Add parallel Print Page Options

Ang Kaligayahan ng mga Iniligtas

35 Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito. Aawit at sisigaw ito sa tuwa, at mamumukadkad ang maraming bulaklak nito. Magiging maganda ito katulad ng Bundok ng Lebanon, at mamumunga ito nang sagana katulad ng kapatagan ng Carmel at Sharon. At mahahayag dito ang kapangyarihan at kadakilaan ng Panginoon na ating Dios.

Kaya palakasin ninyo ang mga nanghihina. Sabihin ninyo sa mga natatakot, “Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob. Darating ang inyong Dios para maghiganti sa inyong mga kaaway, at ililigtas niya kayo.” At kapag nangyari na ito, makakakita na ang mga bulag at makakarinig na ang mga bingi. Lulundag na parang usa ang mga pilay at sisigaw sa tuwa ang mga pipi. Aagos ang tubig sa disyerto at dadaloy ang tubig sa mga sapa sa ilang. Ang mainit na buhanginan ay magiging tubigan. At sa tigang na lupain ay bubukal ang tubig. Tutubo ang sari-saring damo sa lugar na tinitirhan noon ng mga asong-gubat.[a] Magkakaroon ng maluwang na lansangan sa ilang at iyon ay tatawaging, “Banal na Lansangan.” Walang makasalanan o hangal na makararaan doon, kundi ang mga sumusunod lamang sa pamamaraan ng Panginoon. Walang leon o anumang mababangis na hayop na makakaraan doon kundi ang mga tinubos[b] lamang ng Panginoon. 10 Babalik sila sa Zion na umaawit. Mawawala na ang kanilang kalungkutan at pagdadalamhati, at mapapalitan na ng walang hanggang kaligayahan.

Footnotes

  1. 35:7 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
  2. 35:9 tinubos: o, iniligtas.