako sa Makapangyarihan at buhay na Dios na nagkait ng katarungan at nagdulot sa akin ng sama ng loob. Habang akoʼy may hininga at pinapahintulutan niyang mabuhay, hindi ako magsasalita ng masama at kasinungalingan. Hinding-hindi ko matatanggap na tama kayo. Ipipilit ko pa rin na wala akong kasalanan hanggang sa mamatay ako. Ipaglalaban kong tama ako, at hindi ako titigil. Malinis ang aking konsensya habang akoʼy nabubuhay.

“Parusahan nawa ng Dios ang mga kumakalaban sa akin ng parusang nararapat sa masasamang tao! Sapagkat ano ang pag-asa ng taong walang takot sa Dios kung bawiin na ng Dios ang kanyang buhay? Didinggin kaya ng Dios ang paghingi niya ng tulong kung dumating sa kanya ang kagipitan? 10 Matutuwa kaya siya sa Makapangyarihang Dios? Tatawag kaya siya sa kanya sa lahat ng oras?

11 “Tuturuan ko sana kayo ng tungkol sa kapangyarihan ng Dios. Sasabihin ko sa inyo ang mga pamamaraan niya. 12 Pero alam na pala ninyo ang lahat ng ito. Kaya bakit pa kayo nagsasalita sa akin ng walang kabuluhan?

13 “Ito ang kapalaran na itinakda ng Makapangyarihang Dios sa taong masama at malupit. 14 Kahit gaano kadami ang anak niya, mamamatay ang iba sa kanila sa digmaan at ang iba naman ay sa gutom. 15 Ang matitira sa kanila ay mamamatay sa sakit, at walang magluluksa sa pagkamatay nila, kahit ang kanilang mga asawa.

16 “Kahit mag-ipon ng maraming pilak at damit ang masamang tao, 17 hindi rin siya ang makikinabang nito. Ang matutuwid at walang kasalanan ang magsusuot ng kanyang mga damit at ang maghahati-hati sa kanyang mga pilak. 18 Ang itinatayo niyang bahay ay magiging kasinrupok ng sapot ng gagamba o kayaʼy silungan ng tagapagbantay sa bukid. 19 Matutulog siyang mayaman pero paggising niyaʼy wala na ang kanyang kayamanan. 20 Darating sa kanya ang takot na parang rumaragasang baha at tatangayin siya ng ipu-ipo pagsapit ng gabi. 21 Tatangayin siya ng hangin na mula sa silangan at mawawala siya sa kanyang tirahan. 22 Walang awa siyang tatangayin nito habang pinipilit niyang makatakas. 23 May mga papalakpak at susutsot sa kanya para mangutya, dahil wala na siya sa kanyang tinitirhan.