Jeremias 49
Ang Biblia, 2001
Ang Hatol ng Panginoon sa Ammon
49 Tungkol(A) sa mga anak ni Ammon.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Wala bang mga anak na lalaki ang Israel?
Wala ba siyang tagapagmana?
Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad,
at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon?
2 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating,
sabi ng Panginoon,
na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan
laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon.
Ito'y magiging isang bunton ng guho,
at ang kanyang kabayanan[a] ay susunugin ng apoy.
Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya,
sabi ng Panginoon.
3 “Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai!
Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba!
Kayo'y magbigkis ng damit-sako,
kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan!
Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag,
kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
4 Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod,
ikaw na taksil na anak na babae
na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi,
‘Sinong darating laban sa akin?’
5 Narito, dadalhan kita ng takot,
sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo,
mula sa lahat ng nasa palibot mo;
at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya,
at walang magtitipon sa mga takas.
6 Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng Panginoon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Edom
7 Tungkol(B) sa Edom.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Wala na bang karunungan sa Teman?
Naglaho na ba ang payo mula sa matalino?
Naparam na ba ang kanilang karunungan?
8 Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman,
O mga naninirahan sa Dedan!
Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya,
sa panahon na parurusahan ko siya.
9 Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo,
hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot?
Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi,
hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili?
10 Ngunit aking hinubaran ang Esau,
aking inilitaw ang kanyang mga kublihan,
anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili.
Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid,
at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buháy,
at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo.”
12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang-sala, kundi tiyak na iinom ka.
13 Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman.”
14 Ako'y nakarinig ng balita mula sa Panginoon,
at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya,
at bumangon upang lumaban!”
15 Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa,
at hamak sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong kakilabutan,
dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato,[b]
na humahawak sa kataasan ng burol.
Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila,
ibababa kita mula roon, sabi ng Panginoon.
17 “Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito.
18 Gaya(C) ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng Panginoon, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon.
19 Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko?
20 Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng Panginoon laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila.
21 Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula.
22 Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Damasco
23 Tungkol(D) sa Damasco.
“Ang Hamat at ang Arpad ay napahiya,
sapagkat sila'y nakarinig ng masamang balita;
sila'y nanlulumo, may kabalisahan sa dagat
na hindi mapayapa.
24 Ang Damasco ay humina, siya'y tumalikod upang tumakas,
at sinaklot siya ng sindak;
hinawakan siya ng dalamhati at mga kalungkutan,
na gaya ng babaing manganganak.
25 Tunay na hindi pinabayaan ang lunsod ng kapurihan,
ang bayan ng aking kagalakan!
26 Kaya't ang kanyang mga binata ay mabubuwal sa kanyang mga lansangan,
at lahat ng kanyang kawal ay matatahimik sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27 At ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Damasco,
at lalamunin niyon ang mga toreng tanggulan ni Ben-hadad.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Kedar at Hazor
28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Bangon, sumampa kayo sa Kedar!
Lipulin ninyo ang mga anak ng silangan!
29 Ang kanilang mga tolda at mga kawan ay kanilang kukunin,
ang kanilang mga tabing at lahat nilang ari-arian;
ang kanilang mga kamelyo ay aagawin sa kanila,
at ang mga tao ay sisigaw sa kanila: ‘Kakilabutan sa bawat panig!’
30 Takbo, tumakas kayo! Manirahan kayo sa kalaliman,
O mamamayan ng Hazor, sabi ng Panginoon:
Sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia
ay nagpanukala laban sa inyo,
at nagpasiya laban sa inyo.
31 “Bangon, lusubin ninyo ang bansang tiwasay,
na naninirahang panatag, sabi ng Panginoon;
na walang pintuan o mga halang man,
na naninirahang mag-isa.
32 At ang kanilang mga kamelyo ay sasamsamin,
ang kanilang maraming kawan ay tatangayin.
Aking pangangalatin sa bawat hangin
ang mga gumugupit sa mga sulok ng kanilang buhok
at dadalhin ko ang kanilang kapinsalaan
na mula sa bawat panig nila, sabi ng Panginoon.
33 Ang Hazor ay magiging tirahan ng mga asong mailap,
walang-hanggang sira,
walang sinumang mananatili roon,
walang anak ng tao na maninirahan doon.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Elam
34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay propeta Jeremias tungkol sa Elam sa simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi,
35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Narito, aking babaliin ang pana ng Elam, ang pangunahin sa kanilang kapangyarihan;
36 at dadalhin ko sa Elam ang apat na hangin mula sa apat na sulok ng langit at ikakalat ko sila sa lahat ng mga hanging iyon. Walang bansang hindi mararating ng mga itinaboy mula sa Elam.
37 Aking tatakutin ang Elam sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa harapan ng mga nagtatangka sa kanilang buhay. Ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon. Ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.
38 Pagkatapos ay ilalagay ko ang aking trono sa Elam, at lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno, sabi ng Panginoon.
39 “Ngunit mangyayari sa mga huling araw ay ibabalik ko ang mga kayamanan ng Elam, sabi ng Panginoon.”
Footnotes
- Jeremias 49:2 Sa Hebreo ay anak na babae .
- Jeremias 49:16 o Sela .
Jeremias 49
Ang Dating Biblia (1905)
49 Tungkol sa mga anak ni Ammon. Ganito ang sabi ng Panginoon. Wala bagang mga anak ang Israel? wala ba siyang tagapagmana? bakit nga minamana ni Malcam ang Gad, at tumatahan ang kaniyang bayan sa mga bayan niyaon?
2 Kaya't, narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking iparirinig ang kaingay ng digmaan laban sa Rabba ng mga anak ng Ammon; at magiging isang gibang bunton, at ang kaniyang mga anak na babae ay masusunog ng apoy: kung magkagayo'y mga aariin ng Israel ang nagari sa kaniya, sabi ng Panginoon.
3 Tumangis ka, Oh Hesbon, sapagka't ang Hai ay nasamsaman; magsiiyak kayo, kayong mga anak na babae ng Rabba, kayo'y mangagbigkis ng kayong magaspang: kayo'y magsitaghoy, at magsitakbong paroo't parito sa gitna ng mga bakuran; sapagka't si Malcam ay papasok sa pagkabihag, ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.
4 Bakit ka nagpapakaluwalhati sa mga libis, ikaw na mainam na libis, Oh tumatalikod na anak na babae? na tumiwala sa kaniyang mga kayamanan, na kaniyang sinasabi, Sinong paririto sa akin?
5 Narito, sisidlan kita ng takot, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, mula sa lahat na nangasa buong palibot mo; at kayo'y mangatataboy bawa't isa na patuloy, at walang magiipon sa kanila na nagsisitakas.
6 Nguni't pagkatapos ay aking ibabalik na muli ang mga anak ni Ammon mula sa pagkabihag, sabi ng Panginoon.
7 Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Wala na baga ang karunungan sa Teman? nawala baga ang payo sa mabait? nawala baga ang kanilang karunungan?
8 Magsitakas kayo, magsibalik kayo, kayo'y magsitahan sa kalaliman, Oh mga nananahan sa Dedan; sapagka't aking dadalhin ang kapahamakan ng Esau sa kaniya, sa panahon na aking dadalawin siya.
9 Kung ang mga mangaani ng ubas ay magsidating sa iyo, hindi baga sila mangagiiwan ng mapupulot na mga ubas? kung mga magnanakaw sa gabi, hindi baga sila magsisigiba ng hanggang magkaroon ng kahustuhan?
10 Nguni't aking hinubdan ang Esau, aking inilitaw ang kaniyang mga kublihan, at siya'y hindi makapagkukubli: ang kaniyang mga binhi ay nasira, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga kalapit, at siya'y wala na rin.
11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, aking iingatan silang buhay: at magsitiwala sa akin ang iyong mga babaing bao.
12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, silang hindi nangauukol magsiinom sa saro ay walang pagsalang magsisiinom; at ikaw baga'y yayaong lubos na walang parusa? ikaw ay hindi yayaon na walang parusa, kundi walang pagsalang iinom ka.
13 Sapagka't ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katigilan, kakutyaan, kasiraan, at kasumpaan; at ang lahat ng mga bayan niyaon ay magiging walang hanggang pagkasira.
14 Ako'y nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa gitna ng mga bansa, na sinasabi, Kayo'y magpipisan, at magsiparoon laban sa kaniya, at magsibangon sa pakikipagbaka.
15 Sapagka't, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hinamak kita sa gitna ng mga tao.
16 Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.
17 At ang Edom ay magiging katigilan: bawa't nagdaraan ay matitigilan, at susutsot dahil sa lahat ng salot doon.
18 Kung paano ang nangyari sa Sodoma at Gomorra, at sa mga kalapit bayan niyaon, sabi ng Panginoon, gayon walang lalake na tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.
19 Narito, siya'y sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: sapagka't bigla kong patatakbuhin siya mula roon; at ang mapili siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sino ang gaya ko? at sinong nagtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na makatatayo sa harap ko?
20 Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinasiya laban sa Edom; at ang kaniyang mga panukala na kaniyang pinanukala laban sa mga nananahan sa Teman: Tunay na itataboy sila, sa makatuwid baga'y ang mga maliit ng kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan kalakip nila.
21 Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula.
22 Narito, siya'y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.
23 Tungkol sa Damasco. Ang Hamath ay napahiya, at ang Arphad; sapagka't sila'y nangakarinig ng mga masamang balita, sila'y nanganglulupaypay: may kapanglawan sa dagat; hindi maaaring tumahimik.
24 Ang Damasco ay humihina, siya'y tumatalikod upang tumakas, at panginginig ay humahawak sa kaniya: kalungkutan at mga kapanglawan ay sumapit sa kaniya na gaya sa babae sa pagdaramdam.
25 Ano't hindi pinabayaan ang bayan na kapurihan, ang bayan na aking kagalakan?
26 Kaya't ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
27 At ako'y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad.
28 Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan.
29 Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako!
30 Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka't kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo.
31 Magsibangon kayo, inyong sampahin ang bansang tiwasay, na tumatahang walang bahala, sabi ng Panginoon; na wala kahit pintuangbayan o mga halang man, na tumatahang magisa.
32 At ang kanilang mga kamelyo ay magiging samsam, at ang karamihan ng kanilang kawan ay samsam: at aking pangangalatin sa lahat ng hangin ang mga may gupit sa dulo ng kanilang buhok; at aking dadalhin ang kanilang kasakunaan na mula sa lahat nilang dako, sabi ng Panginoon.
33 At ang Hasor ay magiging tahanang dako ng mga chakal, sira magpakailan man: walang taong tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon.
34 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa Elam sa pagpapasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, na nagsasabi,
35 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking babaliin ang busog ng Elam, ang pinakapangulo ng kaniyang kapangyarihan.
36 At sa Elam ay dadalhin ko ang apat na hangin na mula sa apat na sulok ng langit, at aking pangangalatin sila sa lahat ng hanging yaon; at walang bansang hindi kararatingan ng mga tapon na mula sa Elam.
37 At aking panglulupaypayin ang Elam sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa harap ng nagsisiusig ng kanilang buhay; at ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon; at aking ipahahabol sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.
38 At aking ilalagay ang aking luklukan sa Elam, at aking lilipulin mula roon ang hari at mga prinsipe, sabi ng Panginoon.
39 At mangyayari sa mga huling araw, na aking ibabalik ang pagkabihag ng Elam, sabi ng Panginoon.
Jeremias 49
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mensahe Tungkol sa Ammon
49 Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taga-Ammon:
“Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Molec, bakit nʼyo tinitirhan ang mga bayan ng lupain ni Gad? Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? 2 Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila.
3 “Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Heshbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader para ipakita ang pagluluksa ninyo. Sapagkat bibihagin ang dios-diosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya. 4 Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa kayamanan ninyo at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo. 5 Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay magpapadala sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo para takutin kayo. Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang tutulong sa inyo. 6 Pero darating ang araw na ibabalik ko sa mabuting kalagayan ang mga taga-Ammon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
7 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan tungkol sa Edom:
“Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo? 8 Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila. 9 Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila? 10 Pero kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila para hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila. 11 Pero maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo dahil ako ang kakalinga sa kanila. At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”
12 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo. 13 Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bozra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
14 Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa para paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom. 15 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin nila kayo. 16 Ipinagmamalaki ninyo na nakatira kayo sa batuhan at matataas na lugar. Pero sa pagmamataas at pananakot nʼyong iyan sa iba, dinadaya nʼyo ang sarili ninyo. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
17 Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito. 18 Kung paanong nawasak ang Sodom at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang maninirahan dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 19 Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan nʼyo ang binabalak kong gawin laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila. 21 At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga taga-roon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula. 22 Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bozra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.”
Ang Mensahe tungkol sa Damascus
23 Ito ang mensahe tungkol sa Damascus: “Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad sa masasamang balita na narinig nila. Naguguluhan at nanlulupaypay sila, at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat. 24 Nanghihina ang mga taga-Damascus at tumakas sila dahil sa takot. Takot at sakit ng damdamin ang nararamdaman nila na para bang babaeng malapit nang manganak. 25 Ang tanyag at masayang[a] lungsod ng Damascus ay itinakwil. 26 Ang mga kabataan niyang lalaki ay mamamatay sa mga lansangan pati ang lahat ng kawal niya. 27 Susunugin ko ang mga pader ng Damascus, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben Hadad.”
Ang Mensahe tungkol sa Kedar at Hazor
28 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:
“Humanda kayo at salakayin nʼyo ang Kedar. Lipulin nʼyo ang mga taong ito ng silangan. 29 Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian, at mga kamelyo nila ay sasamsamin. Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo ng mga nakakatakot nating kaaway.’
30 “Mga taga-Hazor, magmadali kayo at tumakas! Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing magtago na kayo sa mga kweba. Nagplano ng masama laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 31 Ako, ang Panginoon, ang nag-utos sa kanila, ‘Lusubin nʼyo ang mga taong namumuhay nang tiwasay at walang anumang ikinababalisa. Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila, at nabubuhay sila na sila-sila lang. 32 Ang mga kamelyo nila at ang lahat ng kawan nila ay magiging inyo. Pangangalatin ko ang mga taong ito na nakatira sa malayong lugar at pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan mula sa kung saan-saan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 33 Magiging malungkot ang Hazor magpakailanman at walang taong maninirahan doon kundi magiging tirahan na lang ng mga asong-gubat.’ ”[b]
Ang Mensahe tungkol sa Elam
34 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedekia sa Juda. 35 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam – ang pinakamahusay nilang mga kawal. 36 Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway mula sa lahat ng panig, at pangangalatin ko ang mga mamamayan niya sa lahat ng dako. Bibihagin sila sa lahat ng bansa sa buong daigdig. 37 Lilipulin ko sila sa pamamagitan ng mga kaaway nila na nais pumatay sa kanila. Talagang pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan dahil sa matindi kong galit sa kanila. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapasalakay ko sila sa mga kaaway nila hanggang sa mawala silang lahat. 38 Papatayin ko ang hari at ang mga pinuno ng Elam, at itatayo ko roon ang trono ko. 39 Pero darating ang araw na ibabalik ko ang Elam sa mabuting kalagayan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
