Add parallel Print Page Options

Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk

12 Sinabi ni Habakuk, “O Panginoon, kayo ay Dios mula pa noon. Kayo ang aking Dios, ang banal na Dios na walang kamatayan. O Panginoon, ang Bato na kanlungan, pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia para magparusa sa amin. 13 Dahil banal kayo, hindi nʼyo matitiis na tingnan ang kasamaan at kaguluhan. Pero bakit nʼyo hinahayaan ang mga traydor na taga-Babilonia na gawin ito sa amin? Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan ang mga taong hindi gaanong masama kung ihahambing sa kanila? 14 Ang kanilang mga kalaban ay ginawa nʼyong parang mga isda na walang pinuno na magtatanggol sa kanila. 15 Masayang nagdiriwang ang mga taga-Babilonia dahil sa pagbihag nila sa kanilang mga kalaban na parang mga isdang nahuli sa bingwit o lambat. 16 At dahil marami silang nabihag, ipinagmamalaki nila ang kanilang kakayahan katulad ng mangingisdang sinasamba ang kanyang bingwit o lambat sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso bilang handog sa mga bagay na ito. Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat ay yumaman siya at nagkaroon ng masaganang pagkain. 17 Kaya Panginoon, magpapatuloy na lang po ba ang kanilang walang awang pagbihag at pagwasak sa mga bansa?”

Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”

Ang Sagot ng Dios kay Habakuk

Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”

Ito ang isulat mo:

“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[a]

Footnotes

  1. 2:4 Pero … pananampalataya: o, Pero ang itinuring na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya ay mabubuhay.