Hebreo 13
Ang Salita ng Diyos
Pagtatapos na Payo
13 Hayaan ninyong magpatuloy sa inyo ang pagmamahalan ng magkakapatid.
2 Huwag ninyong kalimutan ang maging mapagpatuloy sa mga taga-ibang bayan. Sa pamamagitan nito, ang iba ay tumanggap ng mga anghel bilang mga panauhin na hindi nila ito nalalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na waring kayo ay nabilanggo na kasama nila. At alalahanin ninyo iyong mga pinagmalupitan na waring kaisang-katawan din kayo.
4 Ang pag-aasawa ay marangal sa lahat at ang pagsasamahan ng mag-asawa na walang dungis. Ngunit hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya. 5 Ang pamumuhay ninyo ay dapat walang pag-ibig sa salapi. Masiyahan na kayo sa mga bagay na taglay ninyo sapagkat sinabi ng Diyos:
Kailanman ay hindi kita iiwan at kailanman ay hindi kita pababayaan.
6 Kaya nga, masasabi natin na may pagtitiwala:
Ang Panginoon ang aking katulong. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?
7 Alalahanin ninyo ang inyong mga tagapangasiwa na nagpahayag ng salita ng Diyos sa inyo. At tularan ninyo ang kanilang pananampalataya habang minamasdan ninyo ang hangarin ng kanilang buhay. 8 Si Jesus ay siya pa rin kahapon, ngayon, bukas at magpakailanman.
9 Huwag ninyong hayaan na madala kayo ng lahat ng uri at kakaibang mga katuruan. Sapagkat mabuting pagtibayin natin ang ating mga puso sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng pagkain. Ang pagkain ay hindi makakapagbigay ng kapakinabangan sa mga nabubuhay sa pamamagitan nito. 10 Tayo ay may isang dambana. Ang mga saserdote na naglilingkod sa makalupang tabernakulo ay walang karapatang kumain dito.
11 Sapagkat ang pinakapunong-saserdote ay nagdala ng dugo ng hayop sa kabanal-banalang dako bilang isang hain para sa kasalanan. Kapag ginagawa nila ito, sinusunog nila ang katawan ng mga hayop sa labas ng kampamento. 12 Kaya nga, gayundin naman kay Jesus, ng mapaging-banal niya ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang dugo, naghirap siya sa labas ng tarangkahan ng lungsod. 13 Kaya nga, tayo ay lumapit sa kaniya sa labas ng kampamento na binabata ang kaniyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong nananatiling lungsod dito. Subalit hinahangad natin ang lungsod na darating.
15 Kaya sa pamamagitan niya, patuloy tayong magdala ng handog ng papuri sa Diyos. Ang ating hain ay ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. 16 Ang paggawa ng mabuti at pakikibahagi sa paglilingkod ay huwag ninyo itong kaliligtaan sapagkat kalugud-lugod sa Diyos ang mga handog na tulad nito.
17 Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo at magpasakop kayo sa kanilang pamamahala sapagkat iniingatan nilang patuloy ang inyong mga kaluluwa bilang mga magbibigay sulit para sa inyo. Sundin ninyo sila upang magawa nila itong may kagalakan at hindi nang may kahapisan, sapagkat ito ay hindi magiging kapakipakinabang sa inyo.
18 Ipanalangin ninyo kami. Natitiyak naming malinis ang aming budhi. At ibig naming mamuhay nang maayos sa lahat ng bagay. 19 Masikap kong ipinamamanhik sa inyo na ipanalangin ninyo ako upang makasama ko kayo sa lalong madaling panahon.
20 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ang magpapatibay sa inyong bawat gawang mabuti. Siya yaong sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan ang nagbangon muli sa ating Panginoong Jesus mula sa mga patay na siyang Dakilang Pastol ng mga tupa. 21 Gawin nawa niya kayong ganap sa bawat mabubuting gawa upang gawin ang kaniyang kalooban. Sa pamamagitan ni Jesucristo, maisasagawa niya sa inyo ang anumang makakalugod sa kaniya. Sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Siya nawa.
22 Mga kapatid ko, ipinamamanhik ko sa inyo, na inyong tiisin ang salita ng matapat na panghihikayat, bagaman sinulatan ko na kayo ng maiksing sulat.
23 Alamin ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na nila. Kapag siya ay dumating agad, sasama ako sa kaniya at magkikita tayo.
24 Batiin ninyo ang lahat ninyong tagapangasiwa at ang lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia.
25 Ang biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International