Job 24
Magandang Balita Biblia
Inireklamo ni Job ang Ginagawa ng Masama
24 “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom,
upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?
2 “Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa,
nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
3 Tinatangay nila ang asno ng mga ulila,
kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
4 Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan;
at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.
5 “Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap,
hinahalughog ang gubat,
mapakain lang ang anak.
6 Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila,
natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
7 Kanilang katawan ay walang saplot;
sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
8 Nauulanan sila doon sa kabundukan;
mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.
9 “Inaalipin ng masasama ang mga ulila;
mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10 Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap,
labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11 Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo,
ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12 Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan,
ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.
13 “May mga taong nagtatakwil sa liwanag;
di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14 Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw,
at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang.
Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15 Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim,
nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16 Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw;
ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17 Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan,
ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”
18 Sinabi ni Zofar,
“Ang masamang tao'y tinatangay ng baha,
sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa;
sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init,
gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20 Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot;
parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21 Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak,
at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22 Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas;
kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23 Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay,
sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24 Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang,
natutuyo ring tulad ng damo at halaman,
parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25 Kasinungalingan ba ang sinasabi ko?
Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.