Add parallel Print Page Options

Paparusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel

17 Ganito(A) ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco:

“Mawawala ang Lunsod ng Damasco,
    at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho.
Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria.
    Magiging pastulan na lamang siya
    ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila.
Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim,
    babagsak ang kaharian ng Damasco.
Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Sa araw na iyon
    maglalaho ang kaningningan ng Israel,
ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.
Matutulad siya sa isang triguhan
    matapos gapasin ng mga mag-aani.
Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim
    matapos simuting lahat ng mga mamumulot.
Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel,
    matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga,
at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga
    sa pinakamataas na sanga,
apat o limang bunga
    sa mga sangang dati'y maraming magbunga.”
Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel. Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay. Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo[a] noong dumating ang mga Israelita.

10 Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo,
    at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan,
sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin
    na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan,
    sa paniniwalang pagpapalain niya kayo.
11 Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman
    at mamulaklak sa araw na inyong itinanim,
wala kang aanihin pagdating ng araw
    kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan.

Tatalunin ang mga Kaaway na Bansa

12 Ang ingay ng napakaraming tao
    ay parang ugong ng karagatan.
Rumaragasa ang mga bansa
    na parang hampas ng mga alon.
13 Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig,
    ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas,
parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol
    at dayaming tinatangay ng ipu-ipo.
14 Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak
    ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila.
Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin,
    iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian.

Footnotes

  1. Isaias 17:9 mga Hivita at Amoreo: Sa ibang manuskrito'y makahoy at maburol na bukirin .