Add parallel Print Page Options

Ang Parusa sa Jerusalem at Juda

Makinig kayo! Kukunin ng Panginoon, ang Panginoong Makapangyarihan, ang lahat ng inaasahan ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda: ang pagkain at tubig nila, ang mga bayani, kawal, hukom, propeta, manghuhula, tagapamahala, kapitan ng mga kawal, mararangal na tao, mga tagapayo, at ang mga dalubhasang salamangkero[a] nila at mga manggagayuma. Ang pamumunuin ng Panginoon sa kanila ay mga kabataan. Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa. Lalabanan ng mga bata ang matatanda, at lalabanan ng mga hamak ang mararangal.

6-7 Sa mga araw na iyon, pupuntahan ng isang tao ang kanyang kamag-anak at sasabihin, “Maayos pa naman ang damit mo, ikaw na lang ang mamuno sa amin sa panahong ito na wasak ang ating lugar.” Pero sasagot siya, “Hindi ko kayo matutulungan. Wala ring pagkain o damit ang aking pamilya, kaya huwag nʼyo akong gagawing pinuno.”

Tiyak na mawawasak ang Jerusalem at Juda, dahil nilalabag nila ang Panginoon sa kanilang mga salita at gawa. Nilalapastangan nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Halatang-halata sa mga mukha nila ang kanilang pagkakasala. Hayagan silang gumagawa ng kasalanan tulad ng Sodom at Gomora. Hindi na nila ito itinatago. Nakakaawa sila! Sila na mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.

10 Sabihin ninyo sa mga matuwid na mapalad sila, dahil aanihin nila ang bunga ng mabubuti nilang gawa. 11 Pero nakakaawa ang masasama, dahil darating sa kanila ang kapahamakan. Gagantihan sila ayon sa mga ginawa nila.

12 Sinabi ng Panginoon, “Inaapi ng mga kabataan ang mga mamamayan ko. Pinamumunuan sila ng mga babae.

“Mga mamamayan ko, nililinlang kayo ng mga pinuno ninyo. Inaakay nila kayo sa maling daan.”

13 Nakahanda na ang Panginoon para hatulan ang kanyang mga mamamayan.[b] 14 Hahatulan niya ang mga tagapamahala at mga pinuno ng mga mamamayan niya. Ito ang paratang niya sa kanila, “Sinira ninyo ang aking ubasan na siyang aking mga mamamayan. Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay na sinamsam ninyo sa mga mahihirap. 15 Bakit ninyo inaapi ang mga mamamayan ko at ginigipit ang mga mahihirap?” Iyan ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.

16 Sinabi pa ng Panginoon, “Mayayabang ang mga babae sa Jerusalem. Akala mo kung sino sila kung maglakad. Pinakakalansing pa nila ang mga alahas sa mga paa nila, at kapag tumitingin sila ay may kasama pang kindat. 17 Kaya patutubuan ko ng mga galis ang mga ulo nila at makakalbo sila.”

18 Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg. 19 Kukunin din sa kanila ang kanilang mga hikaw, pulseras, belo, 20 turban, alahas sa braso, sinturon, pabango at mga anting-anting. 21 Kukunin pati ang kanilang mga singsing sa daliri at ilong, 22 ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa, mga balabal, mga pitaka, 23 mga salamin, mga damit na telang linen, mga putong, at mga belo. 24 Kung dati silang mabango, babaho sila. Lubid ang isisinturon nila, at kakalbuhin ang magaganda nilang buhok. Ang magagara nilang damit ay papalitan ng sako, at mawawala ang kanilang kagandahan.

25 Mamamatay sa digmaan ang mga lalaki ng Jerusalem kahit na ang matatapang nilang mga kawal. 26 May mga iyakan at pagluluksa sa mga pintuan ng bayan. At ang lungsod ay matutulad sa babaeng nakalupasay sa lupa, na nawalan ng lahat ng ari-arian.

Footnotes

  1. 3:3 salamangkero: o, karpintero.
  2. 3:13 kanyang mga mamamayan: Ito ang nasa Septuagint at Syriac; pero sa Hebreo, mga tao.