Add parallel Print Page Options

Napaligiran ang Jerusalem ng Kanyang mga Kaaway

“Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet Hakerem, dahil darating na ang kapahamakan mula sa hilaga. Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.[a] Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo.[b] Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo. Sasabihin ng mga pinuno, ‘Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.’ Pero pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Lumulubog na ang araw at medyo nagdidilim na. Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.’ ”

Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi. Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito. Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”

10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig. 11 Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.”

Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda. 12 Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin. 14 Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman. 15 Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

16 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’ 17 Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

18 “Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila. 19 Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko. 20 Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi ko tatanggapin ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin. 21 Kaya ako, ang Panginoon, ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”

22 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain[c] na handang sumalakay. 23 Ang dala nilang armas ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Jerusalem.”

24 Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na. 25 Huwag na kayong lalabas para pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, dahil may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid. 26 Mga kababayan, magsuot kayo ng damit na panluksa[d] at gumulong kayo sa abo para ipakita ang kalungkutan ninyo. Umiyak kayo na parang namatay ang kaisa-isa ninyong anak na lalaki. Sapagkat bigla tayong sasalakayin ng kaaway.

27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ginawa kitang tulad ng tagasuri ng mga metal, para masuri mo ang pag-uugali ng aking mga mamamayan. 28 Silang lahat ay rebelde at matitigas ang ulo, kasintigas ng tanso at bakal. Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa. 29 Pinapainit nang husto ang pugon para dalisayin ang pilak mula sa tinggang nakahalo rito, pero hindi rin lubusang nadalisay ang pilak. Ganyan din ang mga mamamayan ko, wala ring kabuluhan ang pagdalisay sa kanila, dahil hindi pa rin naaalis nang lubusan ang kasamaan nila. 30 Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’ dahil itinakwil ko sila.”

Nangaral si Jeremias

Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Tumayo ka sa pintuan ng templo ko at sabihin mo ito sa mga mamamayan ko: ‘Makinig kayo, kayong mga taga-Juda na pumapasok dito para sumamba sa Panginoon. Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Baguhin na ninyo ang inyong pag-uugali at pamumuhay, para patuloy ko kayong patirahin sa lupaing ito. Huwag kayong palilinlang sa mga taong paulit-ulit na sinasabing walang panganib na mangyayari sa inyo dahil nasa atin ang templo ng Panginoon.

“ ‘Baguhin na ninyo ng lubusan ang inyong pag-uugali at pamumuhay. Tratuhin ninyo ng tama ang inyong kapwa, at huwag na ninyong apihin ang mga dayuhan, ulila, at mga biyuda. Huwag ninyong papatayin ang mga walang kasalanan, at huwag kayong sumamba sa ibang mga dios na siyang magpapahamak sa inyo. Kapag ginawa nʼyo ito, patuloy ko kayong patitirahin sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga magulang nʼyo magpakailanman.

“ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan. Kayo ay nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal, at sumasamba sa ibang mga dios na hindi nʼyo nakikilala. 10 Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap ko rito sa templo, kung saan pinararangalan ang pangalan ko. At sinasabi nʼyo, “Ligtas tayo rito.” At pagkatapos, ginagawa na naman ninyo ang mga gawaing kasuklam-suklam. 11 Bakit, ano ang akala ninyo sa templong ito na pinili ko para parangalan ako, taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang mga ginagawa sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

12 “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel. 13 Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot. 14 Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 15 Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’[e]

16 “Kaya Jeremias, huwag kang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag kang magmamakaawa o humiling sa akin para sa kanila, dahil hindi kita pakikinggan. 17 Hindi mo ba nakikita ang ginagawa nila sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 18 Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit.[f] Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako. 19 Pero ako nga ba ang sinasaktan nila? Hindi! Ang sarili nila ang sinasaktan at inilalagay nila sa kahihiyan. 20 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi, ‘Ipapadama ko sa lugar na ito ang matinding galit ko – sa mga tao, mga hayop, mga puno, at mga halaman. Ang galit koʼy parang apoy na hindi mapapatay ng kahit sino.’

21 “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, 23 inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’

24 “Pero hindi nila sinunod o pinansin man lang ang mga sinabi ko sa kanila. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. At sa halip na lumapit sa akin, lalo pa silang lumayo. 25 Mula nang umalis ang mga ninuno nʼyo sa Egipto hanggang ngayon, patuloy akong nagpapadala sa inyo ng mga lingkod kong mga propeta. 26 Pero hindi nʼyo sila pinakinggan o pinansin. Mas matigas pa ang mga ulo nʼyo at mas masama pa ang mga ginawa nʼyo kaysa sa mga ninuno ninyo.

27 Jeremias, kung sasabihin mo sa kanila ang lahat ng ito, hindi sila makikinig sa iyo. Kapag tatawagin mo sila na lumapit sa akin, hindi sila sasagot. 28 Kaya ito ang sabihin mo sa kanila: Ito ang bansa na ang mga mamamayan ay ayaw sumunod sa Panginoon na kanilang Dios, at ayaw magpaturo. Wala sa kanila ang katotohanan at hindi na sila nagsasalita ng totoo. 29 Mga taga-Jerusalem, kalbuhin nʼyo ang buhok nʼyo at itapon ito para ipakitang nagdadalamhati kayo. Umiyak kayo roon sa kabundukan, dahil itinakwil at pinabayaan na ng Panginoon ang lahi nʼyo na nagpagalit sa kanya.”

Ang Lambak ng Patayan

30 Sinabi ng Panginoon, “Gumawa ng masama ang mga tao ng Juda. Inilagay nila ang mga kasuklam-suklam nilang dios-diosan doon sa templo, ang lugar na pinili ko kung saan ako pararangalan, kaya nadungisan ito. 31 Nagtayo rin sila ng sambahan sa matataas na lugar[g] sa Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para roon nila sunugin ang mga anak nila bilang handog. Hindi ko ito iniutos sa kanila ni pumasok man lang sa isip ko. 32 Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ang lugar na iyon ay hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom kundi Lambak ng Patayan. Sapagkat doon ililibing ang maraming bangkay hanggang sa wala nang lugar na mapaglibingan. 33 Ang mga bangkay ng mamamayan ko ay kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop, at walang sinumang magtataboy sa mga ito. 34 Ipapatigil ko na ang kagalakan at kasayahan sa mga lansangan ng Jerusalem. At hindi na rin mapapakinggan sa bayan ng Juda ang masasayang tinig ng mga bagong kasal. Sapagkat magiging mapanglaw ang lupaing ito.”

At sinabi pa ng Panginoon, “Sa mga panahong iyon, kukunin sa mga libingan ang mga buto ng mga hari, ng mga pinuno ng Juda, pati na ng mga pari, mga propeta, at mga mamamayan ng Jerusalem. Pagkatapos, ikakalat ito sa lupain na nakabilad sa init ng araw, sa liwanag ng buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinanggunian, at sinamba. Hindi na muling titipunin ang mga buto nila ni ililibing, kundi ikakalat sa lupa na parang dumi. Ang natitirang buhay sa masamang bansang ito ay ipapangalat ko sa ibang mga bansa, at doon ay gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sa mabuhay. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan at ang Kaparusahan

Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko ito sa mga tao: “Kapag nadapa ang tao, hindi baʼt muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya, hindi baʼt muli siyang bumabalik? Pero kayong mga taga-Jerusalem, bakit patuloy kayong lumalayo sa akin? Bakit ayaw ninyong iwanan ang mga dios-diosan na dumadaya sa inyo at magbalik sa akin? Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi nʼyo pero hindi tama ang mga ito. Walang sinuman sa inyo ang nagsisi sa inyong kasamaan. Wala man lang nagsabing, ‘Ano ba itong ginawa ko?’ Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay naging mabilis sa paggawa ng kasalanan na parang kabayong papunta sa digmaan. Nalalaman ng tagak, ng kalapati at ng langay-langayan kung kailan sila lilipad patungo sa ibang lugar at kung kailan sila babalik, pero kayong mga hinirang ko ay hindi alam ang aking mga tuntunin. Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng inyong mga guro. Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang mga salita ko – gagawin ba nila ito kung talagang marunong sila? 10 Kaya ibibigay ko sa iba ang mga asawa at mga bukirin nila. Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha ay pare-parehong naging sakim sa pera, pati na ang mga propeta at mga pari. 11 Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat ng mga mamamayan ko, kahit malubha na ito. Sinasabi nilang mabuti ang lahat kahit na hindi ito mabuti. 12 Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila pagdating ng araw na parurusahan sila. 13 Lubos ko silang lilipulin at sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos; pati ang mga dahon nitoʼy malalanta. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.

14 Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating. 16 Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”

17 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”

18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang kalungkutan ko. Nagdaramdam ang puso ko. 19 Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga kababayan ko na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem?[h] Wala na ba roon ang Dios na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon, “Bakit nʼyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba nʼyo sa mga dios-diosang walang kabuluhan?” 20 Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”

21 Nagdaramdam ako dahil sa nararanasang hirap ng mga kababayan ko. Nagluluksa ako at natitigilan. 22 Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng mga kababayan ko?

Footnotes

  1. 6:2 lungsod ng Jerusalem: sa literal, babaeng anak ng Zion. Ganito rin sa talatang 23.
  2. 6:3 pinuno … sundalo: sa literal, pastol at ang mga hayop nila.
  3. 6:22 malayong lupain: sa literal, sa dulo ng mundo.
  4. 6:26 damit na panluksa: sa Hebreo, sakong damit.
  5. 7:15 mamamayan ng Israel: sa Hebreo, angkan ni Efraim, Ito ang kumakatawan sa kaharian ng Israel.
  6. 7:18 Reyna ng Langit: Isa sa mga diosang sinasamba noon.
  7. 7:31 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  8. 8:19 Jerusalem: sa Hebreo, Zion.