Hagai 2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Kagandahan ng Bagong Templo
2 Noong ikadalawampu't isa ng ikapitong buwan ng taon ding iyon, muling nagsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Hagai 2 upang ipaabot ang mensaheng ito kay Zerubabel na gobernador ng Juda at kay Josue na pinakapunong pari, gayundin sa buong sambayanan: 3 “Sino(A) sa inyo ang nakakaalala sa maringal na kaningningan ng naunang Templo? Maihahambing ba ninyo ang kagandahan noon sa hitsura ng Templong ito ngayon? Wala itong sinabi sa naunang Templo. 4 Gayunman, magpakatatag kayo. Patuloy ninyong gawin ang Templo sapagkat ako'y kasama ninyo. 5 Nang(B) palayain ko kayo sa Egipto, aking ipinangakong palagi ko kayong papatnubayan. Hanggang ngayon nga'y kasama ninyo ako kaya't wala kayong dapat ikatakot.
6 “Hindi(C) na magtatagal at yayanigin ko ang langit at ang daigdig, ang lupa at ang dagat. 7 Yayanigin ko ang mga bansa at dadalhin ko dito ang kanilang mga kayamanan. Ang Templong ito ay mapupuno ng kanilang mga kayamanan 8 sapagkat ang lahat ng pilak at ginto sa buong daigdig ay akin. 9 Dahil dito, ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Sumangguni ang Propeta sa mga Pari
10 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, muling nagpahayag kay Hagai si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 11 Sinabi ni Yahweh sa kanya na itanong sa mga pari kung ano ang pasya ng mga ito ukol sa ganitong usapin: 12 “Halimbawa'y may dumampot ng isang piraso ng karneng itinalaga mula sa handog na inialay sa altar at ito'y binalot niya sa kanyang damit. Magiging banal din kaya ang mga pagkaing masaling ng kanyang damit tulad ng tinapay, ulam, alak, langis ng olibo, at iba pang pagkain?” Ang sagot ng mga pari ay “Hindi.”
13 Muling(D) nagtanong si Hagai, “Halimbawa'y naging marumi ang isang tao dahil humipo sa bangkay. Magiging marumi rin ba ang anumang pagkaing masaling niya?” “Oo,” ang sagot ng mga pari.
14 Kaugnay nito, sinabi ni Hagai, “Ganito rin ang kalagayan ng mga tao sa bansang ito sa harapan ni Yahweh, pati na ang bunga ng kanilang mga gawain. Kaya nga't ang lahat ng handog nila sa altar ay marurumi.”
Nangako ng Pagpapala si Yahweh
15 Sinabi rin ni Yahweh, “Pag-isipan ninyong mabuti ang mga pangyayaring magaganap sa inyong buhay mula sa araw na ito. Noong hindi pa ninyo nasisimulang gawing muli ang Templo, 16 inaasahan ninyong ang isang buntong trigo ay 200 kilo ngunit iyon pala ay sandaan lamang. Akala ninyo'y sandaang litrong alak ang masasalok sa imbakan ngunit iyon pala'y apatnapu lamang. 17 Sinalanta ko ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, amag, at pag-ulan ng yelo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. 18 Ngayon ay ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan at ito ang araw na natapos ang pundasyon ng Templo. Bantayan ninyo ang mga susunod na pangyayari. 19 Ubos na ba ang mga pagkaing butil sa kamalig? Wala pa bang bunga ang mga puno ng ubas, ng igos, ng granada, at ng olibo? Huwag kayong mabahala sapagkat mula ngayon ay pagpapalain ko na kayo.”
Ang Pangako ni Yahweh kay Zerubabel
20 Nang araw ding iyon, ikadalawampu't apat ng buwan, isa pang mensahe ang ibinigay ni Yahweh para kay Hagai 21 upang iparating kay Zerubabel na gobernador ng Juda, “Malapit ko nang yanigin ang langit at ang lupa, 22 pati na ang mga kaharian; wawakasan ko na ang kapangyarihan ng mga ito. Sisirain ko na ang kanilang mga karwahe at papaslangin ang mga nakasakay doon. Mamamatay din ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 Pagsapit ng araw na iyon, kukunin kita Zerubabel na aking lingkod. Itatalaga kita upang maghari sa ilalim ng aking kapangyarihan. Ikaw ang aking pinili.” Iyan ang pahayag ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.