Isaias 58-60
Magandang Balita Biblia
Ang Tunay na Pagsamba
58 Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas;
itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta.
Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
2 Sinasangguni nila ako sa araw-araw,
tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay.
Kung kumilos sila ay parang matuwid,
at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos.
Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya;
nais nila'y maging malapit sa Diyos.”
3 Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin?
Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?”
Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno,
at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
4 Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan,
kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban.
Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon,
kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
5 Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran?
Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao?
Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin,
o mahiga kayo sa sako at abo?
Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan,
isang araw na nakalulugod kay Yahweh?
6 “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo:
Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo;
kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin.
Palayain ninyo ang mga inaapi,
at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
7 Ang(A) mga nagugutom ay inyong pakainin,
ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
8 Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’
“Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11 Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh
at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto.
Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto.
At magiging tulad kayo ng isang hardin,
na binubukalan ng masaganang tubig,
o isang batis na hindi natutuyo.
12 Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho,
at itatatag ito sa dating pundasyon.
Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader,
mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”
13 Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal.
Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay,
o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan.
14 At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin.
Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig;
at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob.
Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Hinatulan ang Pang-aapi at Walang Katarungan
59 Tingnan ninyo, si Yahweh ay may kakayahan upang iligtas ka;
siya'y hindi bingi upang hindi marinig ang inyong hinaing.
2 Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos.
Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita,
at hindi niya kayo marinig.
3 Natigmak sa dugo ang inyong mga kamay,
ang inyong mga daliri'y sanhi ng katiwalian.
Ang inyong mga labi ay puno ng kasinungalingan;
ang sinasabi ng inyong mga dila ay pawang kasamaan.
4 Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman;
hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom.
Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran,
at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan.
Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan
na nagiging sanhi ng maraming kasamaan.
5 Mga itlog ng ahas ang kanilang pinipisa,
mga sapot ng gagamba ang kanilang hinahabi.
Sinumang kumakain ng itlog na ito'y mamamatay;
bawat napipisa ay isang ulupong ang lumilitaw.
6 Hindi magagawang damit ang mga sapot,
hindi nito matatakpan ang kanilang mga katawan.
Ang mga ginagawa nila'y kasamaan,
pawang karahasan ang gawa ng kanilang mga kamay.
7 Mabilis(B) ang kanilang paa sa paggawa ng masama,
nagmamadali sila sa pagpatay ng mga walang sala;
pawang kasamaan ang kanilang iniisip.
Bakas ng pagkawasak ang kanilang iniiwan sa kanilang malalawak na lansangan.
8 Hindi nila alam ang landas patungo sa kapayapaan,
wala silang patnubay ng katarungan;
liku-likong landas ang kanilang ginagawa;
ang nagdaraan doo'y walang kapayapaan.
Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan
9 Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin,
hindi namin alam kung ano ang katuwiran.
Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin.
Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan.
10 Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad,
nadarapa kami tulad ng mga walang paningin.
Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na,
parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay.
11 Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso;
dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati.
Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating.
Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo.
12 Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo;
inuusig kami ng aming mga kasalanan.
Alam naming kami'y naging makasalanan.
Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala.
13 Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin
at hindi na sumunod sa iyo.
Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil;
ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip.
14 Itinakwil namin ang katarungan
at lumayo kami sa katuwiran.
Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan,
at hindi makapanaig ang katapatan.
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.
Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan
Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
siya ay nalungkot.
16 Nakita(C) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(D) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
gaya ng ihip ng malakas na hangin.
20 Sinabi(E) ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Pupunta ako sa Zion upang tubusin
ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21 Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh.
“Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”
Ang Magandang Kasasapitan ng Jerusalem
60 Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw.
Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2 Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig;
ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh,
at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
3 Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag,
ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Pagmasdan(F) mo ang iyong kapaligiran,
ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo;
manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki;
ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
5 Magagalak ka kapag nakita sila;
sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama;
sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo,
at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
6 Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa;
buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso,
at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
7 Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo,
at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot.
Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo.
8 Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap,
at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan?
9 Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan;
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain.
May mga dala silang ginto at pilak,
bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel,
sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan.
10 Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem,
“Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader,
at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari.
Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko,
ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan.
11 Ang(G) mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi,
upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa,
at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan.
12 Ngunit ang bansa o kahariang hindi maglilingkod sa iyo ay ganap na wawasakin.
13 At ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo;
sama-samang pagagandahin ang aking santuwaryo;
sa pamamagitan ng mga kahoy na mahuhusay, tulad ng sipres, pino at iba pa.
Upang lalong maging maningning ang aking tahanan.
14 Nakayukong(H) lalapit sa iyo bilang paggalang
ang mga salinlahi ng mga bansang sa iyo'y umapi;
hahalik sa iyong paa ang mga humahamak sa iyo,
at tatawagin ka nilang, ‘Zion, ang lunsod ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.’
15 “Hindi na kita pababayaan at kapopootan o iiwang mag-isa.
Ikaw ay kanilang itataas at dadakilain;
magiging lugar ng kaligayahan magpakailanman.
16 Aalagaan ka ng mga hari't mga bansa,
tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak.
Malalaman mong akong si Yahweh ang iyong Tagapagligtas;
at palalayain ka ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob.
17 “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay,
pilak ang bigay ko sa halip na bakal;
sa halip na kahoy, tanso ang dala ko,
papalitan ko ng bakal ang dati'y bato.
Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo,
at ang katarungan ay mararanasan mo.
18 Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa,
gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’
at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.
19 “Sa(I) buong maghapon ay wala nang araw na sisikat,
sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw,
sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman,
at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20 Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw,
at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho;
si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw,
at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21 Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay,
kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman.
Sila'y nilikha ko at itinanim,
upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22 Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam,
at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan.
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako
kapag dumating na ang takdang panahon.”
Pahayag 21
Magandang Balita Biblia
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. 2 At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. 3 Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. 4 At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” 6 Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. 7 Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. 8 Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(G) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(H) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.
15 Ang(I) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(J)(K) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.
22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(L) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(M) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(N) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.