Job 15-21
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagsalita si Elifaz
15 Sumagot si Elifaz na taga-Teman, 2 “Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. 3 Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. 4 Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. 5 Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. 6 Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. 7 Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? 8 Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? 9 Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? 10 Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. 11 Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? 12 Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan 13 para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? 14 Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? 15 Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, 16 ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?
17 “Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. 18 May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. 19 Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila.
20 “Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. 21 Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. 22 Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. 23 Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan.[a] 24 Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. 25 Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. 26 Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. 27 Kahit mataba at mayaman siya ngayon, 28 titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. 29 Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. 30 Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.[b] Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios. 31 Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. 32 Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa.[c] 33 At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. 34 Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. 35 Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”
Sumagot si Job
16 Sumagot si Job, 2 “Napakinggan ko na iyan noon pa. Sa halip na aliwin ninyo ako, lalo nʼyo pang pinabigat ang paghihirap ko. 3 Hindi na ba kayo titigil sa pagsasalita ng walang kabuluhan? Ano bang gumugulo sa isipan nʼyo at wala kayong tigil sa pakikipagtalo sa akin? 4 Kung kayo ang nasa kalagayan ko, masasabi ko rin ang katulad ng mga sinasabi ninyo sa akin. Pagsasabihan ko kayo at kukutyain pa. 5 Pero hindi ko gagawin iyon. Sa halip, magsasalita ako ng mga salitang makapagpapalakas at makapagpapaaliw sa inyo. 6 Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihirap ko kahit ano pa ang sabihin ko. At kung tumahimik man ako, hindi rin ito mawawala.
7 “O Dios, pinanghina nʼyo ako at winasak ang buong sambahayan ko. 8 Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala. 9 Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.
10 “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin. 11 Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan. 12 Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan. 13 Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa. 14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma. 15 Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa. 16 Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak. 17 Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.
18 “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan. 19 Kahit ngayon ang saksi[d] koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan. 20 Hinahamak ako ng mga kaibigan ko; pero umiiyak ako sa Dios at humihingi ng tulong sa kanya. 21 Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa sa Dios para sa akin, katulad ng taong nakikiusap para sa kanyang kaibigan. 22 Sapagkat malapit na akong pumanaw at hindi na babalik pa.
17 “Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin. 2 Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain. 3 O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin. 4 Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin. 5 Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap[e] ng kanyang mga anak.
6 “Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko. 7 Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino. 8 Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios. 9 Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag. 10 Pero hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa. 11 Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad. 12 Pero sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag. 13 Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon. 14 Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid. 15 May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako? 16 Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”
Nagsalita si Bildad
18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 “Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. 3 Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? 4 Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?
5 “Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. 6 Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. 7 Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. 8 Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. 9 Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[f] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[g] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”
Sumagot si Job
19 Muling sumagot si Job,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? 3 Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? 4 Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. 5 Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. 6 Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.
7 “Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. 8 Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. 9 Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. 10 Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. 11 Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. 12 Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.
13 “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak;[h] at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. 14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[i] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.
21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.
25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[j] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.
28 “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, 29 tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”
Nagsalita si Zofar
20 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama, 2 “Kailangang magsalita na ako dahil hindi ako mapakali. 3 Sinaway mo ako ng may halong pangungutya at may nag-uudyok sa isip kong ikaw ay sagutin.
4 “Tiyak na alam mo na mula pa noong unang panahon, simula nang likhain ang tao sa mundo, 5 ang ligaya ng taong masama ay sandali lang. Totoong hindi nagtatagal ang kasiyahan ng taong hindi naniniwala sa Dios. 6 Kahit na kasintaas ng langit at ulap ang tingin niya sa kanyang sarili, 7 mawawala rin siya magpakailanman katulad ng kanyang dumi. Ang mga kakilala niyaʼy magtataka kung nasaan na siya. 8 Mawawala siya na parang isang panaginip o pangitain sa gabi at hinding-hindi na matatagpuan. 9 Hindi na siya makikita ng mga nakakakilala sa kanya at mawawala siya sa dati niyang tirahan. 10 Ang mga anak niya ang magbabayad ng mga ninakaw niya sa mga dukha. 11 Malakas at bata pa siyang mamamatay at ililibing.
12 “Ang paggawa niya ng masama ay parang pagkaing matamis sa kanyang bibig 13 na nginunguyang mabuti at ninanamnam. 14 Pero pagdating sa tiyan, ito ay nagiging maasim at lalason sa kanya na parang kamandag ng ahas. 15 Isusuka niyang parang pagkain ang kayamanang ninakaw niya. Ipapasuka ito ng Dios sa kanya kahit itoʼy nasa tiyan na niya. 16 Sisipsipin niya ang kamandag ng mga ahas at ang pangil[k] ng ahas ang papatay sa kanya. 17 Hindi na niya matitikman ang saganang langis, gatas, at ang pulot na dumadaloy na parang batis o ilog. 18 Hindi siya gagantimpalaan para sa kanyang pinaghirapan o matutuwa man sa kanyang kayamanan. 19 Sapagkat inapi niya at pinabayaan ang mga dukha, at inagaw ang mga bahay na hindi sa kanya.
20 “Hindi niya mapapakinabangan ang kanyang pinaghirapan. Lahat ng magugustuhan niya ay hindi makakaligtas sa kanya. 21 Wala ng matitira sa kanya na makakain niya dahil mawawala ang kanyang kayamanan. 22 Sa kanyang kasaganaan, darating sa kanya ang kahirapan. Labis na paghihirap nga ang darating sa kanya. 23 Bubusugin siya ng Dios ng paghihirap. Patitikimin siya ng Dios ng kanyang matinding galit, at pauulanan ng parusa. 24 Maaaring makatakas siya sa sandatang bakal pero tatamaan din siya ng panang tanso. 25 Tutusok ito sa kanyang apdo at tatagos sa kanyang katawan. At makakaramdam siya ng takot. 26 Mawawala ang kanyang kayamanan sa kadiliman. Susunugin siya ng apoy na hindi tao ang nagpaningas, pati na ang lahat ng naiwan sa kanyang tirahan.[l] 27 Ihahayag ng langit ang mga kasalanan niya at sasaksi naman ang lupa laban sa kanya. 28 Tatangayin ng baha ang bahay niya sa araw na ibuhos ng Dios ang kanyang galit. 29 Iyan ang kapalaran ng taong masama ayon sa itinakda ng Dios sa kanya.”
Nagsalita si Job
21 Sumagot si Job, 2 “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. 3 Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.
4 “Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. 5 Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? 6 Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.
7 “Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. 8 Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. 9 Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. 10 Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. 11 Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami.[m] Nagsasayawan sila, 12 nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. 13 Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. 14 Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. 15 Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ 16 Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.
17 “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. 18 Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. 19 Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila 20 at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. 21 Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan.
22 “Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? 23 May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, 24 at malusog na pangangatawan. 25 May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. 26 Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod.
27 “Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. 28 Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. 29 Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na 30 palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. 31 Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. 32-33 At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan.
34 “Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”
Footnotes
- 15:23 malapit nang dumating ang kapahamakan: sa literal, malapit na ang araw ng kadiliman.
- 15:30 kapahamakan: sa literal, kadiliman.
- 15:32 hindi na siya uunlad pa: sa literal, ang kanyang mga sanga ay hindi na tutubuan ng mga dahon.
- 16:19 saksi: Maaaring isa sa makalangit na nilalang.
- 17:5 paghihirap: sa literal, pagkabulag.
- 18:19 pamilya: o, bayan.
- 18:20 sa saanmang lugar: sa literal, sa silangan at sa kanluran.
- 19:13 kamag-anak: o, kapatid.
- 19:18 Kapag nakikita nila ako: o, Kapag tumayo ako at magsalita.
- 19:26 O, Habang nandito pa ako sa aking katawan, makikita ko ang Dios kahit na naaagnas ang aking balat dahil sa aking sakit.
- 20:16 pangil: sa literal, dila.
- 20:26 tirahan: sa literal, tolda.
- 21:11 Marami … sa dami: o, Pinaglalaro nila ang kanilang mga anak tulad ng mga tupa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®