Add parallel Print Page Options

Ito ang mga mensahe ni Jeremias na anak ni Hilkia. Si Hilkia ay isa sa mga pari sa Anatot, sa lupain ng lahi ni Benjamin. Ibinigay ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang mensahe noong ika-13 taon ng paghahari ni Josia sa Juda. Si Josia ay anak ni Ammon. Patuloy na nagbigay ng mensahe ang Panginoon kay Jeremias hanggang sa panahon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Josia at hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia na anak rin ni Josia. Nang ikalimang buwan ng taon na iyon, binihag ang mga taga-Jerusalem.

Ang Pagtawag kay Jeremias

Sinabi sa akin ng Panginoon, Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili[a] na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”

Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.” Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo. 10 Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”

11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[b] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[c] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 1:5 pinili: o, kilala.
  2. 1:12 nagbabantay: Ang Hebreo nito ay katunog ng salitang almendro.
  3. 1:15 Ilalagay … ng Jerusalem: Ang ibig sabihin, ang mga hari mula sa hilaga ay may kapangyarihan na sa Jerusalem, dahil noon, sa mga pintuan ng bayan namamahala o humahatol ang mga hari.