Add parallel Print Page Options

Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Hoseas na anak ni Beeri noong magkakasunod na naging hari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz at Hezekia, habang naghahari naman sa Israel si Jeroboam na anak ni Joash.

Ang Asawa at mga Anak ni Hoseas

Ito ang unang sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Mag-asawa ka ng babaeng nangangalunya,[a] at ang inyong mga anak ay ituturing na mga anak ng babaeng nangangalunya. Ito ang magiging larawan ng kataksilan ng aking mga mamamayan sa akin na kanilang Panginoon, dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”

Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel[b] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel. Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”

Muling nabuntis si Gomer at nanganak ng isang babae. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ruhama[c] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi ko kaaawaan ni patatawarin ang mga mamamayan ng Israel. Pero kaaawaan ko ang mga mamamayan ng Juda. Ako, ang Panginoon nilang Dios, ang magliligtas sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at hindi sa pamamagitan ng digmaan – ng pana, espada, mga kabayo o mangangabayo.”

Nang maawat na ni Gomer si Lo Ruhama sa pagsuso, nabuntis ulit siya at nanganak ng lalaki. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ami[d] ang ipangalan mo sa bata, dahil ang mga mamamayan ng Israel ay hindi ko na mga mamamayan at ako ay hindi na nila Dios. 10 Pero darating ang araw na kaaawaan ko sila at pagpapalain; dadami sila tulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang takalin o bilangin. Sa ngayon ay tinatawag silang ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’

silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ 11     Magkakasamang muli ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel, at pipili sila ng iisang pinuno. Muli silang uunlad sa kanilang lupain. Napakasaya ng araw na iyon para sa mga taga-Jezreel.

“Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’[e] at ‘Kinaawaan.’ ”[f]

Sumama sa Ibang Lalaki si Gomer

Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya. Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw. 4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’

“Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas. Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’

“Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan. Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran. 10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. 11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.[g] 12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito. 13 Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, at kinalimutan niya ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli. 15 Pagbalik namin, ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan niya, at ang Lambak ng Acor[h] ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Egipto.”

16 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw na iyon ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.[i] 17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal. 18 Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop na huwag nila kayong sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.

19 “Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan. 20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon. 21 Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa 22 ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.[j] 23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko kayong tinatawag na Lo Ruhama,[k] at tatawagin ko kayong aking mga mamamayan kayong tinatawag na Lo Ami.[l] At sasabihin ninyo na ako ang inyong Dios.”

Si Hoseas at ang Kanyang Asawa

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga dios at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”

Kaya binili ko siya[m] sa halagang 15 pirasong pilak at apat na sakong sebada.[n] At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.” Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit[o] sa panghuhula, at mga dios-diosan. Pero sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Dios at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.

Ang Paratang ng Panginoon Laban sa Israel at sa Kanyang mga Pari

Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin. Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunud-sunod ang patayan. Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop – ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.

“Pero walang dapat sisihin at usigin kundi kayong mga pari. Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.[p]

“Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang Kautusan ko kaya kalilimutan ko rin ang mga anak ninyo. Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Kaya ang inyong ipinagmamalaki ay gagawin kong kahihiyan.[q] Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan para makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.[r] Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, parurusahan ko rin kayong mga pari.[s] Parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga gawa. 10 Kumakain nga kayo pero hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[t] para magkaanak kayo. Pero hindi kayo magkakaanak dahil itinakwil ninyo ako 11 upang sumamba sa mga dios-diosan.

Isinusumpa ng Dios ang Pagsamba sa mga Dios-diosan

“Mga mamamayan ko, ang bago at lumang alak ay nakakasira ng inyong pang-unawa. 12 Sumasangguni kayo sa dios-diosang kahoy, at ayon na rin sa inyo, sumasagot ito. Iniligaw kayo ng mga espiritung tumutulak sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, kaya tinalikuran ninyo ako tulad ng babaeng nangalunya. 13 Naghahandog kayo sa tuktok ng mga bundok at mga burol, sa ilalim ng matataas at mayayabong na mga kahoy, dahil masarap lumilim doon. Kaya ang inyong mga anak na babae ay nakikipagsiping sa mga lalaki at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. 14 Pero hindi ko sila parurusahan sa kanilang ginagawang masama, dahil kayong mga lalaki ay nakikipagsiping din sa mga babaeng bayaran sa templo at kasama pa nilang naghahandog sa mga dios-diosan. Kaya dahil kayoʼy mga mangmang sa katotohanan, mapapahamak kayo.

15 “Mga taga-Israel, kahit na akoʼy tinalikuran ninyo tulad ng babaeng nangalunya, huwag na ninyong idamay ang mga taga-Juda.

“At kayong mga taga-Juda, huwag kayong pumunta sa Gilgal at sa Bet Aven[u] para sumamba sa akin o gumawa ng mga pangako sa aking pangalan. 16 Sapagkat matigas ang ulo ng mga taga-Israel katulad ng dumalagang baka na ayaw sumunod. Kaya paano ko sila mababantayan tulad ng mga tupang nasa pastulan? 17 Sumamba sila[v] sa mga dios-diosan kaya pabayaan na lang sila. 18 Pagkatapos nilang uminom ng inuming nakakalasing, nakikipagsiping sila sa mga babae. Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno ang gumawa ng mga nakahihiyang bagay. 19 Kaya lilipulin sila na parang tinatangay ng malakas na hangin, at mapapahiya sila dahil sa kanilang paghahandog sa mga dios-diosan.”

Footnotes

  1. 1:2 babaeng nangangalunya: o, babaeng bayaran.
  2. 1:4 Jezreel: Ang ibig sabihin, naghahasik ang Dios, na nangangahulugan ng paglago at pag-unlad (tingnan ang talatang 11). Pero sa talatang ito ang pangalang Jezreel ay nangangahulugan na parurusahan ng Dios ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan.
  3. 1:6 Lo Ruhama: Ang ibig sabihin, hindi kinaawaan.
  4. 1:9 Lo Ami: Ang ibig sabihin, hindi ko mga mamamayan.
  5. 2:1 Aking mga mamamayan: sa Hebreo, Ami.
  6. 2:1 Kinaawaan: sa Hebreo, Ruhama.
  7. 2:11 buwan-buwan, at linggu-linggo: sa literal, Pista ng Pagsisimula ng Buwan at Araw ng Pamamahinga.
  8. 2:15 Acor: Ang ibig sabihin, kaguluhan.
  9. 2:16 Baal: Pangalan ito ng isang dios-diosan sa Canaan na ipinangalan din ng mga Israelita sa Panginoon. Ang Baal ay nangangahulugan din na “amo”.
  10. 2:22 Jezreel: Sina Jezreel (talatang 22), Lo Ruhama at Lo Ami (talatang 23) ay mga anak nina Hoseas at Gomer (1:3-9), pero ang kanilang mga pangalan dito ay mga tawag sa Israel.
  11. 2:23 Lo Ruhama: Ang ibig sabihin, hindi kinaawaan.
  12. 2:23 Lo Ami: Ang ibig sabihin, hindi ko mga mamamayan.
  13. 3:2 binili ko siya: Hindi matiyak kung siyaʼy kailangang bilhin. Iba-iba ang mga pakahulugan dito.
  14. 3:2 apat na sakong sebada: sa Septuagint, tatlong sakong sebada at ilang litrong alak.
  15. 3:4 espesyal na damit: sa Hebreo, efod.
  16. 4:5 mga ina: o, ina, na ang ibig sabihin, ang bansang Israel.
  17. 4:7 Kaya … kahihiyan: o, Ipinagpalit ninyo ang inyong maluwalhating Dios sa nakakahiyang Mga dios-diosan.
  18. 4:8 Ayon sa Lev. 6:26; 10:17, may bahagi ang mga pari sa ganitong uri ng handog.
  19. 4:9 Kaya … pari: o, Kung gaano kasama ang mga pari, ganoon din ang mga mamamayan.
  20. 4:10 Sumasamba kayo sa mga dios-diosan: sa literal, Nangangalunya kayo. Ganito ang ginagawa ni Gomer na asawa ni Hoseas. At itong si Gomer ay kumakatawan sa bansang Israel.
  21. 4:15 Bet Aven: Ang ibig sabihin, bahay ng kasamaan. Ito ang tawag sa lugar ng Betel bilang pagkutya. Ang ibig sabihin ng Betel ay “bahay ng Dios.”
  22. 4:17 sila: sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga lahi sa kaharian ng Israel, pero sa aklat na ito ang tinutukoy ay ang buong kaharian ng Israel.