Isaias 50
Magandang Balita Biblia
50 Sinabi(A) ni Yahweh:
“Pinalayas ko ba ang aking bayan,
tulad ng isang lalaking pinalayas at hiniwalayan ang kanyang asawa?
Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng ating paghihiwalay?
Pinagtaksilan ko ba kayo para maging bihag,
tulad ng amang nagbenta ng anak upang maging alipin?
Hindi! Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan,
itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan.
2 Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos
nang sila'y lapitan ko para iligtas?
Nang ako'y tumawag isa ma'y walang sumagot.
Bakit? Wala ba akong lakas para iligtas sila?
Kaya kong tuyuin ang dagat sa isang salita lamang.
Magagawa kong disyerto ang ilog
upang mamatay sa uhaw ang mga isda roon.
3 Ang bughaw na langit ay magagawa kong
kasing-itim ng damit-panluksa.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh
4 Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
5 Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya.
6 Hindi(B) ako gumanti nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha.
7 Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
8 Ang(C) Diyos ay malapit,
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang paratang.
9 Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
tulad ng damit na nginatngat ng insekto.
10 Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh,
at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod,
maaaring ang landas ninyo ay maging madilim,
gayunma'y magtiwala kayo at umasa
sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
11 Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba
ang siyang magdurusa sa inyong binabalak.
Kahabag-habag ang sasapitin ninyo
sapagkat si Yahweh ang gagawa nito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.