Add parallel Print Page Options

Ang Babala ng Asiria sa Juda(A)

36 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng may pader na lunsod ng Juda, at sinakop ang mga ito.

At sinugo ng hari ng Asiria si Rabsake sa Jerusalem mula sa Lakish kay Haring Hezekias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng Bilaran ng Tela.

At doo'y humarap sa kanya si Eliakim na anak ni Hilkias, na tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

Ang Mabangis na Pananalumpati ni Rabsake

At sinabi ni Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa anong pag-asa ka nagtitiwala?

Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan. Ngayo'y kanino ka nagtitiwala, anupa't ikaw ay naghimagsik laban sa akin?

Narito,(B) ikaw ay nagtitiwala sa Ehipto, sa tungkod na ito na tambong wasak, na bubutas sa kamay ng sinumang sumandal dito. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Ngunit kung iyong sabihin sa akin, “Kami ay nagtitiwala sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya'y inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa harapan ng dambanang ito?”

Magsiparito kayo ngayon, makipagtawaran ka sa aking panginoon na hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.

Paano mo madadaig ang isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, gayong nagtitiwala ka sa Ehipto para sa mga karwahe at sa mga mangangabayo?

10 Bukod dito'y umahon ba ako na di kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang ito'y lipulin? Sinabi sa akin ng Panginoon, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.’”

11 Nang magkagayo'y sinabi nina Eliakim, Sebna at Joah kay Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico, sapagkat iyon ay aming naiintindihan. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio sa pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

12 Ngunit sinabi ni Rabsake, “Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito at hindi sa mga taong nakaupo sa pader, upang kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi na kasama ninyo?”

13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsake, at sumigaw nang malakas na tinig sa wikang Judio: “Pakinggan ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!

14 Ganito ang sabi ng hari, ‘Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo maililigtas.

15 Huwag ninyong hayaan si Hezekias na kayo'y papagtiwalain sa Panginoon sa pagsasabing, “Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; ang lunsod na ito ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.”

16 Huwag ninyong pakinggan si Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria: Makipagpayapaan kayo sa akin, at humarap kayo sa akin. Kung gayo'y kakain ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang puno ng ubas, at ang bawat isa sa kanyang puno ng igos, at bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig ng kanyang sariling balon;

17 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18 Mag-ingat kayo na huwag mailigaw ni Hezekias sa pagsasabing, “Ililigtas tayo ng Panginoon.” Nagligtas ba ang sinuman sa mga diyos ng mga bansa ng kanyang lupain sa kamay ng hari ng Asiria?

19 Saan naroon ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad? Saan naroon ang mga diyos ng Sefarvaim? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

20 Sino sa lahat na diyos ng mga lupaing ito ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

21 Ngunit sila'y tahimik, at hindi sumagot sa kanya ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

22 Nang magkagayo'y pumaroon kay Hezekias si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala, na punit ang kanilang kasuotan, at sinabi sa kanya ang mga salita ni Rabsake.

Sinalakay ni Sennacherib ang Juda.

36 Nangyari nga (A)nang ikalabing apat na taon ng haring Ezechias, na umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.

(B)At sinugo ng hari sa Asiria si Rabsaces sa Jerusalem mula sa Lachis sa haring Ezechias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng lalong mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng parang ng tagapagpaputi.

Nang magkagayo'y nilabas siya ni Eliacim na anak ni Hilcias, na (C)katiwala sa bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.

Ang mabangis na pananalumpati ni Rabsaces.

At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa itong iyong tinitiwalaan?

Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan: ngayo'y kanino ka tumitiwala na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?

Narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito (D)na tambong lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto, na kung ang sinoman ay sumandal, ay bubutas sa kaniyang kamay, at tatasakan: nagiging (E)gayon si Faraong hari sa Egipto sa lahat na nagsisitiwala sa kaniya.

Nguni't kung iyong sabihin sa akin, Kami ay nagsisitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi baga siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito?

Ngayon nga isinasamo ko sa iyo, na magbigay ka ng mga sanla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mananakay sa mga yaon.

Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, (F)at ilalagak mo ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at dahil sa mga mangangabayo?

10 At ako baga'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin,

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim, at ni Sebna at ni Joah kay Rabsaces, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Siria: sapagka't aming naiintindihan: at huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.

12 Nguni't sinabi ni Rabsaces, Sinugo baga ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito? di baga niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang kumain ng kanilang sariling dumi, at upang uminom ng kanilang tubig na kasama ninyo?

13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsaces, at humiyaw ng malakas na tinig sa wikang Judio, at nagsabi: Dinggin ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.

14 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong padaya kay Ezechias; sapagka't hindi niya maililigtas kayo:

15 O patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin: Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon; ang bayang ito ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

16 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo sa kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa sa kaniyang puno ng igos, at inumin ng bawa't isa sa inyo ang tubig ng kaniyang sariling balon:

17 (G)Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

18 Huwag kayong pahikayat kay Ezechias, na sabihin, Ililigtas tayo ng Panginoon. Nagligtas baga ang sinoman sa mga dios ng mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

19 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath at ng Arphad? saan nandoon ang mga dios ng Sepharvaim? iniligtas baga nila ang (H)Samaria sa aking kamay?

20 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

21 Nguni't sila'y nagsitahimik, at hindi nagsisagot sa kaniya ng kahit isang salita: sapagka't iniutos nga ng hari na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.

22 Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.

Sinalakay ng mga Taga-Asiria ang Jerusalem(A)

36 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. Noong nasa Lakish si Senakerib, inutusan niya ang kumander ng kanyang mga sundalo pati ang buong hukbo niya na pumunta sa Jerusalem at makipagkita kay Haring Hezekia. Nang nasa labas na ng Jerusalem ang kumander, tumigil muna siya at ang kanyang hukbo sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig. Malapit ito sa daan papunta sa pinaglalabahan. Nakipagkita sa kanya roon si Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, si Shebna na kalihim, at si Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar[a] pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?”

Sinabi pa ng kumander, “Ngayon, inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo. Hindi ka talaga mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 10 At isa pa, iniisip mo bang labag sa Panginoon ang pagpunta ko rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

11 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil ang wikang ito ay naiintindihan din namin. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.”

12 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”

13 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mga mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 14 Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 15 Huwag kayong maniwala sa kanya na manalig sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’

16 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga tanim at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 17 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay. 18 Huwag ninyong pakinggan si Hezekia, inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 19 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, at Sefarvaim? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 20 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas ng kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking mga kamay?”

21 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 22 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.

Footnotes

  1. 36:7 sambahan niya sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.