Isaias 43:1-7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nangako ang Dios na Iligtas ang Israel
43 Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita.[a] Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin. 2 Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo. 3 Sapagkat ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko sa ibang bansa ang Egipto, ang Etiopia,[b] at ang Seba bilang kapalit mo. 4 Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita. 5 Huwag kang matatakot dahil kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran. 6 Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga at sa timog na hayaang bumalik sa kanilang lupain ang iyong mga lahi, at hayaang umuwi saan mang sulok ng mundo. 7 Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®