Add parallel Print Page Options

17 “Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin. Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain. O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin. Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin. Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap[a] ng kanyang mga anak.

“Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko. Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino. Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios. Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag. 10 Pero hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa. 11 Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad. 12 Pero sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag. 13 Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon. 14 Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid. 15 May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako? 16 Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”

Nagsalita si Bildad

18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,

Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?

“Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[b] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[c] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”

Sumagot si Job

19 Muling sumagot si Job,

“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.

“Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. 10 Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. 11 Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. 12 Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.

13 “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak;[d] at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. 14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[e] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.

21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.

25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[f] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.

28 “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, 29 tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”

Footnotes

  1. 17:5 paghihirap: sa literal, pagkabulag.
  2. 18:19 pamilya: o, bayan.
  3. 18:20 sa saanmang lugar: sa literal, sa silangan at sa kanluran.
  4. 19:13 kamag-anak: o, kapatid.
  5. 19:18 Kapag nakikita nila ako: o, Kapag tumayo ako at magsalita.
  6. 19:26 O, Habang nandito pa ako sa aking katawan, makikita ko ang Dios kahit na naaagnas ang aking balat dahil sa aking sakit.