Add parallel Print Page Options

Ang Parusa sa Israel

Sinabi ni Hoseas, “Kayong mga taga-Israel, tigilan na ninyo ang inyong mga pagdiriwang katulad ng ginagawa ng mga taga-ibang bansa. Sapagkat sumasamba kayo sa mga dios-diosan at lumalayo sa inyong Dios. Kahit saang giikan ng trigo ay ipinagdiriwang ninyo ang mga ani na itinuturing ninyong bayad sa inyo ng mga dios-diosan dahil sa inyong pagsamba sa kanila. Pero sa bandang huli, mauubusan kayo ng mga trigo at bagong katas ng ubas. Lilisanin ninyo ang Israel, ang lupain ng Panginoon, at babalik kayo[a] sa Egipto, at ang iba sa inyo ay pupunta sa Asiria, at doon ay kakain kayo ng mga pagkaing itinuturing ninyong marumi. Hindi na kayo papayagang maghandog ng inumin sa Panginoon. Maghandog man kayo ng mga handog ay hindi rin siya malulugod. At ang sinumang kumain ng mga handog na iyan ay ituturing na marumi dahil katulad ito ng pagkain sa bahay ng namatayan.[b] Ang inyong mga pagkain ay para lamang sa inyong sarili at hindi maaaring ihandog sa templo ng Panginoon. Kung ganoon, ano ngayon ang inyong gagawin kapag dumating ang mga espesyal na araw ng pagsamba o mga pista upang parangalan ang Panginoon? Kahit na makatakas kayo sa kapahamakan, titipunin pa rin kayo sa Egipto at ililibing sa Memfis.[c] Matatakpan ng mga damo at matitinik na halaman ang inyong mga mamahaling kagamitang pilak at ang inyong mga tolda.

“Mga taga-Israel, dumating na ang araw ng inyong kaparusahan, ang araw na gagantihan kayo sa inyong mga ginawa. At tiyak na malalaman ninyo na dumating na nga ito. Sinasabi ninyo, ‘Ang propetang iyan ay hangal, isang lingklod ng Dios na nasisiraan ng ulo.’ Sinasabi ninyo iyon dahil marami na kayong mga kasalanan at galit kayo sa akin. Bilang propeta, kasama ko ang Dios sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Pero kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Dios na kanyang tahanan.[d] Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea.[e] Aalalahanin ng Dios ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.”

10 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko[f] ang mga ninuno ninyo na maging aking mga mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Pero nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na dios-diosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na dios-diosang iyon na kanilang iniibig. 11 Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan. 12 At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.

13 “Ang tingin ko sa inyo noon ay parang palmang tumutubo sa matabang lupa. Pero ngayon, kailangang dalhin ninyo ang inyong mga anak sa digmaan para mamatay.”

14 Sinabi ni Hoseas: Panginoon, ganoon nga po ang gawin nʼyo sa inyong mga mamamayan. Loobin nʼyo pong hindi magkaanak at makapagpasuso ang mga kababaihan nila.

15 Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng kasamaan ng aking mga mamamayan ay nagsimula sa Gilgal. Doon pa lang ay kinapootan ko na sila. At dahil sa kanilang kasamaan, palalayasin ko sila sa lupain ng Israel na aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin. Naghimagsik sa akin ang lahat ng kanilang mga pinuno. 16 Para silang tanim na natuyo ang ugat kaya hindi namumunga. At kahit mabuntis man sila, papatayin ko ang mga minamahal nilang anak.”

17 Sinabi ni Hoseas, “Itatakwil ng aking Dios ang mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa kanya. Kaya mangangalat sila sa ibaʼt ibang bansa.

10 “Ang mga taga-Israel noon ay parang tanim na ubas na mayabong at hitik sa bunga. Pero habang umuunlad sila, dumarami rin ang ipinapatayo nilang altar at pinapaganda nila ang alaalang bato na sinasamba nila. Mapanlinlang sila,[g] at ngayon dapat na nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Gigibain ng Panginoon ang mga altar nila at mga alaalang bato. Siguradong sasabihin nila sa bandang huli, ‘Wala kaming hari dahil wala kaming takot sa Panginoon. Pero kahit na may hari kami, wala rin itong magagawang mabuti para sa amin.’ Puro salita lang sila[h] pero hindi naman nila tinutupad. Nanunumpa sila ng kasinungalingan at gumagawa ng kasunduan na hindi naman nila tinutupad. Kaya ang katarungan ay parang nakakalasong damo na tumutubo sa binungkal na lupain.

“Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel[i] sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.[j] Mawawala ang kanyang[k] hari na parang kahoy na tinangay ng agos. Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven,[l] na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”

Hinatulan ang Israel

Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea. 10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo[m] dahil sa patuloy ninyong pagkakasala. 11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel[n] at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro. 12 Sinabi ko sa inyo, ‘Palambutin ninyo ang inyong mga puso tulad ng binungkal na lupa. Magtanim kayo ng katuwiran at mag-aani kayo ng pagmamahal. Sapagkat panahon na para magbalik-loob kayo sa akin hanggang sa aking pagdating, at pauulanan ko kayo ng tagumpay.’[o]

13 “Pero nagtanim kayo ng kasamaan, kaya nag-ani rin kayo ng kasamaan. Nagsinungaling kayo, at iyan ang bunga ng inyong kasamaan. At dahil sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong kakayahan, tulad halimbawa sa marami ninyong mga kawal, 14 darating ang digmaan sa inyong mga mamamayan at magigiba ang inyong mga napapaderang lungsod. Gagawin ng mga kalaban ninyo ang ginawa ni Shalman[p] sa lungsod ng Bet Arbel nang pagluray-lurayin niya ang mga ina at ang kanilang mga anak. 15 Ganyan din ang mangyayari sa inyong mga taga-Betel, dahil sukdulan na ang kasamaan ninyo. Sa pagbubukang-liwayway, siguradong mamamatay ang hari ng Israel.”

Ang Pag-ibig ng Dios sa Israel

11 Sinabi ng Panginoon, “Minahal ko ang Israel noong kabataan niya.[q] Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Egipto.[r] Pero ngayon, kahit na patuloy kong[s] tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin.[t] Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila[u] at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga[v] sa kanila. Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito. Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria. Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak. Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.

“Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo. Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Dios at hindi tao. Ako ang Banal na Dios na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.

10 “Susunod kayo sa akin kapag umatungal ako na parang leon. At kapag umatungal na ako, dali-dali[w] kayong uuwi mula sa kanluran. 11 Mabilis[x] kayong darating na parang mga ibon mula sa Egipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Pauuwiin ko kayong muli sa inyong mga tahanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Parurusahan ang Israel at ang Juda

12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”

Footnotes

  1. 9:3 kayo: sa Hebreo, Efraim. Makikita rin ang salitang Efraim sa Hebreo sa talatang 8, 11, 13 at 16. Tingnan ang “footnote” sa 4:17.
  2. 9:4 At ang sinumang … namatayan: Ang pagkain sa bahay ng namatayan ay itinuturing na marumi ng mga Israelita. Sapagkat ang lugar na kinaroroonan ng patay ay naging marumi, at ang lahat na naroroon ay itinuturing ding marumi. Tingnan sa Bil. 19:14.
  3. 9:6 Memfis: Isang siyudad sa Egipto na may tanyag na mga libingan.
  4. 9:8 sa Israel … tahanan: o, sa templo ng aking Dios.
  5. 9:9 mga lalaki noon sa Gibea: Ginahasa nila at pinatay ang isang babae. (Tingnan ang Hukom 19.)
  6. 9:10 noong piliin ko: sa literal, noong nakita ko.
  7. 10:2 Mapanlinlang sila: o, Madaling magbago ang kanilang isip.
  8. 10:4 sila: Ang mga dating hari o ang mga tao.
  9. 10:6 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga lahi sa kaharian ng Israel, pero sa aklat na ito ang tinutukoy ay ang buong kaharian ng Israel.
  10. 10:6 sa kanyang … dios-diosan: o, sa payong sinunod niya.
  11. 10:7 kanyang: sa Hebreo, Samaria. Ito ang kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Tingnan ang “footnote” sa 4:15.
  12. 10:8 Aven: Ito rin ang Bet Aven o Betel.
  13. 10:10 upang lusubin kayo: o, upang bihagin kayo.
  14. 10:11 Israel: sa Hebreo, Efraim. Tingnan ang footnote sa 4:17.
  15. 10:12 tagumpay: o, kaligtasan.
  16. 10:14 Shalman: Maaaring isang hari ng mga Moabita.
  17. 11:1 noong kabataan niya: Ito ang panahon na nasa disyerto o nasa Egipto ang Israel.
  18. 11:1 Itinuring … mula sa Egipto: o, Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.
  19. 11:2 kong: Ito ang nasa ibang mga teksto ng Septuagint. Sa Hebreo, nila.
  20. 11:2 akin: Ito ang nasa ibang mga teksto ng Septuagint. Sa Hebreo, kanila.
  21. 11:3 sila: sa Hebreo, Efraim. Makikita rin ang salitang Efraim sa Hebreo sa talatang 8, 9 at 12. Tingnan ang “footnote” sa 4:17.
  22. 11:3 kumalinga: sa literal, nagpagaling.
  23. 11:10 dali-dali: o, manginginig.
  24. 11:11 Mabilis: o, Nanginginig.