Jeremias 17:5-19:13
Ang Biblia (1978)
Ang Panginoon lamang ang dapat na pagtiwalaan.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at (A)ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon.
6 Sapagka't siya'y magiging (B)gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, (C)lupaing maalat at hindi tinatahanan.
7 Mapalad (D)ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.
8 Sapagka't siya'y magiging (E)parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi (F)ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.
9 Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?
10 Akong Panginoon, ay (G)sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, (H)upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain.
11 Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; (I)sa kaniyang mga kaarawan ay (J)iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas (K)ay nagiging mangmang siya.
12 Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario.
13 Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, (L)lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay (M)masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, (N)na bukal ng buháy na tubig.
14 Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan.
15 Narito, (O)kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon.
16 Sa ganang akin, ay (P)hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha.
17 Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan.
18 Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng (Q)ibayong pagkapahamak.
Ang sabbath ay dapat na pakabanalin.
19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga (R)hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem;
20 At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito:
21 Ganito ang sabi ng Panginoon, (S)Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem;
22 Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng sabbath, o magsigawa man kayo ng anomang gawain: kundi inyong ipangilin ang araw ng sabbath, (T)gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang.
23 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig, at huwag makatanggap ng turo.
24 At mangyayari, kung kayo'y mangakinig na maingat sa akin, sabi ng Panginoon, na huwag magpasok ng pasan sa mga pintuan ng bayang ito sa araw ng sabbath, kundi ipangilin ang araw ng sabbath, upang huwag gawan ng anomang gawain;
25 Kung magkagayo'y magsisipasok (U)sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nangauupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem; at ang bayang ito ay mananatili magpakailan man.
26 At sila'y manganggagaling sa (V)mga bayan ng Juda, at sa (W)mga palibot ng Jerusalem, at sa lupain ng Benjamin, at sa (X)mababang lupain, at sa mga bundok, at (Y)sa Timugan, na magdadala ng mga handog na susunugin, at ng mga hain, at ng mga alay, at ng kamangyan, at mangagdadala ng mga hain na pasalamat sa bahay ng Panginoon.
27 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y (Z)magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay.
Ang aral mula sa palyok na ginagawa ng magpapalyok.
18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 Ikaw ay bumangon, at bumaba sa (AA)bahay ng magpapalyok, at aking iparirinig sa iyo ang aking mga salita roon.
3 Nang magkagayo'y bumaba ako sa bahay ng magpapalyok, at, narito, siya'y gumagawa ng kaniyang gawa sa pamamagitan ng mga gulong.
4 At nang mabasag sa kamay ng magpapalyok ang sisidlang putik na kaniyang ginagawa, ay gumawa siya uli ng ibang sisidlan, na minagaling na gawin ng magpapalyok.
5 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,
6 Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga (AB)ako makagagawa sa inyo na gaya ng paggawa ng magpapalyok na ito? sabi ng Panginoon. Narito, kung paano ang putik sa kamay ng magpapalyok, gayon kayo sa kamay ko, Oh sangbahayan ni Israel.
7 Sa (AC)anomang sandali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang bunutin at upang ibagsak at upang lipulin;
8 Kung ang bansang yaon, na aking pinagsalitaan, ay humiwalay sa kanilang kasamaan, ako'y (AD)magsisisi sa kasamaan na aking inisip gawin sa kanila.
9 At sa anomang sangdali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang itayo at upang itatag;
10 Kung gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi sundin ang aking tinig, ay pagsisisihan ko nga ang kabutihan, na aking ipinagsabing pakikinabangan nila.
11 Ngayon nga, salitain mo sa mga tao sa Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y humahaka ng kasamaan laban sa inyo, at kumatha ng katha-katha laban sa inyo: manumbalik bawa't isa sa inyo mula sa kanikaniyang masamang lakad, at inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.
12 Nguni't kanilang sinabi, (AE)Walang pagasa; sapagka't kami ay magsisisunod sa aming sariling mga katha-katha, at magsisigawa bawa't isa sa amin ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang puso.
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, (AF)Inyong itanong nga sa mga bansa, kung sinong nakarinig ng ganiyang mga bagay? ang dalaga ng Israel ay gumawa ng totoong kakilakilabot na bagay.
14 Magkukulang baga ng niebe sa Lebano sa bato sa parang? ang malamig na tubig na umaagos mula sa malayo ay matutuyo baga?
15 Sapagka't kinalimutan (AG)ako ng aking bayan, sila'y nangagsunog ng kamangyan sa mga diosdiosan; at sila'y nangatisod sa kanilang mga lakad, sa mga dating (AH)landas, at pinalalakad sa mga lana, sa daan na hindi patag;
16 Upang gawin ang kanilang lupain (AI)na isang katigilan, at walang hanggang kasutsutan; lahat na nangagdadaan doon ay mangatitigilan, at mangaggagalaw ng ulo.
17 Aking pangangalatin (AJ)sila na parang hanging silanganan sa harap ng kaaway; (AK)tatalikuran ko sila, at hindi ko haharapin, sa kaarawan ng kanilang kasakunaan,
18 Nang magkagayo'y sinabi nila, Kayo'y magsiparito, at (AL)tayo'y magsikatha ng mga katha-katha laban kay Jeremias; sapagka't (AM)ang kautusan ay hindi mawawala sa saserdote, o ang payo man sa pantas, o ang salita man sa propeta. Kayo'y magsiparito, at ating saktan siya ng dila, at huwag nating pansinin ang kaniyang mga salita.
Si Jeremias ay dumalangin laban sa mga kaaway.
19 Pakinggan mo ako, Oh Panginoon, at ulinigin mo ang tinig nila na nakikipagtalo sa akin.
20 Igaganti baga'y kasamaan sa kabutihan? (AN)sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay para sa akin. Iyong alalahanin kung paanong ako'y tumayo sa harap mo, upang magsalita ng mabuti para sa kanila, upang ihiwalay ang iyong kapusukan sa kanila.
21 Kaya't (AO)ibigay mo ang kanilang mga anak sa kagutom, at ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak; at ang kanilang mga asawa ay mawalan ng anak, at mga bao; at ang kanilang mga lalake ay mangapatay sa patayan, at ang kanilang mga binata ay masugatan ng tabak sa pagbabaka.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay, pagka ikaw ay biglang magdadala ng hukbo sa kanila; sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay upang hulihin ako, at ipinagkubli ng mga silo ang aking mga paa.
23 Gayon man, Panginoon, iyong talastas ang lahat nilang payo laban sa akin upang patayin ako; (AP)huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, o pawiin mo man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin; kundi sila'y mangatisod sa harap mo; parusahan mo sila sa kaarawan ng iyong galit.
Ang pagkagiba ng Jerusalem ay itinulad sa basag na palyok.
19 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay yumaon, at bumili ka ng isang (AQ)sisidlang lupa ng magpapalyok, at magsama ka ng mga matanda sa bayan, at (AR)ng mga matanda sa mga saserdote;
2 At ikaw ay lumabas (AS)sa libis ng anak ni Hinnom, na nasa tabi ng pasukan ng pintuang-bayan ng Harsit, at itanyag mo roon ang mga salita na aking sasaysayin sa iyo:
3 At iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, (AT)Oh mga hari sa Juda, at mga nananahan sa Jerusalem: Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito, (AU)na sinomang makarinig ay magpapanting ang mga pakinig.
4 Sapagka't kanilang pinabayaan (AV)ako, at kanilang pinapaging iba ang dakong ito, at nangagsunog sila ng kamangyan dito sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, nila at ng kanilang mga magulang at ng mga hari sa Juda, at pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala,
5 At (AW)itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, (AX)upang sunugin ang kanilang mga anak sa apoy na mga pinakahandog na susunugin kay Baal; (AY)na hindi ko iniutos, o sinalita man, o pumasok man sa aking pagiisip:
6 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang dakong ito ay hindi na tatawaging (AZ)Topheth, ni (BA)Ang libis ng anak ni Hinnom, kundi Ang libis ng Patayan.
7 At aking sasayangin ang payo ng Juda at ng Jerusalem sa dakong ito; at aking ibubuwal sila sa pamamagitan ng tabak sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay: (BB)at ang kanilang mga bangkay ay mangabibigay na pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.
8 At (BC)gagawin ko ang bayang ito na katigilan, at kasutsutan; bawa't isa na mangagdadaan doon ay mangatitigilan at magsisisutsot dahil sa lahat na salot niyaon.
9 At (BD)pakakanin ko sila ng laman ng kanilang mga anak na lalake at ang laman ng kanilang mga anak na babae; at kakain bawa't isa sa kanila ng laman ng kaniyang kaibigan, sa pagkakulong at sa kagipitan, na igigipit sa kanila ng kanilang mga kaaway, at ng nagsisiusig ng kanilang buhay.
10 Kung magkagayo'y (BE)babasagin mo ang sisidlang lupa sa paningin ng mga lalake na nagsisiyaong kasama mo, at iyong sasabihin sa kanila,
11 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ganito ko babasagin ang mga taong ito at ang bayang ito, gaya ng pagbasag ng isang sisidlan ng magpapalyok, na hindi mabubuo uli; at sila'y mangaglilibing (BF)sa Topheth hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.
12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan dito, sa makatuwid baga'y gagawin ang bayang ito na (BG)gaya ng Topheth:
13 At ang mga bahay ng Jerusalem, at ang mga bahay ng mga hari sa Juda, na nangahawa ay magiging gaya ng dako ng Topheth, lahat ng bahay (BH)na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng kamangyan sa lahat ng natatanaw sa langit, at (BI)pinagbuhusan ng mga handog na inumin sa ibang mga dios.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978