Add parallel Print Page Options

Ang Paratang ng Panginoon Laban sa Israel at sa Kanyang mga Pari

Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin. Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunud-sunod ang patayan. Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop – ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.

“Pero walang dapat sisihin at usigin kundi kayong mga pari. Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.[a]

“Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang Kautusan ko kaya kalilimutan ko rin ang mga anak ninyo. Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Kaya ang inyong ipinagmamalaki ay gagawin kong kahihiyan.[b] Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan para makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.[c] Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, parurusahan ko rin kayong mga pari.[d] Parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga gawa. 10 Kumakain nga kayo pero hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[e] para magkaanak kayo. Pero hindi kayo magkakaanak dahil itinakwil ninyo ako 11 upang sumamba sa mga dios-diosan.

Isinusumpa ng Dios ang Pagsamba sa mga Dios-diosan

“Mga mamamayan ko, ang bago at lumang alak ay nakakasira ng inyong pang-unawa. 12 Sumasangguni kayo sa dios-diosang kahoy, at ayon na rin sa inyo, sumasagot ito. Iniligaw kayo ng mga espiritung tumutulak sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, kaya tinalikuran ninyo ako tulad ng babaeng nangalunya. 13 Naghahandog kayo sa tuktok ng mga bundok at mga burol, sa ilalim ng matataas at mayayabong na mga kahoy, dahil masarap lumilim doon. Kaya ang inyong mga anak na babae ay nakikipagsiping sa mga lalaki at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. 14 Pero hindi ko sila parurusahan sa kanilang ginagawang masama, dahil kayong mga lalaki ay nakikipagsiping din sa mga babaeng bayaran sa templo at kasama pa nilang naghahandog sa mga dios-diosan. Kaya dahil kayoʼy mga mangmang sa katotohanan, mapapahamak kayo.

15 “Mga taga-Israel, kahit na akoʼy tinalikuran ninyo tulad ng babaeng nangalunya, huwag na ninyong idamay ang mga taga-Juda.

“At kayong mga taga-Juda, huwag kayong pumunta sa Gilgal at sa Bet Aven[f] para sumamba sa akin o gumawa ng mga pangako sa aking pangalan. 16 Sapagkat matigas ang ulo ng mga taga-Israel katulad ng dumalagang baka na ayaw sumunod. Kaya paano ko sila mababantayan tulad ng mga tupang nasa pastulan? 17 Sumamba sila[g] sa mga dios-diosan kaya pabayaan na lang sila. 18 Pagkatapos nilang uminom ng inuming nakakalasing, nakikipagsiping sila sa mga babae. Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno ang gumawa ng mga nakahihiyang bagay. 19 Kaya lilipulin sila na parang tinatangay ng malakas na hangin, at mapapahiya sila dahil sa kanilang paghahandog sa mga dios-diosan.”

Footnotes

  1. 4:5 mga ina: o, ina, na ang ibig sabihin, ang bansang Israel.
  2. 4:7 Kaya … kahihiyan: o, Ipinagpalit ninyo ang inyong maluwalhating Dios sa nakakahiyang Mga dios-diosan.
  3. 4:8 Ayon sa Lev. 6:26; 10:17, may bahagi ang mga pari sa ganitong uri ng handog.
  4. 4:9 Kaya … pari: o, Kung gaano kasama ang mga pari, ganoon din ang mga mamamayan.
  5. 4:10 Sumasamba kayo sa mga dios-diosan: sa literal, Nangangalunya kayo. Ganito ang ginagawa ni Gomer na asawa ni Hoseas. At itong si Gomer ay kumakatawan sa bansang Israel.
  6. 4:15 Bet Aven: Ang ibig sabihin, bahay ng kasamaan. Ito ang tawag sa lugar ng Betel bilang pagkutya. Ang ibig sabihin ng Betel ay “bahay ng Dios.”
  7. 4:17 sila: sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga lahi sa kaharian ng Israel, pero sa aklat na ito ang tinutukoy ay ang buong kaharian ng Israel.