Jeremias 3
Ang Biblia, 2001
Ang Taksil na Israel
3 Sinasabi nila, “Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa,
at siya'y humiwalay sa kanya,
at maging asawa ng ibang lalaki,
babalik pa ba uli ang lalaki sa kanya?
Hindi ba lubos na madudumihan ang lupaing iyon?
Ikaw ay naging upahang babae[a] sa maraming mangingibig;
at babalik ka sa akin?
sabi ng Panginoon.
2 Itanaw mo ang iyong mga mata sa lantad na kaitaasan, at iyong tingnan!
Saan ka hindi nasipingan?
Sa tabi ng mga lansangan ay umupo kang naghihintay
na gaya ng taga-Arabia sa ilang.
Dinumihan mo ang lupain
ng iyong kahalayan at ng iyong kasamaan.
3 Kaya't pinigil ang mga ambon,
at hindi dumating ang ulan sa tagsibol;
gayunma'y mayroon kang noo ng isang upahang babae,
ikaw ay tumatangging mapahiya.
4 Hindi ba sa akin ay katatawag mo lamang,
‘Ama ko, ikaw ang kaibigan ng aking kabataan—
5 siya ba ay magagalit magpakailanman,
siya ba ay magngingitngit hanggang sa katapusan?’
Narito, ikaw ay nagsalita,
at gumawa ng masasamang bagay, at nasunod mo ang iyong naibigan.”
Ayaw Magsisi ng Israel at ng Juda
6 Sinabi(A) sa akin ng Panginoon sa mga araw ng haring si Josias, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel, kung paanong siya'y umahon sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at doon siya'y naging paupahang babae?
7 At aking sinabi, ‘Pagkatapos na magawa niya ang lahat ng bagay na ito, siya'y babalik sa akin;’ ngunit hindi siya bumalik, at ito'y nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.
8 Nakita niya na dahil sa lahat ng pangangalunya ng taksil na Israel, pinalayas ko siya na may kasulatan ng paghihiwalay. Gayunma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; sa halip siya man ay humayo at naging paupahang babae.
9 Sapagkat ang pagiging paupahang babae ay napakagaan para sa kanya, dinumihan niya ang lupain, at siya'y nangalunya sa mga bato at punungkahoy.
10 Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.”
11 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda.
12 Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo,
‘Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng Panginoon.
Hindi ako titingin na may galit sa inyo,
sapagkat ako'y maawain, sabi ng Panginoon;
hindi ako magagalit magpakailanman.
13 Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala,
na ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon mong Diyos,
at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy,
at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.
14 Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng Panginoon,
sapagkat ako ay panginoon sa inyo,
at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan,
at dadalhin ko kayo sa Zion.
15 “‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa.
16 At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng Panginoon.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin.
17 Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng Panginoon, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso.
18 Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang.
Ang Pagsamba ng Israel sa Diyus-diyosan
19 “‘Aking inisip,
nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak,
at bigyan ka ng magandang lupain,
isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa.
At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko;
at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin.
20 Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa,
gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.’”
21 Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan,
ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel;
sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan,
kanilang nilimot ang Panginoon nilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, O taksil na mga anak,
pagagalingin ko ang inyong kataksilan.”
“Narito, kami ay lumalapit sa iyo;
sapagkat ikaw ang Panginoon naming Diyos.
23 Tunay na ang mga burol ay kahibangan,
ang mga lasingan sa mga bundok.
Tunay na nasa Panginoon naming Diyos
ang kaligtasan ng Israel.
24 “Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae.
25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Diyos.”
Footnotes
- Jeremias 3:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
Jeremias 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Kanilang sinabi, Kung ihiwalay ng lalake ang kaniyang asawa, at siya'y humiwalay sa kaniya, at mapasa ibang lalake, babalik pa baga uli ang lalake sa kaniya? hindi baga lubos na madudumhan ang lupaing yaon? Nguni't ikaw ay nagpatutot sa maraming nangingibig; gayon ma'y manumbalik ka uli sa akin, sabi ng Panginoon.
2 Imulat mo ang iyong mga mata sa mga luwal na kaitaasan, at tingnan mo; saan hindi ka nasipingan? Sa tabi ng mga lansangan ay naghintay ka sa kanila, gaya ng taga Arabia sa ilang; at iyong dinumhan ang lupain ng iyong mga pakikiapid at ng iyong kasamaan.
3 Kaya't ang ambon, ay napigil, at hindi nagkaroon ng huling ulan; gayon man may noo ka ng isang patutot ikaw ay tumakuwil na mapahiya.
4 Hindi ka baga dadaing mula sa panahong ito sa akin, Ama ko, ikaw ang patnubay ng aking kabataan?
5 Kaniya bagang iingatan ang kaniyang galit magpakailan man? kaniya bagang iingatan hanggang sa kawakasan? Narito, ikaw ay nagsalita at gumawa ng mga masamang bagay, at sinunod mo ang iyong ibig.
6 Bukod dito'y sinabi sa akin ng Panginoon sa kaarawan ni Josias na hari, Iyo bagang nakita ang ginawa ng tumatalikod na Israel? siya'y yumaon sa bawa't mataas na bundok at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy, at doon siya nagpatutot.
7 At aking sinabi pagkatapos na magawa niya ang lahat na bagay na ito, Siya'y babalik sa akin; nguni't hindi siya bumalik: at nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.
8 At aking nakita, nang, dahil dito sa pangangalunya ng tumatalikod na Israel, akin siyang pinalayas at binigyan ko siya ng sulat ng paghihiwalay, gayon ma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; kundi siya man ay yumaon at nagpatutot.
9 At nangyari, sa walang kabuluhan niyang pagsamba sa diosdiosan, na ang lupain ay nadumhan, at siya'y sumamba sa pamamagitan ng mga bato at ng mga kahoy.
10 At gayon ma'y sa lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ang taksil niyang kapatid na Juda, ng kaniyang buong puso, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.
11 At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang tumatalikod na Israel ay napakilala na lalong matuwid kay sa taksil na Juda.
12 Ikaw ay yumaon, at itanyag mo ang mga salitang ito sa dakong hilagaan, at iyong sabihin, Ikaw ay manumbalik, ikaw na tumatalikod na Israel, sabi ng Panginoon; hindi ako titinging may galit sa inyo: sapagka't ako'y maawain, sabi ng Panginoon, hindi ako magiingat ng galit magpakailan man.
13 Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Dios, at iyong ikinalat ang iyong mga kaugalian sa mga taga ibang lupa sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy, at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.
14 Kayo'y manumbalik, Oh tumatalikod na mga anak, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y asawa ninyo; at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Sion.
15 At bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ng kaalaman at unawa.
16 At mangyayari, pagka kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, Ang kaban ng tipan ng Panginoon; ni mapapasaisip nila yaon: ni aalalahanin nila yaon: ni nanaisin nila yaon; ni mayayari pa man.
17 Sa panahong yaon ay tatawagin nila ang Jerusalem na luklukan ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay mapipisan doon, sa pangalan ng Panginoon, sa Jerusalem: hindi na rin lalakad pa man sila ng ayon sa pagmamatigas ng kanilang masamang kalooban.
18 Sa mga araw na yaon ang sangbahayan ni Juda ay lalakad na kasama ng sangbahayan ni Israel, at sila'y manggagaling na magkasama sa lupain ng hilagaan sa lupain na ibinigay kong pinakamana sa inyong mga magulang.
19 Nguni't aking sinabi, Paanong ilalagay kita sa gitna ng mga anak, at bibigyan kita ng masayang lupain, ng mainam na mana ng mga hukbo ng mga bansa? at aking sinabi, Inyong tatawagin ako, Ama ko; at hindi ka na hihiwalay pa ng pagsunod sa akin.
20 Tunay na kung paanong humihiwalay na may pagtataksil ang babae sa kaniyang asawa, gayon kayo nagsigawang may kataksilan sa akin, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon.
21 Isang tinig ay naririnig sa mga luwal na kaitaasan, ang iyak at ang mga samo ng mga anak ni Israel; sapagka't kanilang pinasama ang kanilang lakad, kanilang nilimot ang Panginoon nilang Dios.
22 Kayo'y manumbalik, kayong nagsisitalikod na mga anak, aking pagagalingin ang inyong mga pagtalikod. Narito, kami ay nagsiparito sa iyo; sapagka't ikaw ay Panginoon naming Dios.
23 Tunay na walang kabuluhan ang tulong na maaasahan sa mga burol, ang kagulo sa mga bundok: tunay na nasa Panginoon naming Dios ang kaligtasan ng Israel.
24 Nguni't nilamon ng nakahihiyang bagay ang gawa ng ating mga magulang na mula sa ating kabataan, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalake at babae.
25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kalituhan: sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon nating Dios, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Dios.
