Isaias 32
Magandang Balita Biblia
Ang Matuwid na Hari
32 Makikita ninyo, may haring mamamahala nang matuwid,
at mga pinunong magpapairal ng katarungan.
2 Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin
at pananggalang sa nagngangalit na bagyo;
ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain,
parang malaking batong kublihan sa disyerto!
3 Mabubuksan ang kanilang mga mata at tainga
sa pangangailangan ng mga tao.
4 Magiging matiyaga na sila at maunawain sa bawat kilos,
magiging matapat sila sa kanilang sasabihin.
5 Ang mga hangal ay hindi na tatawaging dakila;
o kaya'y sasabihing tapat ang mga sinungaling.
6 Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan,
at puro kasamaan ang kanyang iniisip;
paglapastangan kay Yahweh ang ginagawa niya't sinasabi.
Minsan ma'y hindi siya nagpakain ng nagugutom
o nagpainom ng nauuhaw.
7 Masama ang gawain ng taong hangal.
Ipinapahamak nila ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan,
at gumagawa ng paraan upang hindi pakinabangan ang kanilang karapatan.
8 Ngunit ang taong marangal ay gumagawa ng tapat,
at naninindigan sa kung ano ang tama.
Paghatol at Pagpapanumbalik
9 Kayong mga babaing pabaya,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin.
10 Pagkalipas ng isang taon
mabibigo na kayo,
sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas.
11 Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya
at nagwalang bahala.
Maghubad kayo ng inyong kasuotan,
at magsuot ng damit-panluksa.
12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan
sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan.
13 Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag.
Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan,
at lunsod na noo'y puno ng kagalakan.
14 Pati ang palasyo ay pababayaan
at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao.
Ang mga burol at tore ay guguho;
ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno
at pastulan ng mga tupa.
15 Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos.
Ang disyerto ay magiging matabang lupa
at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
16 Ang katarungan at katuwiran
ay maghahari sa buong lupain.
17 Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan;
at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
18 Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa,
ligtas, at tahimik na pamayanan.
19 Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan
at mapatag ang kabundukan.
20 Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim
at malawak na pastulan ng mga baka at asno.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.