Add parallel Print Page Options

Ang mga Reklamo ni Jeremias

12 Panginoon, kapag nagrereklamo po ako sa inyo, palaging makatarungan ang tugon ninyo. Pero ngayon, may tanong po ako tungkol sa katarungan nʼyo: Bakit po umuunlad ang masasamang tao? Bakit po mapayapa ang buhay ng mga taong taksil sa inyo? Pinagpapala nʼyo po sila na parang punongkahoy na nag-uugat, lumalago, at namumunga. Pinupuri po nila kayo ng mga bibig nila pero hindi galing sa puso nila. Ngunit kilala nʼyo po ako Panginoon. Nakikita nʼyo ang mga ginagawa ko at alam po ninyo kung ano ang nasa puso ko. Kaladkarin nʼyo po ang mga taong ito na parang mga tupa patungo sa katayan. Ihiwalay po ninyo sila para katayin. Hanggang kailan po kaya ang pagkatuyo ng lupa at ang pagkalanta ng mga damo? Namamatay na po ang mga hayop at mga ibon dahil sa kasamaan ng mga taong nakatira sa lupaing ito. At sinasabi pa nila, “Walang pakialam ang Dios sa sasapitin natin.”

Ang Sagot ng Panginoon

Sinabi ng Panginoon, “Jeremias, kung napapagod ka sa pakikipaghabulan sa mga tao, di lalo na sa mga kabayo? Kung nadadapa ka sa lugar na patag, di lalo na sa kagubatan na malapit sa Ilog ng Jordan? Kahit na ang iyong mga kapatid at kamag-anak ay nagtaksil sa iyo. Nagbalak sila ng masama laban sa iyo. Huwag kang magtiwala sa kanila kahit na mabuti ang sinasabi nila.

“Itatakwil ko ang mga mamamayan ko, ang bansang pag-aari ko. Ibibigay ko ang minamahal kong mga mamamayan sa mga kaaway nila. Lumaban sila sa akin na parang leon na umaatungal sa kagubatan, kaya nagalit ako sa kanila. Naging kasuklam-suklam sila sa akin na parang ibong mandaragit. At sila mismoʼy napapalibutan ng mga ibong mandaragit. Titipunin ko ang mababangis na hayop para kainin sila nito. 10 Wawasakin ng maraming pinuno ang Juda na itinuturing kong aking ubasan. Tatapak-tapakan nila itong magandang lupain at gagawing ilang. 11 Gagawin nila itong malungkot na lugar at magiging walang kabuluhan sa akin. Magiging ilang ang lupaing ito, dahil wala nang magmamalasakit dito. 12 Darating ang mga mangwawasak sa lugar na ilang. Gagamitin ko sila bilang espada na wawasak sa buong lupain, at walang makakatakas. 13 Magtatanim ng trigo ang mga mamamayan ko, pero aani sila ng tinik. Magtatrabaho sila nang husto pero wala silang pakikinabangan. Mag-aani sila ng kahihiyan dahil sa matinding galit ko.”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang gagawin ko sa lahat ng masasamang bansa sa palibot ng Israel na sumira ng lupaing ibinigay ko sa mga mamamayan ko: Palalayasin ko sila sa lupain nila katulad ng pagpapalayas ko sa mga taga-Juda sa lupain nito. 15 Pero sa bandang huli, kahahabagan ko ulit ang mga bansang ito at ibabalik ko sila sa sarili nilang lupain. 16 At kung tatanggapin nila nang buong puso ang pananampalataya ng mga mamamayan ko at kung susumpa sila sa pangalan ko, gaya ng itinuro nila sa mga mamamayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal, magiging kabilang din sila sa mga mamamayan ko. 17 Pero ang alin mang bansa na hindi susunod sa akin ay palalayasin ko sa kanilang lupain at lilipulin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Sinturon na Telang Linen

13 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Lumakad ka at bumili ng sinturon na telang linen. Itali mo ito sa baywang mo, pero huwag mong lalabhan.” Kaya bumili ako ng sinturon at pagkatapos, itinali ko ito sa baywang ko ayon sa sinabi ng Panginoon.

Pagkatapos, sinabing muli sa akin ng Panginoon, “Tanggalin mo ang sinturon na binili mo at pumunta ka malapit sa Ilog ng Eufrates[a] at itago mo roon ang sinturon sa biyak ng bato.” Kaya pumunta ako sa may Ilog ng Eufrates at itinago ko roon ang sinturon ayon sa sinabi ng Panginoon.

Pagkaraan ng mahabang panahon, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa Ilog ng Eufrates at kunin mo ang sinturon na ipinatago ko sa iyo roon.” Kaya pumunta ako sa Ilog ng Eufrates at kinuha ko ang sinturon sa pinagtaguan ko, pero sira na iyon at hindi na mapapakinabangan. 8-9 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Ganyan din ang mangyayari sa Juda na mapagmataas at sa higit na pagmamataas ng Jerusalem. 10 Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga dios-diosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan. 11 Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin. Hinirang ko sila para papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Sisidlang-balat ng Alak

12 “Jeremias, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, ‘Ang lahat ng sisidlang-balat nʼyo ay mapupuno ng alak.’ At kung sasabihin nila sa iyo, ‘Alam na naming mapupuno ng alak ang lahat ng lalagyan namin.’ 13 Sabihin mo sa kanila na ito ang ibig kong sabihin: ‘Parurusahan ko ang lahat ng mamamayan ng lupaing ito, na parang nilasing ko sila ng alak. Parurusahan ko ang mga hari na angkan ni David, ang mga pari, mga propeta, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. 14 Pag-uumpugin ko ang mga magulang at ang mga anak nila. Hindi ako mahahabag sa pagpatay sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Babala tungkol sa Kapalaluan

15 Makinig kayong mabuti, at huwag kayong magmataas dahil nagsalita ang Panginoon. 16 Parangalan nʼyo ang Panginoon na inyong Dios habang hindi pa niya ipinapadala ang kadiliman, at habang hindi pa kayo nadadapa sa madilim na mga bundok. Ang liwanag na inaasahan ninyoʼy gagawin niyang napakatinding kadiliman. 17 Kung ayaw pa rin ninyong makinig, iiyak ako ng lihim dahil sa pagmamataas ninyo. Iiyak ako ng malakas at dadaloy ang mga luha ko dahil bibihagin ang mga hinirang ng Panginoon.

18 Inutusan ako ng Panginoon na sabihin sa hari at sa kanyang ina na bumaba sila sa trono nila dahil malapit nang kunin sa ulo nila ang magaganda nilang korona. 19 Isasara ang mga pintuan ng mga bayan sa Negev. Wala nang makakapasok o makakalabas doon. Bibihagin ang lahat ng taga-Juda.

20 Tingnan nʼyo ang mga kaaway na dumarating mula sa hilaga. O Jerusalem, nasaan na ang iyong mga mamamayan na ipinagmamalaki mo, na ipinagkatiwala ko sa iyo para alagaan mo? 21 Ano ang mararamdaman mo kung ang kakampi mong bansa ang sumakop sa iyo? Hindi baʼt magdaramdam ka tulad ng isang babaeng manganganak na? 22 Kung tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ka napahamak na parang babaeng pinunit ang damit at pinagsamantalahan, itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan. 23 Mapapalitan ba ng taong maitim[b] ang kulay ng balat niya? Maaalis ba ng leopardo ang mga batik sa katawan niya? Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem, hindi kayo makakagawa ng mabuti dahil ugali na ninyo ang gumawa ng masama.

24-25 Sinabi ng Panginoon, “Pangangalatin ko kayo katulad ng ipa na ipinapadpad ng hanging mula sa disyerto. Iyan ang kahihinatnan ninyo. Gagawin ko ito sa inyo dahil kinalimutan ninyo ako at nagtiwala kayo sa mga dios-diosan. 26 Ibibilad ko kayo sa kahihiyan gaya ng babaeng hinubaran. 27 Nakita ko ang mga ginawa ninyong kasuklam-suklam na pagsamba sa mga dios-diosan sa mga bundok at kapatagan. Tulad kayo ng babaeng bayaran na nag-aapoy ang pagnanasa, o ng mga nangangalunya at nakikiapid. Nakakaawa kayo, mga taga-Jerusalem! Hanggang kailan kayo mananatili sa karumihan?”

Ang Matinding Tagtuyot sa Juda

14 Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa mahabang tagtuyot: “Nagluluksa ang Juda; ang mga lungsod niyaʼy nanlulupaypay. Nakaupo ang mga mamamayan niya sa lupa na umiiyak, at naririnig ang iyakan sa Jerusalem. Inutusan ng mayayaman ang mga alipin nila na umigib ng tubig. Pumunta sila sa mga balon pero walang tubig doon. Kaya bumalik silang walang laman ang mga lalagyan, at nagtakip ng mga ulo dahil sa matinding hiya. Nabitak ang lupa dahil walang ulan. At dahil sa hinagpis, tinakpan ng mga magbubukid ang mga ulo nila. Kahit ang usa ay iniwanan ang anak niya na kasisilang pa lang dahil wala nang sariwang damo. Ang mga asnong-gubat ay tumatayo sa mga burol at humihingal na parang asong-gubat.[c] Nanlalabo na ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain.”

Sinabi ng mga tao, “O Panginoon, nagkasala po kami sa inyo. Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. O Panginoon, kayo po ang tanging pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya sa panahon ng kaguluhan. Bakit naging parang dayuhan kayo rito sa amin? Bakit po kayo parang manlalakbay na tumitigil lang ng isang gabi sa bansa namin? Katulad rin po ba kayo ng taong walang magagawa at sundalong walang kakayahang magligtas? Kasama namin kayo, O Panginoon, at kami ay inyong mga mamamayan, kaya huwag nʼyo po kaming pababayaan.”

10 Ito ang sagot ng Panginoon sa mga tao: “Talagang gusto na ninyong lumayo sa akin; ang sarili lang ninyong kagustuhan ang inyong sinusunod. Kaya ayaw ko na kayong tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang kasamaan ninyo at parurusahan ko kayo.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Huwag kang mananalangin para sa kabutihan ng mga taong ito. 12 Kahit mag-ayuno pa sila, hindi ko diringgin ang paghingi nila ng tulong sa akin. Kahit na maghandog pa sila ng mga handog na sinusunog at handog na pagpaparangal sa akin, hindi ko iyon tatanggapin. Sa halip, papatayin ko sila sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at salot.”

13 Pero sinabi ko, “O Panginoong Dios, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.” 14 Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila. 15 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Nagsasalita sila sa pangalan ko kahit na hindi ko sila sinugo. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sa digmaan at taggutom sila mapapahamak. 16 At tungkol naman sa mga taong naniniwala sa sinabi nila, ang mga bangkay nilaʼy itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem. Mamamatay sila sa digmaan at taggutom. Walang maglilibing sa kanila, sa mga asawa nila, at sa mga anak nila. Papatawan ko sila ng parusang nararapat sa kanila.

17 Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao: Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko dahil malubha ang sugat ng mga mamamayan ko na aking itinuturing na birheng anak, at totoong nasasaktan ako. 18 Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod, nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay sa digmaan at taggutom. Ang mga propeta at pari ay patuloy sa gawain nila pero hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.”[d]

Lumapit ang mga Tao sa Panginoon

19 O Panginoon, talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda? Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem?[e] Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito at parang wala na kaming pag-asang gumaling? Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan, pero hindi naman ito dumating. Umasa po kaming mapapabuti ang kalagayan namin, pero takot ang dumating sa amin. 20 O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo. 21 Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. Alalahanin nʼyo po ang kasunduan nʼyo sa amin. Nawaʼy huwag nʼyo itong sirain. 22 Wala ni isang walang kwentang mga dios-diosan ng mga bansa ang makapagpapaulan o makapagpapaambon. Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan. Kayo lang, Panginoon na aming Dios ang tanging makakagawa nito, kaya sa inyo po kami nagtitiwala.

Footnotes

  1. 13:4 Ilog ng Eufrates: sa Hebreo, Perat. Ganito rin sa talatang 5,6,7 din.
  2. 13:23 taong maitim: sa Hebreo, taga-Cush; o, taga-Etiopia.
  3. 14:6 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
  4. 14:18 patuloy … nila: o, dinala sa mga lupain na hindi nila alam.
  5. 14:19 Jerusalem: sa Hebreo, Zion.