Add parallel Print Page Options

Ang Hain ni Cristo ay Minsanan Lang

10 Ang kautusan ay isang anino ng mabubuting bagay na darating. Hindi iyon ang wangis ng mga tunay na bagay. Bawat taon patuloy silang naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nagpapaging-ganap sa kanila na lumalapit.

Hindi ba sila ay titigil na sa paghahandog ng mga handog? Kung minsan sila ay naghandog ng mga hain na maglilinis sa mga sumasamba, hindi na sila kailanman uusigin ng kanilang mga kasalanan. Subalit sa bawat taon ang mga haing iyon ay nagpapaala-ala sa kanila ng kanilang mga kasalanan. Sapagkat hindi maaaring maalis ng dugo ng mga baka at kambing ang mga kasalanan.

Kaya nga, nang dumating siya sa sanlibutan, sinabi niya:

Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain. Ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.

Hindi ka nalugod sa mga handog na susu­nugin at mga hain para sa mga kasalanan. Pagkatapos nito, sinabi ko: Narito, dumarating ako sa balumbon ng aklat na nasulat patungkol sa akin, upang sundin ang iyong kalooban, O Diyos.

Una, sinabi niya:

Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain. Hindi ka nalulugod sa mga handog na susu­nugin at mga hain para sa kasalanan. Ang mga ito ay hinihingi ng kautusan na ihandog.

Pagkatapos sinabi niya:

Narito, ako ay naparito upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.

Upang maitatag niya ang ikalawa, inalis niya ang una.

10 Sa pamamagitan ng kaniyang kalooban, ginagawa tayong banal sa pamamagitan ng paghandog ng katawan ni Jesucristo minsan at magpakailanman.

11 At sa bawat araw ang bawat saserdote ay tumatayo at naglilingkod. Siya ay palaging naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan. 12 Ngunit pagkatapos niyang maghandog ng isang hain para sa mga kasalanan magpakailanaman, siya ay umupo sa kanang dako ng Diyos. 13 Mula sa panahong iyon, siya ay naghihintay hanggang mailagay na ang tuntungan ng kaniyang mga paa ang kaniyang mga kaaway. 14 Sapagkat sa pamama­gitan ng paghahandog ng isang hain, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinapaging-banal.

15 At ang Banal na Espiritu rin ang nagpatotoo sa atin, una, sinabi niya:

16 Akong Panginoon ay nagsasabi: Ito ang tipan na gagawin ko sa kanila, pagkatapos ng mga araw na iyon. Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso. At isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga kaisipan.

17 Pagkatapos nito ay sinabi niya:

Hindi ko na kailanman aalalahanin pa ang kani­lang mga kasalanan at ang kanilang mga hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

18 Ngunit kung saan mayroong kapatawaran sa mga ito, hindi na kailangan pang maghandog ng mga hain para sa kasalanan.

Isang Panawagan sa Atin na Tayo ay Magtiyaga

19 Mga kapatid, yamang tayo nga ay mayroon katiyakan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, makakapasok na tayo sa kabanal-banalang dako.

20 Siya ay nagtatag ng isang bago at buhay na daan para sa atin sa pamamagitan ng tabing na kaniyang katawan. 21 At mayroon tayong dakilang saserdote na namu­muno sa bahay ng Diyos. 22 Tayo ay lumapit na may tapat na puso at lubos na pagtitiwala ng pananampalataya dahil winisikan na Diyos ang ating mga puso upang malinis ang ating masamang budhi at gayundin hinugasan ang ating mga katawan ng dalisay na tubig. 23 Manangan tayong matibay sa pag-asang ipina­hahayag natin na walang pag-aalinlangan sapagkat siya na nangako ay matapat. 24 Isaalang-alang natin na magpalakasan tayo ng loob sa isa’t isa patungo sa pag-ibig at mga mabubuting gawa. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipun-tipon katulad ng iba na may ganyang kaugalian. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na, na inyong nakikita na nalalapit na ang araw.

26 Sapagkat tinanggap na natin ang kaalaman ng katoto­hanan at kung sinasadya natin ang pagkakasala, wala nang natitira pang handog para sa mga kasalanan. 27 Ang natitira na lamang ay ang kakila-kilabot na paghihintay para sa paghu­hukom at nagngangalit na apoy na siyang lalamon sa mga kaaway. 28 Kung tumatanggi ang isang tao sa kautusan ni Moises, mamamatay siya na walang kaawaan ayon sa patotoo ng dalawang o tatlong saksi. 29 Ang isang tao na tumatanggi sa Anak ng Diyos at itinuring na marumi ang dugo ng tipan na naglinis sa kaniya at tumatanggi sa Espiritu na nagbibigay ng biyaya, kung ginagawa niya ang mga ito, gaanong bigat na parusa sa palagay ninyo ang tatanggapin niya? 30 Sapagkat kilala natin siya na nagsabi: Akin ang paghihiganti. Ako ang gaganti, sabi ng Panginoon. At muli, sinabi niya: Ang Pangi­noon ang hahatol sa kaniyang mga tao. 31 Kung ang isa ay mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos, ito ay kakila-kilabot na bagay.

32 Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan. Pagkatapos ninyong tanggapin ang liwanag, nagbata kayo ng mahigpit na pakikibaka sa mga paghihirap. 33 Sa isang dako, hayagan kayong inalipusta at inusig. Sa kabilang dako naman, nakasama kayo ng mga nakaranas ng gayong paghihirap. 34 Sapagkat dinamayan ninyo ako nang ako ay nasa kulungan. At nang kamkamin nila ang inyong ari-arian, tinanggap ninyo ito na may kagalakan, yamang nalalaman ninyo na mayroon kayong higit na mabuti at walang hanggang pag-aari sa langit.

35 Kaya nga, huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyo ang pagtitiis upang pagkatapos maisagawa ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang kaniyang pangako. 37 Sapagkat sa napa­ikling panahon na lamang:

Siya na paparito ay darating na at hindi siya magtatagal.

38 Ngunit ang matuwid ay mabu­buhay sa pamamagitan ng pananampalataya. At kung siya ay tumalikod, hindi malulugod ang aking kaluluwa sa kaniya.

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumalikod patungo sa pagkawasak. Sa halip tayo ay kabilang sa mga sumasam­palataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.

Sa Pamamagitan ng Pananampalataya

11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na ating inaasahan. Ito ang katunayan ng mga bagay na hindi natin nakikita.

Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, nagpatotoo ang mga matanda.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng salita na kaniyang sinabi. Kaya mula sa mga bagay na hindi makikita ng sinuman, inihanda niya ang mga bagay na nakikita.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, naghandog si Abel ng higit na mabuting handog sa Diyos kaysa sa inihandog ni Cain at sa pamamagitan nito, nakita siyang matuwid. Ang Diyos ang nagpatotoo patungkol sa kaniyang mga kaloob bagaman patay na siya ay nagsasalita pa.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay kinuha ng Diyos, kaya siya ay hindi nakaranas ng kamatayan. At dahil kinuha siya ng Diyos, hindi na nila siya nakita. Sapagkat bago siya kinuha ng Diyos, pinatotohanan na siya ay tunay na kalugud-lugod sa Diyos. Ngunit kung walang pananam­palataya, walang sinumang tunay na makakapag­bigay-lugod sa kaniya. Sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay dapat sumam­palatayang may Diyos at dapat siyang sumampalatayang siya ang nagbibigay gantimpala sa mga masikap na humahanap sa kaniya.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Noe ay naghanda ng isang arka nang magbabala ang Diyos sa kaniya patungkol sa mga bagay na hindi pa niya nakikita. Inihanda niya ito ng may banal na pagkatakot upang mailigtas niya ang kaniyang sambahayan. Sa pamamagitan nito, hinatulan niya ang sanli­butan. At siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na kani­yang tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Abraham na tinawag ng Diyos ay sumunod at nagtungo sa isang dako na malapit na niyang tanggapin bilang pamana. Bagaman hindi niya alam kung saan siya patungo, lumabas siya. Sa pamamagitan ng pananampalataya, siya ay namuhay tulad ng isang dayuhan sa bayang ipinangako sa kaniya at siya ay tumira sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob. Sila ay mga kasama niyang tagapag­mana ng pangako ring iyon. 10 Sapagkat inaasahan niyang makita ang isang lungsod na may matibay na saligan na ang Diyos ang nagplano at nagtayo.

11 At sa pamamagitan ng pananampalataya, si Sara ay tumanggap ng kakayahang magdalang-tao. Kahit na siya ay lampas na sa gulang upang magkaanak, nanganak pa rin siya. Sapagkat kinilala niya na ang nangako sa kaniya ay matapat. 12 At kaya nga, bagaman siya ay tulad sa isang patay, marami ang nagmula sa kaniya na kasindami ng mga bituin sa langit at na tulad ng buhangin sa tabing dagat na hindi mabilang.

13 Ang lahat ng mga taong ito ay namuhay ayon sa pananampalataya hanggang sa mamatay na hindi nila natanggap ang mga ipinangako. Ngunit natanaw nila ang mga ito. Nahikayat sila at nanghawakan sila dito at inamin nila na sila ay mga dayuhan at mga pansamantalang nanunuluyan sa lupa. 14 Sapagkat ang mga taong nagsasalita ng mga ganitong bagay ay nagpapakilala na sila ay naghahangad ng sariling tahanan. 15 At kung iniisip nila ang bayan na kanilang iniwan, may panahon pa silang bumalik. 16 Ngunit ngayon, hinangad nila ang higit na mabuting bayan na maka-langit, kaya nga, hindi ikinakahiya ng Diyos na tawagin nila siyang Diyos. Siya ay naghanda ng isang lungsod para sa kanila.

17 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang siya ay sinubok ng Diyos, inihandog ni Abraham si Isaac bilang isang hain. Siya na tumanggap ng mga pangako ay naghandog ng kaniyang kaisa-isang anak. 18 Sa kaniya ay sinabi: Sa pamamagitan ni Isaac ay pangangalanan ko ang iyong binhi. 19 Kaniyang itinuring na kaya ng Diyos na buhayin siya sa gitna ng mga patay. Sa pamamagitan ng paglalarawan ay muli niya siyang naangkin mula sa mga patay.

20 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala ni Isaac sina Jacob at Esau patungkol sa mga bagay na darating.

21 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala ni Jacob ang bawat anak ni Jose nang siya ay malapit nang mamatay. At siya ay sumamba habang nakasandal sa dulo ng kaniyang tungkod.

22 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang siya ay malapit nang mamatay, naala-ala ni Jose ang patungkol sa paglabas ng mga anak ni Israel mula sa Egipto at nagbigay ng utos patungkol sa kaniyang mga buto.

23 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises pagka­panganak sa kaniya ay itinago ng kaniyang mga magulang sa loob ng tatlong buwan sapagakat nakita nilang siya ay magandang bata. At hindi sila natakot sa batas na iniutos ng hari.

24 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises nang siya ay malaki na ay tumangging tawaging anak ng babaeng anak ni Faraon. 25 Pinili niyang magbata ng kahirapan kasama ng mga tao ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang kali­gayahang dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niya na ang mga kahihiyan ng Mesiyas ay higit na malaking kayamanan kaysa sa maangkin niya ang mga mahahalagang bagay at kayamanan sa Egipto. Sapagkat nakatuon ang kaniyang mga mata sa gantimpalang darating. 27 Sa pamamagitan ng pananam­palataya ay kaniyang iniwan ang Egipto. Hindi siya natakot sa poot ng hari. Sapagkat matatag ang kaniyang kalooban dahil waring nakita na niya yaong hindi nakikita. 28 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay ginanap niya ang paglampas at pagpahid ng dugo upang huwag siyang hipuin ng namumuksa ng mga panganay.

29 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay natawid nila ang Pulang dagat tulad sa pagtawid sa tuyong lupa. Nang subukin ito ng mga taga-Egipto, nalunod sila.

30 Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, ang mga pader ng lungsod ng Jerico ay bumagsak pagkatapos nilang mapaikutan ang lungsod sa loob ng pitong araw.

31 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Rahab na isang patutot ay hindi napahamak na kasama ng mga masuwayin dahil tinanggap niya ang mga tiktik na may kapayapaan.

32 Ano pa ang aking masasabi? Sapagkat kukulangin ako ng panahon upang sabihin pa sa inyo ang patungkol kay Gideon, Barak, Samson, Jefta, o ang patungkol kay David at Samuel at mga propeta. 33 Sa pamamagitan ng pananam­palataya ay nalupig nila ang mga kaharian, gumawa ng katuwiran, tumanggap sila ng mga pangako at nagpatigil ng mga bibig ng leon. 34 Pinatay nila ang kapangyarihan ng apoy at nakatakas sila sa talim ng tabak. Bagaman sila ay mahihina, tumanggap sila ng kalakasan. Naging malakas sila sa digmaan at dinaig nila ang mga dayuhang hukbo. 35 Tinanggap ng mga kababaihan ang kanilang mga patay na muling binuhay. Ang iba ay pinahirapan dahil tumanggi silang palayain, upang makamtan nila ang higit na mabuting muling pagkabuhay. 36 Ang iba ay tumanggap ng pagsubok, ng pangungutya, ng mga paghagupit at oo, ang iba ay iginapos nila at ibinilanggo. 37 Ang iba naman ay binato, nilagaring pahati, tinukso at pinatay sa pamamagitan ng tabak. Gumala sila, na ang suot ay balat ng tupa at mga balat ng kambing, na naghihirap, pinag-usig at pinagmalupitan. 38 Ang sanlibutang ito ay hindi nararapat para sa kanila. Sila ay nagpagala-gala sa mga ilang at mga bundok, sa mga kuweba at sa mga lungga ng lupa.

39 Ang lahat ng mga ito, na nagkaroon ng mabuting patotoo sa pamamagitan ng pananampalataya, ay hindi nakatanggap sa mga bagay na ipinangako. 40 Sapagkat noon pa mang una ay naglaan na ng higit na mabuting bagay ang Diyos para sa atin, sapagkat sila ay hindi magiging-ganap na hindi tayo kasama.

Tinutuwid ng Diyos ang Kaniyang mga Anak

12 Kaya nga, tayo rin naman ay napapalibutan ng gayong makapal na ulap ng mga saksi. Ating isaisangtabi ang bawat bagay na humahadlang sa atin at ang kasalanang napakadaling bumalot sa atin. Takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilaan sa atin.

Ituon natin ang ating mga mata kay Jesus na siya ang nagpasimula at nagpapaging-ganap ng ating pananampalataya. Siya ay nagbata ng krus alang-alang sa kagalakang itinalaga sa kaniya at hinamak niya ang kahihiyan. Pagkatapos ay umuposa kanang kamay ng trono ng Diyos. Dapat ninyo siyang isaalang-alang na mabuti upang huwag kayong manlupaypay at huwag manghina ang inyong kaluluwa, dahil siya ay nagtiis ng labis na pagsalungat mula sa mga taong makasalanang laban sa kaniya.

Sa pakikibaka ninyo laban sa kasalanan ay hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo. Nakalimutan na ba ninyo ang salitang nagpapalakas ng inyong loob na tumutukoy sa inyo bilang mga anak? Ang sinasabi:

Anak ko, kung itinutuwid ka ng Panginoon, huwag mong ipagwalang bahala. At kung sina­saway ka niya, huwag manghina ang iyong loob.

Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang mga iniibig niya, pinapalo ang bawat tina­tanggap niya bilang anak.

Kung nagbabata kayo ng pagtutuwid, ang Diyos ay siyang gumagawa sa inyo bilang mga anak. Sapagkat alin bang anak ang hindi itinutuwid ng kaniyang ama? Ang lahat ng anak ay dumaranas ng pagtutuwid. Ngunit kung hindi kayo itinutuwid, kayo ay mga anak sa labas at hindi kayo mga tunay na anak. Higit pa dito, lahat tayo ay may mga ama sa laman at itinutuwid nila tayo. At iginagalang natin sila. Hindi ba lalong nararapat na handa tayong magpasakop sa ating Ama ng espiritu upang tayo ay mabuhay? 10 Sapagkat sila ay nagtutuwid sa atin, ayon sa ipinapalagay nilang mabuti, sa maikling panahon. Ngunit ang Diyos ay tumutuwid para sa ating kapakinabangan at upang tayo ay maging kabahagi ng kaniyang kabanalan. 11 Ngunit walang pagtutuwid na parang kasiya-siya sa kasa­lukuyan. Ito ay masakit ngunit sa katagalan, ito ay nagdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran, sa mga nasasanay ng pagtutuwid.

12 Kaya nga, itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at ituwid ninyo ang inyong mga tuhod na nangangatog. 13 At tuwirin ninyo ang mga daraanan ng inyong mga paa upang ang mga lumpo ay huwag malihis, sa halip, sila ay gumaling.

Babala Laban sa Pagtanggi sa Diyos

14 Sikapin ninyong mamuhay ng may kapayapaan at kaba­nalan sa lahat ng tao, dahil walang sinumang makakakita sa Panginoon kung wala ito.

15 Mag-ingat kayo baka mayroong magkulang sa biyaya ng Diyos. Ingatan ninyo na baka may sumibol na ugat ng sama ng loob na siyang dahilan ng kaguluhan at sa pamamagitan nito ay nadudungisan ang marami. 16 Tiyakin ninyo na walang matagpuan sa inyo na taong imoral o mapaglapastangan tulad ni Esau na kaniyang ipinagbili ang karapatang magmana bilang panganay na anak na lalaki dahil sa isang pagkain. 17 Sapagkat alam na ninyong lahat kung ano ang nangyari pagkatapos. Nang ibig na niyang manahin ang basbas, itinakwil siya ng Diyos. Bagaman si Esau ay humanap ng paraan na may pagluha upang siya ay makapagsisi, hindi siya makahanap ng pagkakataon para makapagsisi.

18 Sapagkat hindi kayo nakalapit sa bundok na inyong mahihipo na naglalagablab sa apoy, sa kapusikitan, sa kadi­liman at sa unos. 19 At ang naroon ay tunog ng trumpeta at ang tinig ng mga salita. Pagkarinig nila ng tinig nito, nagsumamo sila na huwag nang banggitin sa kanilang muli ang mga salitang ito. 20 Sapagkat hindi nila makayanang dalhin ang iniutos na sinabi: Kung ang isang hayop ay madikit sa bundok, dapat ninyong batuhin at sa pamagitan ng sibat ay inyong tuhugin. 21 Dahil ang tanawin ay labis na nakaka­sindak, sinabi ni Moises: Nilukuban ako ng takot at ako ay nanginig.

22 Subalit kayo ay nakalapit na sa bundok ng Zion at sa lungsod ng buhay na Diyos, sa Jerusalem na maka-langit at sa hindi mabilang na mga anghel. 23 Lumapit na kayo sa pangkalahatang pagtitipon at sa iglesiya ng mga panganay na nakatala sa kalangitan. Lumapit na kayo sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinaging-ganap. 24 Lumapit na kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan ng isang bagong tipan at sa dugo na kaniyang iwinisik na nangungusap ng higit na mabubuting bagay kaysa sa dugo ni Abel.

25 Tiyakin ninyo na hindi ninyo tinatanggihan ang nagsa­salita. Sapagkat kung ang mga tumanggi sa nagsalita sa lupa ay hindi makakaligtas sa paghatol. Ang ating kahatulan ay lalong tiyak kung tatalikuran natin siya na nagmula sa langit. 26 Noon ang kaniyang tinig ay yumanig sa lupa. Ngunit ngayon siya ay nangako na sinasabi: Minsan na lang ay yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi gayundin ang langit. 27 Nang gamitin niya ang katagang, minsan na lang, ang ibig niyang sabihin ay aalisin niya ang lahat ng bagay na mayayanig, na ang mga ito ay ang mga bagay na ginawa, upang ang mga bagay na hindi mayayanig ay manatili.

28 Tinanggap natin ang isang paghahari na walang makaka­yanig. Kaya nga, tayo nawa ay magkaroon ng biyaya na sa pamamagitan nito, tayo ay maghahandog ng paglilingkod na kalugud-lugod sa Diyos, na may banal na paggalang at pagkatakot. 29 Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na tumutupok.

Pagtatapos na Payo

13 Hayaan ninyong magpatuloy sa inyo ang pagma­mahalan ng magkakapatid.

Huwag ninyong kali­mutan ang maging mapagpatuloy sa mga taga-ibang bayan. Sa pamamagitan nito, ang iba ay tumanggap ng mga anghel bilang mga panauhin na hindi nila ito nalalaman. Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na waring kayo ay nabilanggo na kasama nila. At alalahanin ninyo iyong mga pinagmalupitan na waring kaisang-katawan din kayo.

Ang pag-aasawa ay marangal sa lahat at ang pagsa­samahan ng mag-asawa na walang dungis. Ngunit hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. Ang pamumuhay ninyo ay dapat walang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo sa mga bagay na taglay ninyo sapagkat sinabi ng Diyos:

Kailanman ay hindi kita iiwan at kailanman ay hindi kita pababayaan.

Kaya nga, masasabi natin na may pagtitiwala:

Ang Panginoon ang aking katulong. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?

Alalahanin ninyo ang inyong mga tagapangasiwa na nagpahayag ng salita ng Diyos sa inyo. At tularan ninyo ang kanilang pananampalataya habang minamasdan ninyo ang hangarin ng kanilang buhay. Si Jesus ay siya pa rin kahapon, ngayon, bukas at magpakailanman.

Huwag ninyong hayaan na madala kayo ng lahat ng uri at kakaibang mga katuruan. Sapagkat mabuting pagtibayin natin ang ating mga puso sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng pagkain. Ang pagkain ay hindi makaka­pagbigay ng kapakinabangan sa mga nabubuhay sa pamama­gitan nito. 10 Tayo ay may isang dambana. Ang mga saserdote na naglilingkod sa makalupang tabernakulo ay walang kara­patang kumain dito.

11 Sapagkat ang pinakapunong-saserdote ay nagdala ng dugo ng hayop sa kabanal-banalang dako bilang isang hain para sa kasalanan. Kapag ginagawa nila ito, sinusunog nila ang katawan ng mga hayop sa labas ng kampamento. 12 Kaya nga, gayundin naman kay Jesus, ng mapaging-banal niya ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang dugo, naghirap siya sa labas ng tarangkahan ng lungsod. 13 Kaya nga, tayo ay lumapit sa kaniya sa labas ng kampamento na binabata ang kaniyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong nananatiling lungsod dito. Subalit hinahangad natin ang lungsod na darating.

15 Kaya sa pamamagitan niya, patuloy tayong magdala ng handog ng papuri sa Diyos. Ang ating hain ay ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. 16 Ang paggawa ng mabuti at pakikibahagi sa paglilingkod ay huwag ninyo itong kaliligtaan sapagkat kalugud-lugod sa Diyos ang mga handog na tulad nito.

17 Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo at magpa­sakop kayo sa kanilang pamamahala sapagkat iniingatan nilang patuloy ang inyong mga kaluluwa bilang mga magbibigay sulit para sa inyo. Sundin ninyo sila upang magawa nila itong may kagalakan at hindi nang may kahapisan, sapagkat ito ay hindi magiging kapakipakinabang sa inyo.

18 Ipanalangin ninyo kami. Natitiyak naming malinis ang aming budhi. At ibig naming mamuhay nang maayos sa lahat ng bagay. 19 Masikap kong ipinamamanhik sa inyo na ipana­langin ninyo ako upang makasama ko kayo sa lalong madaling panahon.

20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ang magpapatibay sa inyong bawat gawang mabuti. Siya yaong sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ang nagbangon muli sa ating Panginoong Jesus mula sa mga patay na siyang Dakilang Pastol ng mga tupa. 21 Gawin nawa niya kayong ganap sa bawat mabubuting gawa upang gawin ang kaniyang kalooban. Sa pamamagitan ni Jesucristo, maisasagawa niya sa inyo ang anumang makakalugod sa kaniya. Sumakaniya ang kaluwal­hatian magpakailanman. Siya nawa.

22 Mga kapatid ko, ipinamamanhik ko sa inyo, na inyong tiisin ang salita ng matapat na panghihikayat, bagaman sinu­latan ko na kayo ng maiksing sulat.

23 Alamin ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na nila. Kapag siya ay dumating agad, sasama ako sa kaniya at magkikita tayo.

24 Batiin ninyo ang lahat ninyong tagapangasiwa at ang lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia.

25 Ang biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa!