Add parallel Print Page Options

Si Abimelec

Isang araw, pumunta si Abimelec na anak ni Gideon[a] sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Shekem. Sinabi niya sa kanila, “Tanungin ninyo ang lahat ng mga taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng 70 anak ni Gideon o ng isang tao? Alalahanin ninyo na ako ay kadugo ninyo.”

Kaya nakipag-usap ang mga kamag-anak ni Abimelec sa mga taga-Shekem. Pumayag silang si Abimelec ang mamuno sa kanila, dahil kamag-anak nila ito. Binigyan nila si Abimelec ng 70 pirasong pilak mula sa templo ni Baal Berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa para sumunod sila sa kanya. Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang 70[b] kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Pero ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito. Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet Millo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.

Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Dios. Isasalaysay ko sa inyo ang isang kwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at sa mga tao? Hindi!

10 “At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 11 Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!

12 “Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga dios at sa mga tao? Hindi!

14 “Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 15 Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Pero kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”

16 At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya? 17 Alalahanin nʼyo na nakipaglaban ang aking ama para iligtas kayo sa mga Midianita. Itinaya niya ang buhay niya para sa inyo. 18 Pero ngayon, kinalaban nʼyo ang pamilya ng aking ama. Pinatay nʼyo ang 70 anak niya sa ibabaw lang ng isang bato. At ginawa nʼyong hari si Abimelec, na anak ng aking ama sa alipin niyang babae, dahil kamag-anak nʼyo siya. 19 Kaya kung para sa inyo, tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo. 20 Pero kung hindi, matupok sana kayo ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy. At kayo na mga taga-Shekem at taga-Bet Millo ay tutupukin din ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy.” 21 At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.

22 Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita, 23 pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec. 24 Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. 26 Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem. 27 Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor. 29 Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”

30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit. 31 Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo. 32 Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.”

34 Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem. 35 Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.”

37 Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”[c]

38 Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”

39 Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec. 40 Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.

41 Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.

42 Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem. 43 Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob. 44 Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran. 45 Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.

46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit[d] na napapalibutan ng pader. 47 Nang malaman ito ni Abimelec, 48 dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan. 49 Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae.

50 Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito. 51 Pero may matatag doon na tore na kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore. 52 Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito, 53 hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo. 54 Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo para hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan. 55 Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec[e] na patay na siya, nagsiuwi sila.

56 Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Dios si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa 70 kapatid niya. 57 Pinagbayad din ng Dios ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.

Si Tola at si Jair

10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo ang siyang namuno sa pagliligtas sa Israel. Mula siya sa lahi ni Isacar, pero tumira siya sa Shamir sa kabundukan ng Efraim. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 23 taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa Shamir.

Sumunod kay Tola ay si Jair na taga-Gilead. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 22 taon. Mayroon siyang 30 anak, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Ang mga ito ang namamahala sa 30 bayan sa Gilead na tinatawag ngayon na bayan ni Jair.[f] Nang mamatay si Jair, inilibing siya sa Kamon.

Pinahirapan ng mga Ammonita ang mga Israelita

Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Itinakwil nila ang Panginoon at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashtoret, at sa mga dios-diosan ng Aram,[g] Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila ang Panginoon at pinasakop sila sa mga Ammonita at mga Filisteo. At nang taon ding iyon, pinagdusa at pinahirapan nila ang mga Israelita. Sa loob ng 18 taon, pinahirapan nila ang lahat ng mga Israelita sa Gilead, sa silangan ng Ilog ng Jordan na sakop noon ng mga Amoreo. Tumawid din ang mga taga-Ammon sa kanluran ng Ilog ng Jordan at nakipaglaban sa lahi nina Juda, Benjamin at ang sa sambahayan ni Efraim. Dahil dito, labis na nahirapan ang Israel.

10 Kaya humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon. Sinabi nila, “Nagkasala po kami laban sa inyo, dahil tumalikod kami sa inyo na aming Dios at sumamba sa mga imahen ni Baal.” 11-12 Sumagot ang Panginoon, “Nang pinahirapan kayo ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, Sidoneo, Amalekita at mga Maon,[h] humingi kayo ng tulong sa akin at iniligtas ko kayo. 13 Pero tumalikod kayo sa akin at sumamba sa ibang mga dios. Kaya ngayon hindi ko na kayo ililigtas. 14 Bakit hindi kayo humingi ng tulong sa mga dios na pinili ninyo na sambahin? Sila na lang ang magligtas sa inyo sa oras ng inyong kagipitan.”

15 Pero sinabi nila sa Panginoon, “Nagkasala po kami sa inyo, kaya gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa amin. Pero maawa po kayo, iligtas nʼyo po kami ngayon.” 16 Pagkatapos, itinakwil nila ang mga dios-diosan nila at sumamba sa Panginoon. Kinalaunan, hindi na matiis ng Panginoon na makita silang nahihirapan.

17 Dumating ang araw na naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Nagkampo ang mga Ammonita sa Gilead, at ang mga Israelita sa Mizpa. 18 Nag-usap ang mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Kung sino ang mamumuno sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita, siya ang gagawin nating pinuno sa lahat ng nakatira sa Gilead.”

Footnotes

  1. 9:1 Gideon: sa Hebreo, Jerubaal. Ganito rin sa talatang 2, 5, 24, 28, at 57.
  2. 9:4-5 70: o, humigit kumulang 70.
  3. 9:37 banal na puno ng terebinto: sa literal, terebinto ng mga manghuhula.
  4. 9:46 El Berit: o, Baal Berit.
  5. 9:55 Abimelec: sa literal, mga Israelita.
  6. 10:4 bayan ni Jair: o, Havot Jair.
  7. 10:6 Aram: o, Syria.
  8. 10:11-12 Maon: Sa ibang mga tekstong Septuagint, Midianita.