Add parallel Print Page Options

Ang Kapanganakan ni Samson

13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng 40 taon.

Nang panahong iyon, may isang lalaki na ang pangalan ay Manoa. Kabilang siya sa lahi ni Dan, at nakatira siya sa Zora. Ang asawa niya ay baog. Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Pero hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki. Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. At huwag mong gugupitan ang buhok niya, sapagkat ang sanggol na isisilang mo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo. Ililigtas niya ang Israel sa mga Filisteo.”

Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Dios na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya. Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”

Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo ang taong isinugo nʼyo para turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”

Pinakinggan ng Dios ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Dios sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid. 10 Mabilis niyang hinanap ang asawa niya at sinabi, “Manoa, halika! Narito ang tao na nagpakita sa akin noong isang araw.” 11 Tumayo si Manoa at sumunod sa kanyang asawa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, “Kayo ba ang nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot siya, “Oo.” 12 Nagtanong si Manoa sa kanya, “Kung matutupad ang sinabi nʼyo, ano po ba ang mga dapat sundin ng batang ito patungkol sa kanyang pamumuhay at sa kanyang gawain?” 13 Sumagot ang anghel, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Hindi siya kakain ng anumang mula sa ubas. Hindi rin siya iinom ng katas ng ubas o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. Kailangang sundin niya ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”

15 Sinabi ni Manoa sa anghel, “Huwag po muna kayong umalis dahil magkakatay kami ng batang kambing para sa inyo.” 16 Sumagot ang anghel, “Kahit hindi ako umalis, hindi ko kakainin ang pagkaing inihanda mo. Mabuti pa kung maghahanda ka ng handog na sinusunog para sa Panginoon.” (Hindi alam ni Manoa na anghel pala iyon ng Panginoon.)

17 Nagtanong si Manoa, “Ano po ang pangalan nʼyo, para mapasalamatan po namin kayo sa oras na matupad ang sinabi nʼyo?” 18 Sumagot ang anghel, “Bakit gusto mong malaman ang pangalan ko? Mahirap itong maintindihan.” 19 Pagkatapos, kumuha si Manoa ng batang kambing at inihandog niya bilang pagpaparangal sa Panginoon, at inilagay niya ito sa ibabaw ng altar na bato para sa Panginoon. Habang nakatitig si Manoa at ang asawa niya, gumawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay. 20 Nakita nila ang anghel ng Panginoon na pumaitaas sa langit kasama ng naglalagablab na apoy. Dahil sa nakita nila, lumuhod sila at nagpatirapa sa lupa. 21 Doon nila naunawaan na anghel nga iyon ng Panginoon. Mula noon hindi na nila muling nakita ang anghel.

22 Sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo dahil nakita natin ang Dios.” 23 Pero sumagot ang kanyang asawa, “Kung gusto ng Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang mga handog natin. Hindi rin sana niya ipinakita sa atin ang himala o sinabi sa atin ang tungkol sa sanggol.”

24 Dumating ang panahon na nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang anak niya at pinangalanan nila siyang Samson. Pinagpala ng Panginoon ang sanggol habang lumalaki. 25 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang kumilos sa kanya habang naroon siya sa kampo ng Dan,[a] sa kalagitnaan ng Zora at Estaol.

Si Samson at ang Babae sa Timnah

14 Isang araw, pumunta si Samson sa Timnah, at may nakita siya roon na isang dalagang Filisteo. Nang umuwi siya, nagkwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timnah na isang babaeng Filisteo. Kunin ninyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.”

Pero sumagot ang mga magulang niya, “Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi nakakakilala sa Dios?[b] Wala ka bang mapili sa mga kamag-anak o kababayan natin?” Sumagot si Samson sa kanyang ama, “Ah basta, siya po ang gusto kong mapangasawa.” Hindi pala alam ng mga magulang ni Samson na kalooban ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon.

Pumunta si Samson sa Timnah kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson[c] sa mga ubasan sa Timnah, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal. Pinalakas siya ng Espiritu ng Panginoon, at niluray niya ang leon sa pamamagitan ng mga kamay niya na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Pero hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya. At pinuntahan ni Samson ang babae at nakipagkwentuhan. Nagustuhan talaga niya ang babae.

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik siya sa Timnah para pakasalan ang babae. Doon siya dumaan sa kinaroroonan ng pinatay niyang leon para tingnan ang bangkay nito. At nakita niya ang maraming pulot at pukyutan sa bangkay ng leon. Isinandok niya ang kanyang kamay sa pulot at kinain ito habang naglalakad. Nang makita niya ang kanyang magulang, binigyan niya sila ng pulot, at kinain din nila ito. Pero hindi niya sinabi sa kanila na kinuha niya ito sa bangkay ng leon.

10-11 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng magiging manugang niya, at doon ay nagpa-piging si Samson ayon sa kaugalian nila na dapat gawin ng isang nobyo. Nang makita nila si Samson, binigyan siya ng 30 binatang lalaki para makasama niya. 12 Sinabi ni Samson sa kanila, “May bugtong ako sa inyo. Kung mahuhulaan nʼyo ito bago matapos ang pitong araw na piging, bibigyan ko kayo ng 30 telang linen at 30 mamahaling damit. 13 Pero kapag hindi nʼyo ito nahulaan, kayo ang magbibigay sa akin ng mga ito.” Sumagot sila, “Sige, sabihin mo sa amin ang bugtong mo.”

14 Sinabi ni Samson,
“Mula sa nangangain, lumabas ang pagkain,
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”

Lumipas ang tatlong araw pero hindi nila ito mahulaan. 15 Nang ikaapat na araw, kinausap nila ang asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang asawa mo na ipagtapat niya sa iyo ang sagot sa bugtong para malaman namin. Kung hindi, susunugin ka namin pati ang sambahayan ng iyong ama. Inimbita nʼyo ba kami sa piging na ito para kunin ang mga pag-aari namin?”

16 Kaya pumunta ang babae kay Samson na mangiyak-ngiyak. Sinabi niya, “Hindi mo pala ako mahal. Nagpahula ka ng bugtong sa mga kababayan ko pero hindi mo sinabi sa akin ang sagot.” Sumagot si Samson, “Hindi ko nga sinabi sa mga magulang ko, sa iyo pa kaya?” 17 Mula noon, patuloy na umiyak ang babae hanggang sa ikapitong araw. Kaya sinabi na lang ni Samson sa kanya ang sagot dahil tuloy pa rin ang pangungulit niya. At ang sinabi ni Samson sa kanya ay sinabi rin niya sa kanyang kababayan. 18 Kaya bago matapos ang ikapitong araw, sinagot nila ang bugtong. Sinabi nila kay Samson,

“Wala nang mas tatamis pa sa pulot, at wala nang mas lalakas pa sa leon.”

Sumagot si Samson,

“Kung hindi nʼyo pinilit ang asawa[d] ko,
hindi nʼyo sana nalaman ang sagot.”

19 Pinalakas ng Espiritu ng Panginoon si Samson. Pumunta siya sa Ashkelon at doon pinatay niya ang 30 tao at kinuha ang mga ari-arian at mga damit ng mga ito. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga damit sa mga tao na nakasagot ng bugtong niya. Kaya umuwi siya sa magulang niya na galit na galit dahil sa nangyari. 20 Ang asawa ni Samson ay ibinigay sa pangunahing abay sa kanilang kasal.

Ang Paghihiganti ni Samson sa mga Filisteo

15 Panahon ng tag-ani noon, dumalaw si Samson sa kanyang asawa na may dalang batang kambing. Sinabi ni Samson sa biyenan niyang lalaki, “Papasok po ako sa kwarto ng asawa ko.” Pero hindi pumayag ang biyenan niya. Sinabi ng kanyang biyenan, “Akala ko kinasusuklaman mo na siya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan[e] mo. Kung gusto mo, nandiyan ang kapatid niyang mas maganda pa sa kanya. Siya na lang ang pakasalan mo.”

Sinabi ni Samson, “Sa ginawa nʼyong ito, huwag nʼyo akong sisisihin kapag may ginawa ako sa inyo, mga Filisteo.” Kaya umalis si Samson at humuli ng 300 asong-gubat. Pinagbuhol-buhol niya ang buntot ng mga ito ng tig-dadalawa at nilagyan ng sulo. Sinindihan niya ang mga sulo at pinakawalan ang mga asong-gubat sa mga trigo ng mga Filisteo. Nasunog ang lahat ng trigo, hindi lang ang nakatali kundi pati na rin ang aanihin pa. Nasunog din ang mga ubasan at mga taniman ng olibo.

Nagtanong ang mga Filisteo kung sino ang gumawa noon, at nalaman nilang si Samson. Nalaman din nilang ginawa iyon ni Samson dahil ipinakasal ng biyenan niyang taga-Timnah ang asawa niya sa isa niyang kaibigan.[f] Kaya hinanap ng mga Filisteo ang babae at ang kanyang ama at sinunog nila.

Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa nʼyong ito, hindi ako titigil hanggaʼt hindi ako nakakapaghiganti sa inyo.” Kaya buong lakas na nilusob ni Samson ang mga Filisteo at marami ang napatay niya. Pagkatapos, tumakas siya at nagtago sa kweba, sa may bangin ng Etam.

Nagkampo ang mga Filisteo sa Juda, at nilusob nila ang bayan ng Lehi. 10 Kaya nagtanong sa kanila ang mga taga-Juda, “Bakit nilulusob nʼyo kami?” Sumagot sila, “Para dakpin si Samson at gantihan sa mga ginawa niya sa amin.” 11 Kaya ang 3,000 lalaki ng Juda ay pumunta sa kweba, sa may bangin ng Etam, at sinabi nila kay Samson, “Hindi mo ba naisip na sakop tayo ng mga Filisteo? Ngayon pati kami ay nadamay sa ginawa mo.” Sumagot si Samson, “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin.” 12 Sinabi nila, “Pumunta kami rito para dakpin ka at ibigay sa mga Filisteo.” Sumagot si Samson, “Payag ako, basta mangako kayo sa akin na hindi nʼyo ako papatayin.” 13 Sinabi nila, “Oo, hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya iginapos nila siya ng dalawang bagong lubid at dinala palabas sa kweba.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng mga Filisteo na sumisigaw sa pagtatagumpay. Pinalakas ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon si Samson, at pinagputol-putol niya ang lubid na parang sinulid lang. 15 Pagkatapos, may nakita siyang panga ng asnong kamamatay pa lang. Kinuha niya ito at ginamit sa pagpatay sa 1,000 Filisteo. 16 Sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng asno,
pinatay ko ang 1,000 tao.
Sa pamamagitan ng panga ng asno,
itinumpok ko sila.”

17 Pagkatapos niyang magsalita, itinapon niya ang panga ng asno. Ang lugar na iyon ay tinawag na Ramat Lehi.[g]

18 Labis ang pagkauhaw ni Samson. Kaya tumawag siya sa Panginoon. Sinabi niya, “Pinagtagumpay nʼyo po ako, pero ngayon parang mamamatay na ako sa uhaw at mabibihag ng mga Filisteo na hindi nakakakilala sa inyo.”[h] 19 Kaya pinalabas ng Dios ang tubig sa may butas ng lupa sa Lehi. Uminom si Samson at bumalik ang kanyang lakas. Ang bukal na itoʼy tinatawag na En Hakore.[i] Naroon pa ito sa Lehi hanggang ngayon.

20 Pinamunuan ni Samson ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Nang panahong iyon, sakop pa rin ng mga Filisteo ang kanilang lupain.

Footnotes

  1. 13:25 kampo ng Dan: o, Mahane Dan.
  2. 14:3 hindi … Dios: sa literal, ay hindi tuli.
  3. 14:5 Samson: sa Septuagint, siya. Sa Hebreo, sila.
  4. 14:18 Kung … asawa: sa literal, Kung hindi ninyo ipinang-araro ang aking dumalagang baka.
  5. 15:2 kaibigan: o, abay na lalaki.
  6. 15:6 kaibigan: Tingnan ang “footnote” sa talatang 2.
  7. 15:17 Ramat Lehi: Ang ibig sabihin, Bundok ng Panga.
  8. 15:18 hindi … inyo: sa literal, hindi tuli.
  9. 15:19 En Hakore: Ang ibig sabihin, Bukal ng Tumatawag.