Hebreo 11
Ang Salita ng Diyos
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na ating inaasahan. Ito ang katunayan ng mga bagay na hindi natin nakikita.
2 Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, nagpatotoo ang mga matanda.
3 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng salita na kaniyang sinabi. Kaya mula sa mga bagay na hindi makikita ng sinuman, inihanda niya ang mga bagay na nakikita.
4 Sa pamamagitan ng pananampalataya, naghandog si Abel ng higit na mabuting handog sa Diyos kaysa sa inihandog ni Cain at sa pamamagitan nito, nakita siyang matuwid. Ang Diyos ang nagpatotoo patungkol sa kaniyang mga kaloob bagaman patay na siya ay nagsasalita pa.
5 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Enoc ay kinuha ng Diyos, kaya siya ay hindi nakaranas ng kamatayan. At dahil kinuha siya ng Diyos, hindi na nila siya nakita. Sapagkat bago siya kinuha ng Diyos, pinatotohanan na siya ay tunay na kalugud-lugod sa Diyos. 6 Ngunit kung walang pananampalataya, walang sinumang tunay na makakapagbigay-lugod sa kaniya. Sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at dapat siyang sumampalatayang siya ang nagbibigay gantimpala sa mga masikap na humahanap sa kaniya.
7 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Noe ay naghanda ng isang arka nang magbabala ang Diyos sa kaniya patungkol sa mga bagay na hindi pa niya nakikita. Inihanda niya ito ng may banal na pagkatakot upang mailigtas niya ang kaniyang sambahayan. Sa pamamagitan nito, hinatulan niya ang sanlibutan. At siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na kaniyang tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya.
8 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Abraham na tinawag ng Diyos ay sumunod at nagtungo sa isang dako na malapit na niyang tanggapin bilang pamana. Bagaman hindi niya alam kung saan siya patungo, lumabas siya. 9 Sa pamamagitan ng pananampalataya, siya ay namuhay tulad ng isang dayuhan sa bayang ipinangako sa kaniya at siya ay tumira sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob. Sila ay mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon. 10 Sapagkat inaasahan niyang makita ang isang lungsod na may matibay na saligan na ang Diyos ang nagplano at nagtayo.
11 At sa pamamagitan ng pananampalataya, si Sara ay tumanggap ng kakayahang magdalang-tao. Kahit na siya ay lampas na sa gulang upang magkaanak, nanganak pa rin siya. Sapagkat kinilala niya na ang nangako sa kaniya ay matapat. 12 At kaya nga, bagaman siya ay tulad sa isang patay, marami ang nagmula sa kaniya na kasindami ng mga bituin sa langit at na tulad ng buhangin sa tabing dagat na hindi mabilang.
13 Ang lahat ng mga taong ito ay namuhay ayon sa pananampalataya hanggang sa mamatay na hindi nila natanggap ang mga ipinangako. Ngunit natanaw nila ang mga ito. Nahikayat sila at nanghawakan sila dito at inamin nila na sila ay mga dayuhan at mga pansamantalang nanunuluyan sa lupa. 14 Sapagkat ang mga taong nagsasalita ng mga ganitong bagay ay nagpapakilala na sila ay naghahangad ng sariling tahanan. 15 At kung iniisip nila ang bayan na kanilang iniwan, may panahon pa silang bumalik. 16 Ngunit ngayon, hinangad nila ang higit na mabuting bayan na maka-langit, kaya nga, hindi ikinakahiya ng Diyos na tawagin nila siyang Diyos. Siya ay naghanda ng isang lungsod para sa kanila.
17 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang siya ay sinubok ng Diyos, inihandog ni Abraham si Isaac bilang isang hain. Siya na tumanggap ng mga pangako ay naghandog ng kaniyang kaisa-isang anak. 18 Sa kaniya ay sinabi: Sa pamamagitan ni Isaac ay pangangalanan ko ang iyong binhi. 19 Kaniyang itinuring na kaya ng Diyos na buhayin siya sa gitna ng mga patay. Sa pamamagitan ng paglalarawan ay muli niya siyang naangkin mula sa mga patay.
20 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala ni Isaac sina Jacob at Esau patungkol sa mga bagay na darating.
21 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay pinagpala ni Jacob ang bawat anak ni Jose nang siya ay malapit nang mamatay. At siya ay sumamba habang nakasandal sa dulo ng kaniyang tungkod.
22 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang siya ay malapit nang mamatay, naala-ala ni Jose ang patungkol sa paglabas ng mga anak ni Israel mula sa Egipto at nagbigay ng utos patungkol sa kaniyang mga buto.
23 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises pagkapanganak sa kaniya ay itinago ng kaniyang mga magulang sa loob ng tatlong buwan sapagakat nakita nilang siya ay magandang bata. At hindi sila natakot sa batas na iniutos ng hari.
24 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises nang siya ay malaki na ay tumangging tawaging anak ng babaeng anak ni Faraon. 25 Pinili niyang magbata ng kahirapan kasama ng mga tao ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang kaligayahang dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niya na ang mga kahihiyan ng Mesiyas ay higit na malaking kayamanan kaysa sa maangkin niya ang mga mahahalagang bagay at kayamanan sa Egipto. Sapagkat nakatuon ang kaniyang mga mata sa gantimpalang darating. 27 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay kaniyang iniwan ang Egipto. Hindi siya natakot sa poot ng hari. Sapagkat matatag ang kaniyang kalooban dahil waring nakita na niya yaong hindi nakikita. 28 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay ginanap niya ang paglampas at pagpahid ng dugo upang huwag siyang hipuin ng namumuksa ng mga panganay.
29 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay natawid nila ang Pulang dagat tulad sa pagtawid sa tuyong lupa. Nang subukin ito ng mga taga-Egipto, nalunod sila.
30 Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, ang mga pader ng lungsod ng Jerico ay bumagsak pagkatapos nilang mapaikutan ang lungsod sa loob ng pitong araw.
31 Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Rahab na isang patutot ay hindi napahamak na kasama ng mga masuwayin dahil tinanggap niya ang mga tiktik na may kapayapaan.
32 Ano pa ang aking masasabi? Sapagkat kukulangin ako ng panahon upang sabihin pa sa inyo ang patungkol kay Gideon, Barak, Samson, Jefta, o ang patungkol kay David at Samuel at mga propeta. 33 Sa pamamagitan ng pananampalataya ay nalupig nila ang mga kaharian, gumawa ng katuwiran, tumanggap sila ng mga pangako at nagpatigil ng mga bibig ng leon. 34 Pinatay nila ang kapangyarihan ng apoy at nakatakas sila sa talim ng tabak. Bagaman sila ay mahihina, tumanggap sila ng kalakasan. Naging malakas sila sa digmaan at dinaig nila ang mga dayuhang hukbo. 35 Tinanggap ng mga kababaihan ang kanilang mga patay na muling binuhay. Ang iba ay pinahirapan dahil tumanggi silang palayain, upang makamtan nila ang higit na mabuting muling pagkabuhay. 36 Ang iba ay tumanggap ng pagsubok, ng pangungutya, ng mga paghagupit at oo, ang iba ay iginapos nila at ibinilanggo. 37 Ang iba naman ay binato, nilagaring pahati, tinukso at pinatay sa pamamagitan ng tabak. Gumala sila, na ang suot ay balat ng tupa at mga balat ng kambing, na naghihirap, pinag-usig at pinagmalupitan. 38 Ang sanlibutang ito ay hindi nararapat para sa kanila. Sila ay nagpagala-gala sa mga ilang at mga bundok, sa mga kuweba at sa mga lungga ng lupa.
39 Ang lahat ng mga ito, na nagkaroon ng mabuting patotoo sa pamamagitan ng pananampalataya, ay hindi nakatanggap sa mga bagay na ipinangako. 40 Sapagkat noon pa mang una ay naglaan na ng higit na mabuting bagay ang Diyos para sa atin, sapagkat sila ay hindi magiging-ganap na hindi tayo kasama.
Copyright © 1998 by Bibles International