Isaias 56
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagpapala sa Lahat ng Bansa
56 Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran dahil malapit ko na kayong iligtas. 2 Mapalad ang mga taong gumagawa nito at ang mga sumusunod sa aking mga ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga. Mapalad din ang taong hindi gumagawa ng masama.”
3 Huwag isipin ng mga dayuhang nag-alay ng kanilang sarili sa Panginoon na hindi sila isasama ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan. Huwag ding isipin ng mga taong nagpakapon na dahil hindi na sila magkakaanak,[a] ay hindi sila maaaring isama sa mga mamamayan ng Dios. 4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Pagpapalain ko ang mga taong nagpakapon na sumusunod sa mga ipinapagawa ko sa Araw ng Pamamahinga at gumagawa ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at tumutupad sa aking kasunduan. 5 Papayagan ko silang makapasok sa aking templo at pararangalan ko sila ng higit pa sa karangalang ibibigay sa kanila kung silaʼy nagkaanak. At hindi sila makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
6 “Pagpapalain ko rin ang mga dayuhang nag-alay ng sarili nila sa akin para paglingkuran ako, mahalin, sambahin, at sundin ang aking ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga at tumutupad sa aking kasunduan. 7 Dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at aaliwin doon sa aking templong dalanginan. Tatanggapin ko sa aking altar ang kanilang mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, dahil ang templo koʼy tatawaging templong dalanginan ng mga tao mula sa lahat ng bansa.” 8 Sinabi pa ng Panginoong Dios na nagtipon sa mga Israelitang nabihag, “Titipunin ko pa ang iba, maliban doon sa mga natipon ko na.”
9 Lumapit kayo, kayong lahat ng bansa na parang mababangis na hayop, at lipulin ninyo ang mga mamamayan ng Israel. 10 Sapagkat ang mga pinuno ng Israel na dapat sanaʼy mga tagapagbantay ng bansang ito ay parang mga bulag at mga walang nalalaman. Para silang mga asong tagapagbantay na hindi tumatahol. Ang gusto nilaʼy mahiga, matulog, at managinip. 11 Para silang mga asong matatakaw na walang kabusugan. Ang mga tagapag-alaga ng Israel ay walang pang-unawa. Ang bawat isa sa kanilaʼy gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin, at ang pansariling kapakanan lang ang kanilang pinagkakaabalahan. 12 Sinabi pa nila, “Halikayo, kumuha tayo ng inumin at maglasing! At mas marami pa bukas kaysa ngayon.”
Footnotes
- 56:3 hindi na sila magkakaanak: sa literal, ang katulad nila ay patay na puno.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®