Isaias 5:1-7
Ang Biblia, 2001
Ang Awit tungkol sa Ubasan
5 Paawitin(A) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
sa matabang burol.
2 Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.
3 At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?
5 Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
at ito'y magiging lupang yapakan.
6 Aking pababayaang sira;
hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
na huwag nila itong paulanan ng ulan.
7 Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
ngunit narito, pagdaing!
Mga Awit 80:9-13
Ang Biblia, 2001
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.