Add parallel Print Page Options

Ang Panawagan ng Dios na Muling Ipatayo ang Templo

Noong unang araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia, may sinabi ang Panginoon kina Zerubabel at Josue sa pamamagitan ni Propeta Hageo. Si Zerubabel na anak ni Shealtiel ang gobernador ng Juda, at si Josue na anak ni Jehozadak ang punong pari.

2-3 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa pamamagitan ni Propeta Hageo, “Sinasabi ninyo na hindi pa ito ang panahon upang muling itayo ang aking templo. Matitiis nʼyo bang tumira sa magagandang bahay habang wasak ang templo? Isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. Marami ang inihasik ninyo, pero kakaunti ang inyong ani. May pagkain nga kayo, pero kulang. May inumin nga kayo, pero hindi rin sapat. May damit kayo, pero giniginaw pa rin kayo. At may tinatanggap kayong sweldo, pero kulang pa rin. Kaya isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. Ngayon, umakyat kayo sa bundok at kumuha ng mga kahoy, at itayo ninyong muli ang templo. Sa ganitong paraan, masisiyahan ako at mapaparangalan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Marami ang aning inaasahan ninyo, pero kakaunti lang ang naani ninyo. At sinira ko pa ito nang iuwi ninyo sa inyong bahay. Ginawa ko ito dahil wasak ang aking templo habang ang bawat isa sa inyo ay abalang gumagawa ng bahay ninyo. 10 Kaya dahil sa inyo, ang langit ay hindi na magbibigay ng hamog, at ang lupa ay hindi na magbibigay ng ani. 11 Pinatuyo ko ang lupain at ang mga kabundukan, kaya naapektuhan ang mga butil, katas ng ubas, langis, at ang iba pang mga ani, maging ang mga tao, at ang kanilang mga hayop at mga pananim.”

12 At sinunod nga nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel mula sa pagkabihag sa Babilonia ang sinabi ng Panginoon na kanilang Dios sa pamamagitan ni Propeta Hageo na kanyang sugo. Sa pamamagitan nito, ipinakita nila ang kanilang paggalang sa Panginoon.

13 Sinabi ni Hageo na sugo ng Panginoon sa mga Israelita, “Sinasabi ng Panginoon na kasama ninyo siya.” 14 Pinalakas ng Panginoon ang loob nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel, upang muling itayo ang templo ng kanilang Panginoong Dios na Makapangyarihan. 15 Sinimulan nila ang pagtatayo ng templo noong ika-24 na araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius.

Ang Kagandahan ng Bagong Templo

1-2 Noong ika-21 ng sumunod na buwan,[a] sinugo ng Panginoon si Propeta Hageo para sabihin kina Zerubabel, Josue, at sa iba pang mga Israelitang nakabalik sa Israel: “Sino sa inyo ang nakakita ng kagandahan noon ng templong ito? Ano ngayon ang tingin ninyo rito kung ihahambing sa dati? Maaaring sabihin ninyo na balewala lang ito. Pero magpakatatag kayo! Ipagpatuloy ninyo ang paggawa ng templo dahil kasama ninyo ako, ang Makapangyarihang Panginoon. Ganito rin ang ipinangako ko sa inyong mga ninuno nang inilabas ko sila[b] sa Egipto. At ngayon, ang aking Espiritu ay mananatiling kasama ninyo, kaya huwag kayong matakot.

Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi na hindi magtatagal ay minsan ko pang yayanigin ang langit at ang mundo, ang lupa at ang dagat. Yayanigin ko ang lahat ng bansa at dadalhin nila rito sa templo ang kanilang mga kayamanan. Kaya mapupuno ang templong ito ng mga mamahaling bagay. Sapagkat ang mga ginto at mga pilak ay akin. Magiging mas maganda ang bagong templo kaysa sa dati. At bibigyan ko ang lugar na ito[c] ng kapayapaan at mabuting kalagayan sa buhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Pangako ng Dios na Pagpapala

10 Nang ika-24 ng ikasiyam na buwan, noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius, sinabi ng Panginoon kay Hageo, 11 “Tanungin mo ang mga pari kung ano ang sinasabi ng kautusan tungkol sa bagay na ito: 12 Halimbawa, may isang tao na may dalang sagradong karne[d] sa kanyang damit, at nasagi ito sa tinapay, sabaw, inumin, langis, o anumang pagkain, maaapektuhan ba ang mga ito ng pagkasagrado ng karne?” Sumagot ang mga pari, “Hindi.” 13 Kaya nagtanong pa si Hageo, “Kung halimbawa, ang mga pagkaing nabanggit ay nasagi ng taong itinuturing na marumi dahil nakahipo siya ng patay, magiging marumi rin ba ang mga pagkaing iyon?” Sumagot ang mga pari “Oo.” 14 Sinabi ni Hageo, “Ganyan din noon ang mga mamamayan ng Israel, sabi ng Panginoon. Noon anuman ang kanilang mga ginawa at mga inihandog ay marumi sa paningin ng Panginoon. 15 Mula ngayon, isipin ninyong mabuti ang mga nangyari sa inyo bago ninyo umpisahan ang pagtatayo ng templo ng Panginoon. 16 Sapagkat noon, kapag pumunta kayo sa mga bunton ng inyong mga trigo na umaasang makakaipon ng mga 20 takal, ang nakukuha ninyo ay sampu lang. At kapag pumunta kayo sa pisaan ng inyong ubas na umaasang makakakuha ng 50 galon, ang nakukuha ninyo ay 20 galon lang. 17 Sinira ng Panginoon ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, peste, at pagpapaulan ng yelo na parang mga bato, pero hindi pa rin kayo nagbalik-loob sa kanya. 18 Ika-24 na araw ngayon ng ikasiyam na buwan, at ngayong araw na ito natapos ang pundasyon ng templo. Tingnan ninyo kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. 19 Kahit wala nang natirang trigo, at wala nang bunga ang mga ubas at ang mga kahoy ng igos, pomegranata, at olibo, pagpapalain naman kayo ng Panginoon simula sa araw na ito.”

Ang Pangako ng Dios kay Zerubabel

20 Nang araw ding iyon,[e] muling nagsalita ang Panginoon kay Hageo. 21 Sinabi niya, “Sabihin mo kay Zerubabel na yayanigin ko ang langit at ang mundo. 22 Ibabagsak ko ang mga kaharian at wawakasan ang kapangyarihan nila. Ibubuwal ko ang kanilang mga karwahe at ang mga sakay nito. Mamamatay ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 At sabihin mo rin kay Zerubabel na aking lingkod na sa araw na iyon ay pamamahalain ko siya sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, dahil siya ay hinirang ko. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 2:1-2 sumunod na buwan: sa literal, ikapitong buwan.
  2. 2:5 sila: sa Hebreo, kayo.
  3. 2:9 ang lugar na ito: Ang templo o ang Jerusalem.
  4. 2:12 sagradong karne: Ang ibig sabihin, karneng handog sa Dios.
  5. 2:20 Nang araw ding iyon: sa literal, Nang ika-24 na araw ng buwan na iyon.