Add parallel Print Page Options

Ang Awit tungkol sa Ubasan

Paawitin(A) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
    ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
    sa matabang burol.
Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
    at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
    at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
    ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.

At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
    at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
    ako at ang aking ubasan.
Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
    na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
    ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?

Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
    ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
    at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
    at ito'y magiging lupang yapakan.
Aking pababayaang sira;
    hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
    magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
    na huwag nila itong paulanan ng ulan.

Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
    ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
    ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
    ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
    ngunit narito, pagdaing!

Ang Kasamaan ng Tao

Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay,
    na nagdaragdag ng bukid sa bukid
hanggang sa mawalan na ng pagitan,
    at kayo'y patirahing nag-iisa
    sa gitna ng lupain!
Sa aking pandinig ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:
“Tiyak na maraming bahay ang magigiba,
    malalaki at magagandang bahay, na walang naninirahan.
10 Sapagkat ang walong ektarya[a] ng ubasan ay magbubunga lamang ng limang galon,[b]
    at sampung omer[c] ng binhi ay magbubunga lamang ng isang efa.”[d]

11 Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga,
    upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin;
na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi,
    hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila!
12 Sila'y may lira at alpa,
    pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan;
ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng Panginoon,
    o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay.
13 Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman;
ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom,
    at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.

14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa,
    at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat,
at ang kaluwalhatian ng Jerusalem,[e] at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan,
    at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
15 Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba,
    at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan,
    at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan,
    at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan.

18 Kahabag-habag sila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng pagkukunwari,
    at ng kasalanan na tila lubid ng kariton,
19 na nagsasabi, “Pagmadaliin siya,
    madaliin niya ang kanyang gawain
    upang iyon ay aming makita;
at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel
    upang iyon ay aming malaman!”
20 Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama,
    at ang masama ay mabuti;
na inaaring dilim ang liwanag,
    at liwanag ang dilim;
na inaaring mapait ang matamis,
    at matamis ang mapait!
21 Kahabag-habag sila na pantas sa kanilang sariling mga mata,
    at marunong sa kanilang sariling paningin!
22 Kahabag-habag sila na mga malakas sa pag-inom ng alak,
    at mga taong matatapang sa paghahalo ng matapang na inumin,
23 na pinawawalang-sala ang masama dahil sa suhol,
    at ang katuwiran ng matuwid ay inaalis sa kanya!

24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
    at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
    at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
    at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.

25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
    at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
    at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
    sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
    kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.

26 Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo,
    at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa;
at, narito, ito'y dumarating na napakatulin!
27 Walang napapagod o natitisod man,
    walang umiidlip o natutulog man;
walang pamigkis na maluwag,
    o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas;
28 ang kanilang mga palaso ay matalas,
    at lahat nilang pana ay nakahanda
ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan,
    at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
29 Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon,
    sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon;
sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima,
    at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
30 Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon
    na gaya ng ugong ng dagat.
Kung may tumingin sa lupain,
    narito, kadiliman at kahirapan,
at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.

Footnotes

  1. Isaias 5:10 Sa Hebreo ay sampung acre .
  2. Isaias 5:10 Sa Hebreo ay 5 bat .
  3. Isaias 5:10 o kaban .
  4. Isaias 5:10 o kaban .
  5. Isaias 5:14 Sa Hebreo ay kanyang kaluwalhatian .

Awit tungkol sa Ubasan

Aawit ako para sa aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:

    May ubasan ang aking minamahal sa burol na mataba ang lupa.
Inararo niya ito, inalisan ng mga bato, at tinamnan ng mga piling ubas.
    Nagtayo siya ng isang bantayang tore sa ubasang ito, at nagpagawa ng pigaan ng ubas sa bato.
    Pagkatapos, naghintay siyang magbunga ito ng matamis,
    pero nagbunga ito ng maasim.

Kaya ito ang sinabi ng may-ari ng ubasan: “Kayong mga mamamayan ng Jerusalem at Juda, hatulan nʼyo ako at ang aking ubasan. Ano pa ang nakalimutan kong gawin sa ubasan ko? Matamis na bunga ang inaasahan ko, pero nang pitasin ko ito ay maasim.

“Sasabihin ko sa inyo ang gagawin ko sa ubasan ko. Aalisin ko ang mga nakapaligid na halaman na nagsisilbing bakod ng ubasan, at wawasakin ko ang pader nito, para kainin at apak-apakan ng mga hayop ang mga tanim na ubas. Pababayaan ko na lang ito at hindi na aasikasuhin. Hindi ko na rin ito puputulan ng mga sanga o bubungkalin. Hahayaan ko na lang ito na mabaon sa mga damo at mga halamang may tinik. At uutusan ko ang mga ulap na huwag itong patakan ng ulan.”

Ang ubasan ng Panginoong Makapangyarihan na kanyang inalagaan at magbibigay sana sa kanya ng kaligayahan ay ang Israel at Juda. Umasa siyang paiiralin nila ang katarungan, pero pumatay sila. Umasa siyang paiiralin nila ang katuwiran pero pang-aapi ang ginawa nila.

Ang Kasamaang Ginawa ng mga Tao

Nakakaawa kayong mga nagpaparami ng mga bahay at nagpapalawak ng inyong mga lupain hanggang sa wala ng lugar ang iba at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito. Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang malalaki at naggagandahang bahay na ito ay hindi na titirhan. 10 Ang dalawang ektaryang ubasan ay aani na lang ng anim na galong katas ng ubas. At ang sampung takal na binhi ay aani lang ng isang takal.”

11 Nakakaawa kayong maaagang bumangon para magsimulang mag-inuman at naglalasing hanggang gabi. 12 May mga banda pa kayo at mga alak sa inyong mga handaan. Pero hindi ninyo pinapansin ang ginagawa ng Panginoon. 13 Kaya kayong mga mamamayan ko ay bibihagin dahil hindi nʼyo nauunawaan ang mga ginagawa ko. Kayo at ang mga pinuno ninyo ay mamamatay sa gutom at uhaw.

14 Bumubukas na nang maluwang ang libingan. Hinihintay nito na maipasok sa kanya ang mga kilala at makapangyarihang mga mamamayan ng Jerusalem, pati ang mga mamamayang nag-iingay at nagsasaya.

15 Kaya ibabagsak ang lahat ng tao, lalo na ang mga mapagmataas. 16 Pero ang Panginoong Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pamamagitan ng matuwid niyang paghatol, ipinapakita niyang siya ay banal na Dios. 17 Ang nawasak na lungsod na tinitirhan ng mga mayayaman ay ginawang pastulan ng mga tupa.

18 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng pagsisinungaling. 19 Sinasabi nʼyo pa, “Bilis-bilisan sana ng banal na Dios ng Israel na gawin ang sinabi niyang kaparusahan para makita na namin. Magkatotoo na nga ang kanyang plano, para malaman namin ito.”

20 Nakakaawa kayong mga nagsasabi na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman. Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.

21 Nakakaawa kayo, kayong mga nag-aakalang kayoʼy marurunong at matatalino.

22 Nakakaawa kayo, kayong malakas uminom ng alak at bihasa sa pagtitimpla nito. 23 Pinakakawalan ninyo ang may mga kasalanan dahil sa suhol, pero hindi ninyo binibigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan. 24 Kaya matutulad kayo sa dayami o tuyong damo na masusunog ng apoy. Matutulad din kayo sa tanim na ang mga ugat ay nabulok o sa bulaklak na tinangay ng hangin na parang alikabok, dahil itinakwil ninyo ang Kautusan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel. 25 Kaya dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo na kanyang mga mamamayan, parurusahan niya kayo. Mayayanig ang mga bundok at kakalat sa mga lansangan ang inyong mga bangkay na parang mga basura. Pero hindi pa mapapawi ang galit ng Panginoon. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

26 Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo; sisipulan niya ang mga nakatira sa pinakamalayong bahagi ng mundo, at agad silang darating para salakayin kayo. 27 Ni isa man sa kanila ay hindi mapapagod o madadapa, at wala ring aantukin o matutulog. Walang sinturon na matatanggal sa kanila, o tali ng sapatos na malalagot. 28 Matutulis ang kanilang mga palaso, at handang-handa na ang kanilang mga pana. Ang kuko ng kanilang mga kabayo ay parang matigas na bato, at ang pag-ikot ng mga gulong ng kanilang karwahe ay parang buhawi. 29 Sa pagsalakay nila ay sisigaw sila na parang mga leon na umuungal. Ang mabibiktima nila ay dadalhin nila sa malayong lugar at walang makakaligtas sa mga ito.

30 Sa araw na sumalakay sila sa Israel, sisigaw sila na parang ugong ng dagat. At kapag tiningnan ng mga tao ang lupain ng Israel, ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan. Ang liwanag ay matatakpan ng makapal na ulap.