Add parallel Print Page Options

Kapanganakan at paghahari ng prinsipe ng kapayapaan.

Gayon man ay (A)hindi magkakaroon ng paguulap sa kaniya na nasa kahapisan. (B)Nang unang panahon ay dinala niya sa pagkawalang kabuluhan ang (C)lupain ng Zabulon at ang lupain ng Nephtali, nguni't sa huling panahon ay ginawa niyang maluwalhati, sa daang patungo sa dagat, sa dako roon ng Jordan, ng Galilea ng mga bansa.

Ang (D)bayan na (E)lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag.

(F)Iyong pinarami ang bansa, iyong pinalago ang kanilang kagalakan: sila'y nangagagalak sa harap mo ayon sa kagalakan sa pagaani, gaya ng mga tao na nangagagalak pagka nangagbabahagi ng samsam.

Sapagka't ang pamatok na kaniyang (G)pasan, at ang pingga sa kaniyang balikat, ang panghampas ng mamimighati sa kaniya, ay iyong sinira na gaya sa kaarawan ng (H)Madian.

Sapagka't ang lahat na sakbat ng nasasakbatang tao sa kaguluhan, at ang mga kasuutang puno ng dugo ay magiging para sa pagkasunog, para sa mitsa ng apoy.

Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang (I)isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang (J)anak na lalake; at ang (K)pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging (L)Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, (M)Pangulo ng Kapayapaan.

Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay (N)hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at (O)upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng (P)sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

Nagpasabi ang Panginoon sa Jacob, at naliliwanagan ang Israel,

At malalaman ng buong bayan ng (Q)Ephraim, at ng nananahan sa (R)Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng ulo,

10 Ang mga laryo ay nangahulog, nguni't aming itatayo ng tinabas na bato: ang mga sikomoro ay nangaputol, nguni't aming papalitan ng mga cedro.

11 Kaya't itataas ng Panginoon laban sa kaniya ang mga kaaway ng (S)Rezin, at manghihikayat ng kaniyang mga kaalit;

12 (T)Ang mga taga Siria sa unahan, at ang mga (U)Filisteo sa likuran; at kanilang lalamunin ang Israel ng bukang bibig. (V)Sa lahat na ito ang kaniyang galit ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

13 Gayon ma'y (W)ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kaniya na sumakit sa kanila, o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.

14 Kaya't puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo't buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, (X)sa isang araw.

15 Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot.

16 Sapagka't silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak.

17 Kaya't ang Panginoon ay hindi magagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing bao: sapagka't bawa't isa ay (Y)marumi at manggagawa ng kasamaan, at bawa't bibig ay nagsasalita ng kamangmangan. (Z)Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

18 Sapagka't ang kasamaan ay (AA)sumusunog na gaya ng apoy; pumupugnaw ng mga dawag at mga tinikan: oo, nagaalab na sa siitan sa gubat, at umiilanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.

19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain: ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; (AB)walang taong mahahabag sa kaniyang kapatid.

20 At isa'y susunggab ng kanang kamay, at magugutom; at kakain ng kaliwa, (AC)at hindi sila mabubusog: sila'y magsisikain (AD)bawa't isa ng laman ng kaniyang sariling bisig:

21 (AE)Ang Manases, ay kakanin ang Ephraim; at ang Ephraim, ay ang Manases: at (AF)sila kapuwa ay magiging laban sa Juda. (AG)Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

Ang Haring Darating

Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio. Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.

    Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.

Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan. Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.[b] Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.

Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.” Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.

Ang Galit ng Dios sa Israel

Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob. At alam[c] ito ng lahat ng tao sa Israel,[d] pati ng mga nasa Samaria na kabisera nito. Pero nagmamataas pa rin sila at payabang na sinasabi, 10 “Mawasak man ang mga itinayo naming bahay na yari sa brik at kahoy na sikomoro, papalitan naman namin ito ng bato at kahoy na sedro.”

11 Kaya ipapasalakay sila ng Panginoon sa mga taga-Asiria na kaaway ni Haring Rezin. 12 Ang Israel ay wawasakin ng mga taga-Aram sa gawing silangan, at ng mga Filisteo sa gawing kanluran, tulad ng mabangis na hayop na sisila sa kanila. Pero hindi pa napapawi ang galit ng Panginoon, kaya nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

13 Dahil ayaw pa ring magbalik-loob ng mga Israelita sa Panginoong Makapangyarihan na nagparusa sa kanila, 14 hindi magtatagal ay paparusahang muli ng Panginoon ang buong Israel. Matutulad sila sa hayop na puputulan ng buntot at ulo. 15 Ang ulo ay ang mga pinuno at ang mga iginagalang na tao, at ang buntot ay ang mga sinungaling na propeta. 16 Ang mga namumuno sa mga mamamayan ng Israel ay ang mga nanlilinlang sa kanila, kaya naliligaw ang mga mamamayan. 17 Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon sa mga kabataan nilang lalaki, at hindi niya kinakaawaan ang mga ulila nilaʼt mga biyuda. Sapagkat masama ang lahat at hindi makadios; nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.

Kaya hindi pa rin mapapawi ang galit ng Panginoon, at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila. 18 Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang. 19 Dahil sa galit ng Panginoong Makapangyarihan, masusunog ang kanilang lupain, at silaʼy magiging panggatong na lalamunin ng apoy.

Ayaw nilang kaawaan kahit na kapwa nila Israelita. 20 Anumang pagkain ang makita nila ay kukunin nila at kakainin, pero hindi pa rin sila mabubusog. Kaya kakainin na nila pati ang kanilang mga anak.[e] 21 Mag-aaway ang Manase at ang Efraim, at lulusubin nilang dalawa ang Juda. Pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa rin mapapawi at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

Footnotes

  1. 9:1 daanan patungo sa lawa: o, malapit sa lawa.
  2. 9:4 noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian: Tinutukoy nito ang panalo ni Gideon laban sa bansang Midian noong niligtas ng Dios ang Israel sa dayuhang sumasakop sa kanila (Hukom 7–8).
  3. 9:9 alam: o, malalaman.
  4. 9:9 Israel: Tingnan ang footnote sa 7:2.
  5. 9:20 mga anak: o, mga bisig. Sa ibang mga teksto ng Septuagint, kapatid o, kamag-anak. Sa Targum, kapwa.