Add parallel Print Page Options

Ang Taksil na Israel

Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin! Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan. Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.

“At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata, at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.”

Isang Panawagan Upang Magsisi

Noong(A) panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy. Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda. Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae. Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda. 12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo. 13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.

14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion. 15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. 16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa. 17 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging ‘Luklukan ni Yahweh’. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin. 18 Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.”

Sumamba sa Diyus-diyosan ang Israel

19 Sinabi ni Yahweh,
“Itinuring kitang anak, Israel,
    at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat,
sapagkat inakala kong kikilalanin mo akong ama,
    at hindi ka na tatalikod sa akin.
20 Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako.
    Hindi ka naging tapat sa akin.”

21 May narinig na ingay sa mga kaburulan.
    Nananangis ang mga taga-Israel
    dahil sa mabigat nilang kasalanan;
    at kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, mga anak na taksil,” sabi ni Yahweh,
    “pinapatawad ko na kayo sa inyong mga kasalanan.”

Sabihin ninyo: “Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos! 23 Walang naitulong sa amin ang mga diyus-diyosang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang na aming Diyos, ang tunay na kaligtasan ng Israel. 24 Dahil sa aming pagsamba kay Baal, nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga magulang, mula pa noong una—ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan. 25 Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga magulang. Mula sa pagkabata hanggang ngayon, hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos.”

Isang Panawagan Upang Magsisi

Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”

Ganito(B) naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”

Binantaang Sakupin ang Juda

Hipan ang trumpeta sa buong lupain!
    Isigaw nang malinaw at malakas:
“Mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
    magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod.
Ituro ang daang patungo sa Zion!
    Magtago na kayo at huwag magpaliban!
Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh
    ng lagim at pagkawasak.
Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa.
Lumakad na siya upang wasakin ang Juda.
Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat
    at wala nang maninirahan doon.
Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis,
    sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.”

Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.”

10 Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.”

11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. 12 Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.”

Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda

13 Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! 14 Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?

15 Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. 16 Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” 17 Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. 18 Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso.

Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan

19 Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan!
Kumakabog ang aking dibdib!
Hindi ako mapalagay;
naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan.
Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda
    at napupunit ang mga tabing.
21 Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban
    at maririnig ang tunog ng mga trumpeta?
22 At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan;
    hindi nila ako nakikilala.
Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa.
Sanay sila sa paggawa ng masama
    ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.”

Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Pagkawasak

23 Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan,
    at sa langit ay walang anumang tanglaw.
24 Tumingin ako sa mga bundok at mga burol;
    ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol.
25 Wala akong makitang tao, wala kahit isa;
    pati mga ibon ay nagliparan na.
26 Ang masaganang lupain ay naging disyerto;
    wasak ang mga lunsod nito
    dahil sa matinding poot ng Diyos.

27 Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.”

28 Magluluksa ang sanlibutan,
    magdidilim ang kalangitan.
Sinabi ni Yahweh ang ganito
    at ang isip niya'y di magbabago.
Nakapagpasya na siya
    at hindi na magbabago pa.
29 Sa yabag ng mangangabayo at mamamana,
    magtatakbuhan ang lahat;
ang ilan ay magtatago sa gubat;
    ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat.
Lilisanin ng lahat ang kabayanan,
    at walang matitira isa man.
30 Jerusalem, ikaw ay hinatulan na!
    Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula?
    Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda?
Pagpapaganda mo'y wala nang saysay!
    Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan;
    at balak ka pa nilang patayin.
31 Narinig ko ang daing,
    gaya ng babaing malapit nang manganak.
Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem
    na nakadipa ang mga kamay:
“Ito na ang wakas ko,
    hayan na sila upang patayin ako!”

Ang Kasalanan ng Jerusalem

Mga taga-Jerusalem, magmasid-masid kayo.
    Ang mga lansangan ay inyong libutin at ang buong paligid ay halughugin.
    Maghanap kayo sa mga pamilihan.
May makikita ba kayong isang taong matuwid at tapat kay Yahweh?
Kung mayroon kayong matatagpuan, patawad ni Yahweh sa Jerusalem igagawad.
Nanunumpa nga kayo sa pangalan ni Yahweh,
    ngunit hindi taos sa inyong puso ang inyong sinasabi.
Ang hanap ni Yahweh ay katotohanan.
Pinarusahan niya kayo, ngunit hindi ninyo pinansin ang sakit;
    pinahirapan niya kayo ngunit hindi pa rin kayo nagbago.
Ayaw ninyong talikuran ang inyong mga kasalanan; dahil sa katigasan ng inyong ulo.
At aking naisip, “Ang mga taong ito'y mga mahihirap at walang alam;
hindi nila alam ang hinihiling ni Yahweh,
    ang utos ng kanilang Diyos.
Pupuntahan ko ang mga maykapangyarihan,
    at sila ay aking papakiusapan.
Natitiyak kong alam nila ang kalooban ni Yahweh;
    batid nila ang ipinag-uutos ng Diyos.
Ngunit pati silang lahat ay naging suwail
    at tumangging sumunod sa kanyang mga utos.”
Dahil dito, sila'y papatayin ng mga leon mula sa gubat.
    Sisilain sila ng mga asong-gubat mula sa ilang.
    Maglilibot sa kanilang mga lunsod ang mga leopardo upang lurayin ang sinumang makita.
Sapagkat napakarami na ng kanilang pagkakasala
    at maraming ulit na nilang tinalikuran ang Diyos.
Ang tanong nga ni Yahweh: “Bakit ko kayo patatawarin?
Nagtaksil sa akin ang iyong mga anak
    at sumamba sa mga diyus-diyosan.
Pinakain ko kayo hanggang sa mabusog,
    ngunit nangalunya pa rin kayo,
    at ginugol ang panahon sa babaing bayaran.
Tulad nila'y mga lalaking kabayo,
    nagpupumiglas dahil sa matinding pagnanasa sa asawa ng iba.
Hindi ba marapat na sila ay parusahan ko?
    At pagbayarin ang bansang tulad nito?
10 Sasabihan ko ang kanilang mga kaaway na sirain ang kanilang ubasan,
    subalit huwag naman nilang wawasakin ito nang lubusan.
Sasabihin kong putulin ang mga sanga,
    sapagkat ang mga ito'y hindi naman para sa akin.
11 Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda,
    pareho kayong nagtaksil sa akin.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.”

Itinakwil ni Yahweh ang Israel

12 Si Yahweh ay itinakwil ng kanyang bayan. “Wala naman siyang gagawing anuman!” ang sabi nila. “Hindi tayo daranas ng kahirapan; walang darating na digmaan o taggutom man. 13-14 Ang mga propeta'y walang kabuluhan; hindi talagang galing kay Yahweh ang ipinapahayag nila.”

Ganito naman ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Dahil nilapastangan ako ng mga taong iyan, ang aking salitang lalabas sa iyong bibig ay magiging parang apoy. Sila'y parang tuyong kahoy na tutupukin nito.”

15 Mga taga-Israel, magpapadala si Yahweh ng isang bansang buhat sa malayo upang salakayin kayo. Ito'y isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo alam o nauunawaan man. Ito'y ipinahayag na ni Yahweh. 16 Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani at mga pagkain. Papatayin nila ang inyong mga anak. Kakatayin nila ang inyong mga kawan at baka, at wawasakin ang inyong mga tanim na igos at ubasan. Dudurugin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinagkakanlungan ninyo.

18 “Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon. 19 Kung sila'y magtanong sa iyo, Jeremias, kung bakit ko ginawa ang lahat ng ito, sabihin mo: ‘Kung papaanong tinalikuran ninyo si Yahweh at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos samantalang nasa sariling lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga dayuhan sa isang lupaing hindi inyo.’”

Nagbabala ang Diyos sa Kanyang Bayan

20 Sabihin mo sa mga anak ni Jacob; gayundin sa mga taga-Juda: 21 “Makinig(C) kayo, mga hangal; may mga mata kayo ngunit hindi naman makakita, may mga tainga ngunit hindi naman makarinig. 22 Ako(D) si Yahweh; hindi ba kayo natatakot sa akin o nanginginig sa presensya ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, isang palagiang hangganan na hindi kayang bagtasin. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makakalampas dito. 23 Ngunit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikuran ninyo ako at nilayuan. 24 Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit sa panahon ng pag-aani taun-taon. 25 At sa halip, nagiging hadlang ang inyong mga kasalanan upang makamit ang mabubuting bagay na ito.

26 “Tumira sa aking bayan ang manggagawa ng kasamaan; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang pagkakaiba lamang, mga tao ang binibitag nila. 27 Kung paanong pinupuno ng isang nanghuhuli ng ibon ang kanyang hawla, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya naging mayaman sila at naging makapangyarihan. 28 Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Inaapi nila ang mga ulila at hindi makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.

29 “Dahil dito'y paparusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 30 Nakakapangilabot at nakakatakot ang nangyari sa buong lupain. 31 Pawang kasinungalingan ang pahayag ng mga propeta; ang kanilang utos ang sinusunod ng mga pari, at hindi naman tumututol ang aking bayan. Subalit ano ang gagawin ninyo kapag nagwakas na ang lahat?”