Isaias 37:8-39
Ang Biblia (1978)
Ang sulat ni Sennacherib kay Ezechias.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
9 (A)At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay (B)Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya'y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi,
10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.
11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?
12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?
13 Saan nandoon ang hari sa (C)Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?
Ang panalangin ni Ezechias.
14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.
15 At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,
16 Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na (D)nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17 (E)Ikiling mo ang (F)iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buháy na Dios.
18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.
19 At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira.
20 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, (G)upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.
Ipinahatid ni Isaias ang pangaliw na sagot ng Panginoon.
21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.
22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng (H)anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.
25 Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.
26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton.
27 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, (I)parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.
28 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya't ilalagay ko ang (J)aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.
30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo'y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at (K)sa ikatlong taon ay kayo'y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon.
31 (L)At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.
32 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang (M)nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito (N)ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.
33 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, (O)Siya'y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, (P)o mahahagis ang bunton laban diyan.
34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
35 (Q)Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
Si Sennacherib ay nawalan ng loob at pinatay.
36 At ang anghel ng Panginoon ay (R)lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay.
37 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, (S)at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive,
38 At nangyari, nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila'y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Pagkakasakit at pasalamat ni Ezechias.
38 Nang mga araw na yaon (T)ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
2 Nang magkagayo'y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,
3 At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; (U)Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,
5 Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.
6 At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang (V)ito.
7 At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,
8 (W)Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo'y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.
9 Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.
10 Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol:
Ako'y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon (X)sa lupain ng buháy:
Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.
12 (Y)Ang tirahan ko'y inaalis, at dinadala na (Z)gaya ng tolda ng pastor:
Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan:
Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Ako'y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto:
Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako;
(AA)Ako'y tumangis na parang kalapati: (AB)ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
Oh Panginoon, ako'y napipighati, ikaw nawa'y maging tangulan sa akin.
15 Anong aking sasabihin? siya'y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa:
Ako'y yayaong marahan lahat kong taon, (AC)dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 Oh Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
At buong nasa ilalim niyan ang buhay ng aking diwa:
Kaya't pagalingin mo ako, at ako'y iyong buhayin.
17 Narito, sa aking ikapapayapa ay nagtamo ako ng malaking paghihirap:
Nguni't ikaw, sa pagibig mo sa aking kaluluwa ay iyong iniligtas sa hukay ng kabulukan;
Sapagka't iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran.
18 (AD)Sapagka't hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan!
(AE)Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito:
(AF)Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan.
20 Ang Panginoon ay handa upang iligtas ako:
Kaya't aming aawitin ang aming mga awit sa mga panugtog na kawad,
Lahat ng kaarawan ng aming buhay sa bahay ng Panginoon.
21 (AG)Sinabi nga ni Isaias, Magsikuha sila ng isang binilong igos, at ilagay na pinakatapal sa bukol, at siya'y gagaling.
22 Sinabi rin ni (AH)Ezechias, Ano ang tanda na ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon?
Si Ezechias ay tumanggap ng balita mula sa Babilonia.
39 Nang panahong (AI)yaon si Merodachbaladan na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at isang kaloob kay Ezechias: sapagka't nabalitaan niya na siya'y nagkasakit, at gumaling.
2 At si Ezechias ay natuwa sa kanila, at ipinakita sa kanila ang bahay ng kaniyang mahalagang bagay, (AJ)ang pilak, at ang ginto, at ang mga especia, at ang mahalagang langis, at ang buong bahay na kaniyang sakbatan, at lahat na nandoon sa kaniyang mga kayamanan: walang bagay sa kaniyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Ezechias sa kanila.
3 Nang magkagayo'y dumating si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinabi ng mga lalaking ito? at saan nanggaling na nagsiparito sila sa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsiparito sa akin (AK)mula sa malayong lupain, sa Babilonia.
4 Nang magkagayo'y sinabi niya, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias, Lahat ng nangasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay sa aking mga kayamanan na hindi ko ipinakita sa kanila.
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Ezechias, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo.
6 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang mga tinangkilik ng iyong mga magulang hanggang sa kaarawang ito, (AL)dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
7 At sa iyong mga anak na magmumula sa iyo, na ipanganganak sa iyo, ay kanilang dadalhin; at sila'y (AM)magiging mga bating sa bahay ng hari sa Babilonia.
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti (AN)ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi bukod dito, Sapagka't magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978