Add parallel Print Page Options

Ang Babala kay Zedekia

34 1-2 Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,

“Pumunta ka kay Haring Zedekia ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’ Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya para hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia. Pero Haring Zedekia, pakinggan mo ang pangako ko sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan, kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso para parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, pumunta si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Haring Zedekia.[a] Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Lakish at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.

Pagpapalaya ng mga Alipin

May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedekia sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin. Nag-utos si Zedekia na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Judio na mananatiling alipin. 10 At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae. 11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.

12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila, 14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo. 15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko. 16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.

17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig. 18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya,[b] at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati. 20 Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.

21 “Ibibigay ko si Haring Zedekia ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo, 22 uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin. Gagawin kong mapanglaw ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”

Ang mga Recabita

35 Noong si Jehoyakim na anak ni Josia ang hari sa Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Pumunta ka sa sambahayan ng mga Recabita at sabihin mo sa kanilang pumunta sila sa isa sa mga silid ng templo at painumin mo sila ng alak.”

Kaya pinuntahan ko si Jaazania (anak siya ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak ni Habazinia) at ang lahat ng kapatid at anak niya. Sila ang buong sambahayan ng mga Recabita. Dinala ko sila sa templo ng Panginoon, doon sa silid ng mga anak na lalaki ni Hanan na anak ni Igdalia na lingkod ng Dios. Ang silid na ito ay nasa tapat ng silid ng mga pinuno at nasa itaas ng silid ni Maaseya na anak ni Shalum, na guwardya ng pintuan ng templo. Pagkatapos, naglagay ako ng mga lalagyang puno ng alak at mga tasa sa harap ng mga Recabita, at sinabi kong magsiinom sila.

Pero sumagot sila, “Hindi kami umiinom ng alak. Iniutos sa amin ng ninuno naming si Jonadab na anak ng pinuno naming si Recab na kami at ang angkan namin ay hindi iinom ng alak. Iniutos din niya sa amin, ‘Huwag kayong magtatayo ng mga bahay o magsasaka o magtatanim ng mga ubas o magmamay-ari ng mga bagay na ito. Kinakailangang tumira lang kayo sa mga tolda. At kung susundin ninyo ito, hahaba ang buhay ninyo kahit saang lupain kayo tumira.’ Sinunod namin ang mga iniutos sa amin ng aming ninunong si Jonadab. Kami at ang mga asawaʼt mga anak namin ay hindi uminom ng alak, hindi rin kami nagtayo ng mga bahay, at hindi rin kami nagkaroon ng mga ubasan, o ng mga bukid. 10 Tumira kami sa mga tolda at sinunod namin ang lahat ng itinuro sa amin ni Jonadab na ninuno namin. 11 Pero nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram,[c] kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”

12-13 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito: Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko? 14 Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Pero hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo 15 sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga dios-diosan, para patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’ Pero hindi kayo naniwala o sumunod sa akin. 16 Sumunod sa utos ni Jonadab ang mga angkan niyang anak ni Recab. Pero kayoʼy hindi sumunod sa akin. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: ‘Makinig kayo! Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem. Pasasapitin ko sa inyo ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo. Nakipag-usap ako sa inyo pero hindi kayo nakinig, tumawag ako sa inyo pero hindi kayo sumagot.’ ”

18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias sa mga Recabita ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Talagang sinusunod nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ng ninuno nʼyong si Jonadab, 19 kaya nangako akong si Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng angkan na maglilingkod sa akin. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon

36 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”

Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”

Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10 Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan. 11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12 pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.

15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”

20 Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21 Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22 Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23 Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24 Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25 Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26 Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.

27 Nang masunog ng hari ang nakarolyong kasulatan na ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 28 “Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. 29 Pagkatapos, sabihin mo sa hari na ito ang sinasabi ko, ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop. 30 Kaya ito ang sasabihin ko tungkol sa iyo, Haring Jehoyakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi. 31 Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

32 Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. Pero may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.

Footnotes

  1. 34:6 Haring Zedekia: sa Hebreo, Haring Zedekia ng Juda.
  2. 34:18-19 guya: sa Ingles, “calf.”
  3. 35:11 Aram: o, Syria.