Hebreo 1
Ang Salita ng Diyos
Ang Anak ay Higit kaysa mga Anghel
1 Noong una, ang Diyos ay nagsalita sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak.
2 Siya ay hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Sa pamamagitan din niya, nilikha ng Diyos ang mga kapanahunan. 3 Siya ang kaliwanagan ng kaluwalhatian ng Ama at ang ganap na kapahayagan ng pagka-Diyos ng Ama. Siya ang humahawak ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang gawin ang paglilinis sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasang dako. 4 Yamang siya ay higit pang dakila sa mga anghel, ang pangalan na kaniyang minana ay higit pa kaysa sa kanilang pangalan.
5 Alin sa mga anghel ang kailanman ay pinagsabihan ng ganito:
Ikaw ay ang aking Anak at sa araw na ito ay ipinanganak kita.
At muli niyang sinabi:
Ako ang magiging Ama sa kaniya at siya ay magiging Anak sa akin.
6 Gayundin, nang dalhin niya ang kaniyang tanging dakilang Anak sa sanlibutan, sinabi niya:
At hayaan siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.
7 Patungkol naman sa mga anghel, sinasabi niya:
Ginawa niyang espiritu ang kaniyang mga anghel at ang kaniyang mga natatanging lingkod na nag-aalab na apoy.
8 Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:
O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman. At ang setro ng katuwiran ang magiging setro ng iyong paghahari.
9 Inibig mo ang katuwiran at kinapootan mo ang hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos. Dahil dito ay pinahiran ka ng Diyos, na iyong Diyos, ng langis ng kaligayahan higit sa iyong mga kasama.
10 At sinabi niya:
O, Panginoon, sa simula pa man ay itinatag mo na ang saligan ng lupa. At ang mga kalangitan ay mga gawa ng iyong mga kamay.
11 Sila ay mapapahamak ngunit mananatili ka. Silang lahat ay malulumang tulad ng isang kasuotan. 12 Babalumbonin mo silang tulad ng isang balabal at sila ay mababago. Ngunit ikaw ay mananatiling ikaw at ang iyong mga taon ay hindi matatapos kailanman.
13 Kailanman ay hindi sinabi ng Diyos sa kaninumang anghel:
Umupo ka sa aking kanan hanggang sa gawin kong tuntungan ng mga paa mo ang iyong mga kaaway.
14 Hindi ba silang lahat ay mga espiritung naglilingkod na sinugo upang maglingkod para sa mga magmamana ng kaligtasan?
Copyright © 1998 by Bibles International