Hebreo 9
Ang Salita ng Diyos
Pananambahan sa Loob ng Tabernakulo na Nasa Lupa
9 Ngayon nga ang unang tipan ay may mga tuntunin sa pagsamba at mayroon ding isang banal na dako sa lupa.
2 Ito ay sapagkat ang mga tao ay nagtayo ng isang tabernakulo. Tinawag nila ang unang silid na banal na dako. Dito nila inilalagay ang lagayan ng ilawan, ang mesa at ang tinapay na inilagay sa harap ng Diyos. 3 At sa likuran ng ikalawang tabing ay isang silid na tinatawag nilang kabanal-banalang dako. 4 Ito ay mayroong isang ginintuang dambana ng kamangyang at kaban ng tipan na ang bawat bahagi ay binalot ng ginto. Naglalaman ito ng sisidlang ginto na may lamang mana, ang tungkod ni Aaron na umusbong at ang tapyas ng bato ng tipan. 5 Ang lugar ng kasiya-siyang handog ay nasa ibabaw ng kaban ng tipan at sa ibabaw noon ay kerubin ng kaluwalhatian. Ngunit hindi natin ngayon mapag-usapan ang mga bagay na ito nang isa-isa.
6 Kapag ang lahat ng bagay ay maihanda na nang ganito, ang mga saserdote ay laging pumapasok sa unang silid upang gampanan ang kanilang paglilingkod. 7 Ngunit ang pinakapunong-saserdote lang ang pumapasok sa ikalawang silid minsan lang sa isang taon at lagi siyang may dalang dugo. Inihahandog niya ang dugo para sa kaniyang sarili at para sa mga nagawang kasalanan ng mga tao na hindi nila nalalaman. 8 Ito ang ipinakikita ng Banal na Espiritu: Habang ang unang tabernakulo ay naroroon pa, hindi pa binubuksan ng Diyos ang daang patungo sa kabanal-banalang dako. 9 Ito ay pagsasalarawan para sa kasalukuyang panahon kung saan ang mga kaloob at mga hain na kanilang inihandog ay hindi makakapaglinis ng budhi ng sumasamba. 10 Ang mga ito ay binubuo ng pagkain at inumin at mga natatanging paraan ng paglubog at mga alituntunin ng tao. Iniutos ito ng Diyos hanggang sa panahon na babaguhin niya ang mga bagay.
Ang Dugo ni Cristo
11 Ngunit si Cristo ay naging pinakapunong-saserdote ng magandang mga bagay na darating. Siya ay pumasok sa higit na mahalaga at lalong ganap na tabernakulo na hindi ginawa ng mga kamay ng mga tao at hindi ito bahagi ng nilikhang ito.
12 Pumasok siya, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing o guya kundi sa pamamagitan ng sarili niyang dugo. At nang maganap na niya ang walang hanggang katubusan, pumasok siya sa kabanal-banalang dako nang minsan lamang at magpakailanman. 13 Ang dugo ng mga toro at ng kambing at ang abo ng dumalagang baka, na iwiniwisik doon sa mga marurumi, ay nagpapabanal sa ikalilinis ng laman. 14 Gaano pa kaya ang dugo ni Jesus na makakapaglinis ng inyong budhi mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Diyos. Inihandog niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang walang kapintasan sa pamamagitan ng tulong ng walang hanggang Espiritu.
15 Dahil dito, siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan upang matubos niya sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ang mga lumabag sa unang tipan. Ngayon, ang mga tinawag ng Diyos ay tatanggap ng walang hanggang mana na ipinangako niya.
16 Sapagkat kung saan naroon ang isang tipan, kinakailangan ang gumawa ng tipan ay mamatay. 17 Sapagkat pagkamatay ng isang tao, ang isang tipan ay magiging mabisa. Habang ang taong gumawa nito ay nabubuhay pa, wala itong bisa. 18 Iyan ang dahilan kung bakit pinagtibay ang unang tipan sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nangusap si Moises sa bawat tuntunin ng kautusan sa lahat ng taong naroroon. Pagkatapos nito ay dinala niya ang dugo ng mga guya at kambing na may kahalong tubig, pulang lana at sanga ng isopo at winisikan niya ang aklat ng kautusan at ang lahat ng taong naroroon. 20 Sinabi niya: Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos para sa inyo. 21 Gayundin naman, winisikan niya ng dugo ang tabernakulo at lahat ng sisidlan na ginamit nila sa paglilingkod. 22 At ayon sa kautusan na halos ang lahat ng bagay ay nalilinis sa pamamagitan ng dugo. Kung walang pagkabuhos ng dugo, walang kapatawaran.
23 Upang malinis nila ang larawan ng mga bagay sa langit, kailangang ihandog nila ang mga ito. Sa kabilang dako naman, ang mga makalangit na bagay ay nangangailangan ng mga haing higit sa mga ito. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa kabanal-banalang dako, na ginawa ng mga kamay ng mga tao, na larawan lamang ng tunay na dako. Subalit siya ay pumasok sa langit mismo upang siya ay humarap sa Diyos alang-alang sa atin. 25 Sapagkat hindi na kinakailangang si Cristo ay maghandog ng kaniyang sarili nang madalas katulad ng mga pinakapunong-saserdote na pumapasok sa kabanal-banalang dako sa bawat taon na taglay ang dugo na hindi naman sa kanila. 26 Kung gayon nga, hindi na kinakailangang maghirap siya nang maraming ulit simula pa nang ang sanlibutan ay itinatag. Ngunit upang pawiin niya ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sarili, ngayon siya ay nagpakita minsan lamang sa wakas ng mga kapanahunan. 27 Itinakda na minsan lamang mamatay ang tao at pagkatapos nito ay ang kahatulan. 28 Sa ganoong paraan, upang batahin niya ang mga kasalanan ng marami, inihandog ni Cristo ang kaniyang sarili nang minsan lamang. Siya ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon doon sa mga masiglang naghihintay sa kaniya hindi upang batahin ang kasalanan kundi para sa kaligtasan.
Copyright © 1998 by Bibles International