Add parallel Print Page Options

Nagsalita si Bildad

18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,

Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?

“Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[a] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[b] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”

Footnotes

  1. 18:19 pamilya: o, bayan.
  2. 18:20 sa saanmang lugar: sa literal, sa silangan at sa kanluran.

Pinagsalitaan siya ni Bildad. Inilahad ang panganib ng makasalanan.

18 Nang magkagayo'y sumagot si (A)Bildad na Suhita, at nagsabi,
Hanggang kailan manghuhuli kayo ng mga salita?
Inyong bulayin, at pagkatapos ay magsasalita kami.
Bakit kami nangabibilang (B)na parang mga hayop,
At naging marumi sa iyong paningin?
Ikaw na nagpapakabagbag sa iyong galit,
Pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo?
O babaguhin ba ang bato mula sa kinaroroonan?
Oo, (C)ang ilaw ng masama ay papatayin,
At ang liyab ng kaniyang apoy ay hindi liliwanag.
Ang ilaw ay magdidilim sa kaniyang tolda,
At ang kaniyang ilawan sa itaas niya ay papatayin.
Ang mga hakbang ng kaniyang kalakasan ay mapipigil,
(D)At ang kaniyang sariling payo ang magbabagsak sa kaniya.
Sapagka't siya'y inihagis sa (E)lambat ng kaniyang sariling mga paa,
At siya'y lumalakad sa mga silo.
Isang panghuli ang huhuli sa kaniya sa mga sakong.
(F)At isang silo ay huhuli sa kaniya.
10 Ang panali ay nakakubli ukol sa kaniya sa lupa,
At isang patibong na ukol sa kaniya ay nasa daan.
11 Mga kakilabutan ay tatakot sa kaniya (G)sa lahat ng dako,
At hahabol sa kaniya sa kaniyang mga sakong.
12 Ang kaniyang kalakasan ay manglalata sa gutom,
At ang kapahamakan ay mahahanda sa kaniyang tagiliran.
13 Susupukin ang mga sangkap ng kaniyang katawan,
Oo, lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kaniyang mga (H)sangkap.
14 Siya'y ilalabas sa kaniyang tolda na kaniyang tinitiwalaan;
At siya'y dadalhin sa (I)hari ng mga kakilabutan.
15 Tatahan sa kaniyang tolda yaong di niya kaanoano:
Azufre ay makakalat sa kaniyang tahanan.
16 Ang kaniyang mga ugat ay mangatutuyo (J)sa ilalim,
At sa ibabaw ay puputulin ang kaniyang sanga.
17 (K)Ang alaala sa kaniya ay mawawala sa lupa,
At siya'y mawawalan ng pangalan sa lansangan.
18 Siya'y ihahatid sa kadiliman mula sa liwanag,
At itatapon sa labas ng sanglibutan.
19 Siya'y hindi magkakaroon kahit anak, ni anak man ng anak sa gitna ng kaniyang bayan,
Ni anomang nalabi sa kaniyang pinakipamayanan.
20 Silang nagsisidating pagkatapos ay mangatitigilan sa (L)kaniyang kaarawan,
Gaya ng nangauna na nangatakot.
21 Tunay na ganyan ang mga tahanan ng mga liko,
At ito ang kalalagyan niya na hindi nakakakilala sa Dios.