Job 12
Ang Biblia (1978)
Pinatunayan ni Job ang kapangyarihan ng Dios.
12 Nang magkagayo'y sumagot si Job; at nagsabi,
2 Walang pagaalinlangan na kayo ang bayan,
At ang karunungan ay mamamatay na kasama ninyo.
3 Nguni't ako'y may pagkaunawang gaya ninyo:
Hindi ako huli sa inyo:
Oo, sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
4 (A)Ako'y gaya ng tinatawanan ng kaniyang kapuwa,
Ako na tumawag sa Dios, at sinagot niya:
Ang ganap, ang taong sakdal ay tinatawanan.
5 Sa pagiisip niyaong nasa katiwasayan ay may pagkakutya sa ikasasawi;
Nahahanda sa mga iyan yaong nangadudulas ang paa.
6 Ang mga tolda ng mga tulisan ay (B)gumiginhawa,
At silang nangagmumungkahi sa Dios ay tiwasay;
Na ang kamay ay pinadadalhan ng Dios ng sagana.
7 Nguni't tanungin mo ngayon ang mga hayop, at tuturuan ka nila:
At ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasaysayin sa iyo:
8 O magsalita ka sa lupa, at magtuturo sa iyo;
At ang mga isda sa dagat ay magsasaysay sa iyo.
9 Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
Na (C)ang kamay ng Panginoon ang siyang gumawa nito?
10 (D)Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa't bagay na may buhay,
At ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 (E)Hindi ba lumilitis ng mga salita ang pakinig;
Gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain niya?
12 Nasa mga matanda ang karunungan,
At sa kagulangan ang unawa.
13 Nasa Dios ang karunungan at kakayahan;
Kaniya ang payo at pagkaunawa.
14 Narito, siya'y nagbabagsak at hindi maitayo uli;
(F)Siya'y kumulong ng tao at hindi mapagbubuksan.
15 Narito, (G)kaniyang pinipigil ang tubig at nangatutuyo;
Muli, kaniyang (H)binibitawan sila at ginugulo nila ang lupa.
16 Nasa kaniya ang kalakasan at ang karunungan,
Ang nadadaya at ang magdaraya ay kaniya.
17 Kaniyang (I)pinalalakad ang mga kasangguni na hubad sa bait,
At ginagawa niyang mga mangmang ang mga hukom.
18 Kaniyang kinakalag ang panali ng mga hari,
At binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Kaniyang pinalalakad na (J)hubad sa bait ang mga saserdote.
20 Kaniyang pinapagbabago ang pananalita ng napagtitiwalaan.
At (K)inaalis ang pagkaunawa ng mga matanda.
21 (L)Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pangulo,
At kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Siya'y naglilitaw ng mga malalim
na bagay mula sa kadiliman,
At inilalabas sa liwanag ang lihim ng kamatayan.
23 (M)Kaniyang pinararami ang mga bansa at mga nililipol niya:
Kaniyang pinalaki ang mga bansa, at mga dinala sa pagkabihag.
24 Kaniyang inaalis ang pangunawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
At (N)kaniyang pinagagala sila sa ilang na doo'y walang lansangan.
25 Sila'y nagsisikapa sa dilim na walang liwanag,
At kaniyang (O)pinagigiraygiray sila na gaya ng lango.
Job 12
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sumagot si Job
12 Sumagot si Job, 2 “Ang akala nʼyo baʼy kayo lang ang marunong at wala nang matitirang marunong kapag namatay kayo? 3 Ako man ay marunong din gaya ninyo; hindi kayo nakahihigit sa akin. Alam ko rin ang lahat ng sinasabi ninyo. 4 Pero naging katawa-tawa ako sa aking mga kaibigan, kahit na matuwid ako at walang kapintasan, at kahit sinagot ng Dios ang mga dalangin ko noon. 5 Ang mga taong naghihirap na gaya ko na tila mabubuwal ay kinukutya ng mga taong walang problema. 6 Pero ang mga tulisan at ang mga taong ginagalit ang Dios ay namumuhay ng payapa gayong ang dinidios nilaʼy ang sarili nilang kakayahan.
7-8 “Matututo ka sa ibaʼt ibang hayop – ang lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang lumalangoy. 9 Sapagkat alam nila na ang Panginoon ang may gawa nito.[a] 10 Nasa kamay niya ang buhay o hininga ng bawat nilalang, pati na ng tao. 11 Kung alam ng dila ng tao kung alin ang masarap o hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga ng tao kung alin ang mabuti o masamang salita. 12 Maraming alam sa buhay ang matatanda, dahil habang tumatagal ang buhay nila, lalong dumarami ang kanilang nalalaman.
13 “Pero ang Dios ay hindi lang nagtataglay ng karunungan, nasa kanya rin ang kapangyarihan, at siya lang ang nakakaunawa kung ano ang dapat gawin. 14 Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong. 15 Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa. 16 Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya. 17 Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom. 18 Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag. 19 Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan. 20 Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda. 21 Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan. 22 Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag. 23 Pinalalakas niya ang mga bansa at pinapalawak ang kanilang teritoryo, pero ibinabagsak din niya ito at winawasak. 24 Ginagawa niyang mangmang ang kanilang mga pinuno at inililigaw sila sa ilang. 25 Kaya para silang bulag na kumakapa sa dilim at sumusuray-suray na parang lasing.
Footnotes
- 12:9 ang may gawa nito: Siguro ang ibig sabihin nito, ang mga bagay na nangyayari sa mundo pati na ang paghihirap ay ayon sa kalooban ng Dios.
Job 12
Ang Biblia, 2001
Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos
12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
3 Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
hindi ako mas mababa sa inyo.
Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
4 Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
5 Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
6 Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.
7 “Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan ka nila;
ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihin sa iyo;
8 o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila;
at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo.
9 Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
na ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito?
10 “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay,
at ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig,
gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?
12 Nasa matatanda ang karunungan,
ang haba ng buhay ay ang kaunawaan.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
