Add parallel Print Page Options

Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo,
    at bukal ng luha itong mata ko,
upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag
    para sa aking mga kababayang namatay.
Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
    kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
    at pawang mga taksil.
Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
    kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.

Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
    at ako'y hindi nila nakikilala.”

Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
    kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
    at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
    walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
    sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
    hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.

Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
    Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
    lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
    ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
    Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

10 Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
    at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
    pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”

11 Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
    Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
    at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
    wala nang taong doon ay titira.”

12 At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”

13 Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. 14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. 15 Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. 16 Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”

Napapasaklolo ang mga Taga-Jerusalem

17 Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
    ang mga babaing sanay managhoy.”

18 Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
    hanggang sa bumalong ang ating mga luha
    at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”

19 Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
    Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
    sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”

20 Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
    at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
    gayon din ang kanilang mga kaibigan.
21 Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
    at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
    at ang mga kabataang nasa pamilihan.
22 Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
    tila bunton ng dumi sa kabukiran,
    parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
    at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”

23 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
    o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
    ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
24 Kung(A) may nais magmalaki,
    ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
    makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

25 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; 26 mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.”

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(B) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
    malalagay sa kahihiyan bawat panday
    sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
    wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
    siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
    at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
    Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
    sa lahat.

Ang Darating na Pagkabihag

17 “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. 18 Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh.

19 At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem,
“Napakatindi ng parusa sa amin!
    Hindi gumagaling ang aming mga sugat.
Akala namin, ito'y aming matitiis.
20 Ang aming mga tolda ay nawasak;
    napatid na lahat ang mga lubid.
Ang aming mga anak ay naglayasang lahat,
    walang natira upang mag-ayos ng aming tolda;
    wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.”

21 At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal;
    hindi sila sumangguni kay Yahweh.
Kaya hindi sila naging matagumpay,
    at ang mga tao'y nagsipangalat.
22 Makinig kayo! May dumating na balita!
    Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga;
ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda,
    at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.”

23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay;
    at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin.
24 Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh;
    ngunit huwag naman sana kayong maging marahas.
Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot;
    na siyang magiging wakas naming lahat.
25 Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo
    at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan.
Pinatay nila ang mga anak ni Jacob;
    at winasak ang kanilang lupain.

Si Jeremias at ang Kasunduan

11 Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.”

Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.”

Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.”

Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. 10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. 11 Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. 12 Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. 13 Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. 14 At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.”

15 Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? 16 Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga.

17 “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.”

Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias

18 Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”

20 At(C) nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.”

21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. 22 Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. 23 Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.”

Footnotes

  1. Jeremias 10:11 Sa orihinal na wika, ang talatang ito'y nakasulat sa wikang Aramaico.