Isaias 21
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
21 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Babilonia:[a]
Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negev mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain. 2 Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan.
Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin. Wawakasan na ng Dios ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.
3 Ang nakita kong ito sa pangitain ay nagdulot sa akin ng matinding takot at nakadama ako ng pananakit ng katawan, na para bang babaeng naghihirap sa panganganak. 4 Kinakabahan ako at nanginginig sa takot. Sana makapagpahinga ako paglubog ng araw, pero hindi maaari, dahil takot ako sa maaaring mangyari.
5 Naghahanda ng piging ang mga pinuno. Naglalagay sila ng mga pansapin para upuan. Kumakain sila at umiinom, nang biglang may sumigaw, “Magmadali kayo! Humanda kayo sa digmaan.”
6 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Maglagay ka ng tagapagbantay sa lungsod na magbabalita ng makikita niya. 7 Kinakailangang magbantay siya nang mabuti at ipaalam agad kapag nakakita siya ng mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo, at mga sundalo na nakasakay sa mga asno at mga kamelyo.”
8 Sumigaw ang bantay, “Ginoo, araw-gabiʼy nagbabantay po ako sa tore. 9 At ngayon, tingnan nʼyo! May dumarating na mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Nawasak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng kanyang mga dios-diosan ay nagbagsakan sa lupa at nawasak lahat.”
10 Pagkatapos, sinabi ko, “Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik,[b] sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan sa Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
11 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Edom:[c]
May taong mula sa Edom[d] na palaging nagtatanong sa akin, “Tagapagbantay, matagal pa ba ang umaga?” 12 Sumagot ako, “Mag-uumaga na pero sasapit na naman ang gabi. Kung gusto mong magtanong ulit bumalik ka na lang.”
Ang Mensahe tungkol sa Arabia
13 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Arabia:
Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia, 14 bigyan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar. 15 Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.
16 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar. 17 Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®