Hebreo 6
Ang Salita ng Diyos
6 Dahil dito, itigil na natin ang pag-uusap sa mga panimulang katuruan patungkol kay Cristo. Dapat tayong magpatuloy na lumago sa lalong ganap na mga bagay. Huwag na nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos. 2 Gayundin naman ang patungkol sa mga pagbabawtismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay at kahatulang walang hanggan. 3 Kung ipahihintulot ng Diyos, gagawin namin ito.
4 Sapagkat minsan ay naliwanagan na ang mga tao. Natikman na nila ang makalangit na kaloob at naging kabahagi na ng Banal na Espiritu. 5 Natikman na nila ang mabuting Salita ng Diyos at ang mga kapangyarihan ng darating na kapanahunan. 6 Kung sila ay tatalikod, hindi na maaring mapanumbalik sila sa pagsisisi. Sapagkat muli nilang ipinako sa krus para sa kanilang sarili ang anak ng Diyos.
7 Sapagkat ang lupa ay umiinom ng ulang malimit bumuhos dito. Pagkatapos, ito ay nagbibigay ng mga tanim na mapapakinabangan ng mga nagbungkal nito. Ito ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. 8 Ngunit ang lupang tinutubuan ng mga tinik at mga dawag ay tinatanggihan at nanganganib na sumpain. At ito ay susunugin sa katapusan.
9 Ngunit mga minamahal, bagaman kami ay nagsasalita ng ganito, nakakatiyak kami ng higit na mabubuting bagay patungkol sa inyo at mga bagay na nauukol sa kaligtasan. 10 Ang Diyos ay makatarungan at hindi niya kalilimutan ang inyong mga gawa at pagpapagal sa pag-ibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan. Kayo na naglingkod ay patuloy na naglilingkod sa mga banal. 11 Ninanais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding pagsusumikap patungo sa lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas. 12 Hindi namin nais na kayo ay maging tamad kundi inyong tularan sila na sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiyaga ay magmamana ng ipinangako ng Diyos.
Ang Pangako ng Diyos ay Tiyak
13 Sapagkat nang mangako ang Diyos kay Abraham, sumumpa siya sa kaniyang sarili yamang wala nang sinumang makakahigit pa na kaniyang mapanumpaan.
14 Sinabi niya:
Tiyak na pagpapalain kita at ibibigay sa iyo ang maraming angkan.
15 At sa ganoong mahabang pagtitiis, tinanggap niya ang pangako.
16 Sapagkat sumusumpa ang mga tao sa sinumang nakakahigit. At ang sumpa ang siyang nagpapatibay sa mga sinabi nila at nagbibigay wakas sa bawat pagtatalo. 17 Gayundin lalong higit na ninais ng Diyos na ipakita nang may kasaganaan ang hindi pagkabago ng kaniyang layunin sa mga tagapagmana ng pangako. Ito ay kaniyang pinagtibay sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi kailanman nagbabago, hindi maaari para sa Diyos ang magsinungaling sa pamamagitan ng dalawang bagay na iyon. Ginawa niya ito upang tayo ay magkaroon ng matibay na kalakasan ng loob, na mga lumapit sa kaniya upang manangan sa pag-asang inilagay niya sa harapan natin. 19 Ito ang ating pag-asa na katulad ng isang angkla ng ating kaluluwa ay matatag at may katiyakan. Ito ay pumapasok doon sa kabilang dako ng tabing. 20 Dito pumasok si Jesus bilang tagapanguna natin para sa ating kapakinabangan, na maging isang pinakapunong-saserdote magpakailanman ayon sa uri ni Melquisedec.
Copyright © 1998 by Bibles International