Hebreo 7
Ang Salita ng Diyos
Si Melquisedec ang Pinakapunong-saserdote
7 Ang Melquisedec na ito ay hari ng Salem at siya ay naging saserdote ng kataas-taasang Diyos. Nasalubong niya si Abraham pagkatapos niyang maipalipol ang mga hari at pinagpala niya siya.
2 Ibinigay ni Abraham sa kaniya ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya. Ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, na una sa lahat ay ang hari ng katuwiran, siya rin naman ay hari ng Salem, na hari ng kapayapaan. 3 Wala siyang ama o ina, wala siyang talaan ng mga angkan. Ang kaniyang mga taon ay walang simula, ang kaniyang buhay ay walang wakas. Siya ay natutulad sa anak ng Diyos. Siya ay nanatiling saserdote magpakailanman.
4 Ngayon, isipin natin kung gaano kadakila ang taong ito, na maging si Abraham na ating ninuno ay nagbigay sa kaniya ng ikapu sa kaniyang mga samsam. 5 Ang mga anak nga ni Levi na naging mga saserdote ay may kautusan na kumuha ng ikapu mula sa mga tao. Ito ay ang kaniyang mga kapatid bagaman sila ay nagmula sa baywang ni Abraham. 6 Ngunit siya na ang angkan ay hindi nanggaling sa kanila ay kumuha ng ikapu mula kay Abraham at siya na tumanggap ng mga pangako ay kaniyang pinagpala. 7 Ngunit walang pagtatalo na ang nakakababa ay pinagpala sa pamamagitan niya na nakakahigit. 8 At dito, ang mga taong tumatangap ng ikapu ay namamatay. Ngunit sa kabilang dako, siya ay tumatanggap ng ikapu at mayroon siyang patooo na siya ay buhay. 9 Marahil, maaaring masabi ng sinuman na maging si Levi na kumukuha ng ikapu ay nagbayad ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat nang salubungin ni Melquisedec si Abraham, si Levi ay nasa baywang pa ng kaniyang ninuno.
Si Jesus ay Tulad ni Melquisedec
11 Nang ibigay ng Diyos ang kautusan sa mga tao, ito ay nakabatay sa gawaing pagiging saserdote na nauukol sa mga angkan ni Levi. Hindi ba totoo na kung ang pagiging-ganap ay sa pamamagitan ng gawain ng pagiging saserdoteng iyon, hindina kailangang magkaroon ng iba pang saserdote? Gayunman, itinalaga ng Diyos ang saserdote na ito ayon sa pangkat ni Melquisedec at hindi ayon sa angkan ni Aaron.
12 Sapagkat nang baguhin ng Diyos ang pagkasaserdote, kinakailangang baguhin din niya ang kautusan. 13 Sapagkat siya, na tinutukoy ng mga bagay na ito, ay kabahagi ng ibang lipi, kung saan ay walang sinuman ang naglingkod sa dambana. 14 Sapagkat malinaw na ang ating Panginoon ay nagmula sa lipi ni Juda. At nang tukuyin ni Moises ang liping ito, siya ay walang binanggit patungkol sa mga pagkasaserdote. 15 Kung may lilitaw na bagong saserdote na katulad ni Melquisedec, lalo itong nagiging malinaw. 16 Ito ay hindi nakabatay ayon sa makalamang kautusan, kundi sa kapangyarihan ng buhay na kailanman ay hindi masisira. 17 Sapagkat pinatotohanan ng kasulatan:
Ikaw ay isang saserdote magpakailanman, ayon sa uri ni Melquisedec.
18 Sapagkat ang dating kautusan ay isina isangtabi dahil ito ay mahina at walang kabuluhan. 19 Sapagkat walang napapaging-ganap ang kautusan. Sa kabilang dako, mayroong pagpapakilala ng lalong mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito, tayo ay lumalapit sa Diyos.
20 Ito ay hindi ginawa ng walang panunumpa. 21 Sa isang dako, sila ay naging saserdote ng walang panunumpa, sa kabilang dako si Jesus ay naging saserdote ng may panunumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi sa kaniya:
Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magsisisi. Ikaw ay saserdote magpakailanman ayon sa uri ni Melquisedec.
22 Sa pamamagitan nito, si Jesus ang naging katiyakan ng isang lalong higit na mabuting tipan.
23 Sa isang dako, dahil pinigilan sila ng kamatayan upang magpatuloy, kinakailangan ang maraming saserdote. 24 Sa kabilang dako naman, dahil si Jesus ay nabubuhay magpakailanman, siya ay may pagkasaserdoteng mananatili magpakailanman. 25 Kaya nga, ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya ay maililigtas niya nang lubusan, yamang siya ay nabubuhay magpakailanman upang siya ay mamagitan sa kanila.
26 Sapagkat nararapat na ibigay sa atin ang ganitong uri ng pinakapunong-saserdote. Siya ay banal, walang kapintasan at malinis. Siya ay nahihiwalay sa mga makasalanan at itinaas siya ng Diyos na mataas pa sa kalangitan. 27 Siya ay hindi natutulad sa ibang mga pinunong-saserdote na kailangang maghandog ng mga handog araw-araw, una para sa kaniyang mga kasalanan. At pagkatapos ay maghahandog sila ng mga handog para sa mga kasalanan ng ibang tao. Sapagkat kaniyang ginawa ito nang minsan at magpakailanman, nang ihandog niya ang kaniyang sarili. 28 Sapagkat ang kautusan ay nagtatalaga ng mga pinunong-saserdote na mga taong may kahinaan. Ngunit ang salita ng panunumpa na dumating pagkatapos ng kautusan ay nagtalaga sa anak na pinaging-ganap magpakailanman.
Copyright © 1998 by Bibles International