Hebreo 10:18-39
Ang Salita ng Diyos
18 Ngunit kung saan mayroong kapatawaran sa mga ito, hindi na kailangan pang maghandog ng mga hain para sa kasalanan.
Isang Panawagan sa Atin na Tayo ay Magtiyaga
19 Mga kapatid, yamang tayo nga ay mayroon katiyakan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, makakapasok na tayo sa kabanal-banalang dako.
20 Siya ay nagtatag ng isang bago at buhay na daan para sa atin sa pamamagitan ng tabing na kaniyang katawan. 21 At mayroon tayong dakilang saserdote na namumuno sa bahay ng Diyos. 22 Tayo ay lumapit na may tapat na puso at lubos na pagtitiwala ng pananampalataya dahil winisikan na Diyos ang ating mga puso upang malinis ang ating masamang budhi at gayundin hinugasan ang ating mga katawan ng dalisay na tubig. 23 Manangan tayong matibay sa pag-asang ipinahahayag natin na walang pag-aalinlangan sapagkat siya na nangako ay matapat. 24 Isaalang-alang natin na magpalakasan tayo ng loob sa isa’t isa patungo sa pag-ibig at mga mabubuting gawa. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipun-tipon katulad ng iba na may ganyang kaugalian. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na, na inyong nakikita na nalalapit na ang araw.
26 Sapagkat tinanggap na natin ang kaalaman ng katotohanan at kung sinasadya natin ang pagkakasala, wala nang natitira pang handog para sa mga kasalanan. 27 Ang natitira na lamang ay ang kakila-kilabot na paghihintay para sa paghuhukom at nagngangalit na apoy na siyang lalamon sa mga kaaway. 28 Kung tumatanggi ang isang tao sa kautusan ni Moises, mamamatay siya na walang kaawaan ayon sa patotoo ng dalawang o tatlong saksi. 29 Ang isang tao na tumatanggi sa Anak ng Diyos at itinuring na marumi ang dugo ng tipan na naglinis sa kaniya at tumatanggi sa Espiritu na nagbibigay ng biyaya, kung ginagawa niya ang mga ito, gaanong bigat na parusa sa palagay ninyo ang tatanggapin niya? 30 Sapagkat kilala natin siya na nagsabi: Akin ang paghihiganti. Ako ang gaganti, sabi ng Panginoon. At muli, sinabi niya: Ang Panginoon ang hahatol sa kaniyang mga tao. 31 Kung ang isa ay mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos, ito ay kakila-kilabot na bagay.
32 Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan. Pagkatapos ninyong tanggapin ang liwanag, nagbata kayo ng mahigpit na pakikibaka sa mga paghihirap. 33 Sa isang dako, hayagan kayong inalipusta at inusig. Sa kabilang dako naman, nakasama kayo ng mga nakaranas ng gayong paghihirap. 34 Sapagkat dinamayan ninyo ako nang ako ay nasa kulungan. At nang kamkamin nila ang inyong ari-arian, tinanggap ninyo ito na may kagalakan, yamang nalalaman ninyo na mayroon kayong higit na mabuti at walang hanggang pag-aari sa langit.
35 Kaya nga, huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyo ang pagtitiis upang pagkatapos maisagawa ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang kaniyang pangako. 37 Sapagkat sa napaikling panahon na lamang:
Siya na paparito ay darating na at hindi siya magtatagal.
38 Ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. At kung siya ay tumalikod, hindi malulugod ang aking kaluluwa sa kaniya.
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumalikod patungo sa pagkawasak. Sa halip tayo ay kabilang sa mga sumasampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International