Add parallel Print Page Options

Ang Baha

Sinabi ng Panginoon kay Noe, “Pumasok ka sa barko kasama ng buong pamilya mo. Sapagkat sa lahat ng tao sa panahong ito, ikaw lang ang nakita kong matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat uri ng malinis[a] na hayop, pero isang pares lang sa bawat uri ng maruming hayop. At magdala ka rin ng pitong pares sa bawat uri ng ibon. Gawin mo ito para mabuhay sila sa mundo. Sapagkat pagkatapos ng pitong araw mula ngayon, magpapaulan ako sa buong mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi, para mamatay ang lahat ng nilikha ko.”

Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya.

Nasa 600 taong gulang na si Noe nang dumating ang baha sa mundo. Pumasok siya sa barko kasama ang asawa niya, mga anak na lalaki, at mga manugang para hindi sila mamatay sa baha. 8-9 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na malinis at marumi na lumapit sa kanya. 10 At pagkalipas ng pitong araw, bumaha sa mundo.

11 Nang ika-17 araw ng ikalawang buwan, umulan ng napakalakas at umapaw ang lahat ng bukal. Si Noe ay 600 taong gulang na noon. 12 Umulan sa mundo sa loob ng 40 araw at 40 gabi.

13 Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila. 14 Kasama rin nila ang lahat ng uri ng hayop: mga lumalakad, gumagapang at lumilipad. 15-16 Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na lumalapit sa kanya. Pagkatapos, isinara ng Panginoon ang barko.

17-18 Walang tigil ang ulan sa mundo sa loob ng 40 araw. Tumaas ang tubig hanggang sa lumutang ang barko. 19 Tumaas pa nang lubusan ang tubig hanggang matakpan ang lahat ng matataas na bundok. 20 At hanggang umabot sa mga pitong metro ang taas ng tubig mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok. 21 Kaya namatay ang lahat ng may buhay – ang mga hayop na lumilipad, lumalakad, gumagapang at ang lahat ng tao. 22 Namatay ang lahat ng nabubuhay sa lupa. 23 Nalipol ang lahat ng tao at ang lahat ng hayop sa mundo. Si Noe lang at ang mga kasama niya sa loob ng barko ang hindi namatay.

24 Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.

Ang Pagbaba ng Baha

Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.

Pagkalipas ng 40 araw mula ng panahon na nakita na ang tuktok ng mga bundok, binuksan ni Noe ang bintana ng barko at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy parooʼt paritong lumilipad hanggang sa patuloy na pagbaba ng tubig. Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati para malaman niya kung bumaba na ang tubig, pero walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10 Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11 Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12 Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, pero hindi na ito bumalik.

13 Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taong gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14 Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.

15 Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16 “Lumabas na kayong lahat sa barko. 17 Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19 Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.

Naghandog si Noe

20 Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis[b] pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21 Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22 Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”

Ang Kasunduan ng Dios kay Noe

Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.

“Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.

“Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”

Sinabi pa ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, 9-11 “Ito ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, at sa lahat ng nabubuhay sa mundo pati sa lahat ng hayop na naging kasama ninyo sa barko: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng baha. At wala nang baha na mangyayari pa para malipol ang mundo.”

12-13 At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod nʼyo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. 14 Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng hayop, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo.”

17 Kaya sinabi ng Dios kay Noe, “Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo.”

Ang mga Anak ni Noe

18 Ito ang mga anak ni Noe na kasama niya sa barko: sina Shem, Ham at Jafet. (Si Ham ang ama ni Canaan.) 19 Silang tatlo ang pinagmulan ng lahat ng tao sa mundo.

20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang unang nagtanim ng ubas. 21 Isang araw, uminom siya ng alak na mula sa ubas, at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Ngayon, si Ham na ama ni Canaan ay pumasok sa tolda, at nakita niyang hubad ang kanyang ama. Kaya lumabas siya at sinabi ito sa dalawang kapatid niya. 23 Kumuha sina Shem at Jafet ng damit at inilagay sa balikat nila, pagkatapos, lumakad sila nang paurong papasok sa tolda para takpan ang kanilang ama. Hindi sila lumingon dahil ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mahimasmasan na si Noe sa pagkalasing niya, at nalaman kung ano ang ginawa ng bunsong anak niya, 25 sinabi niya;

    “Sumpain ka Canaan! Maghihirap ka at magiging alipin ng iyong mga kapatid.”

26 At sinabi rin niya,

    “Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Shem.
    Nawaʼy maging alipin ni Shem si Canaan.
27 Nawaʼy palawakin ng Dios ang lupain ni Jafet,
    at maging mabuti ang pagsasama ng mga lahi niya at ng mga lahi ni Shem.
    At nawaʼy maging alipin din ni Jafet si Canaan.”

28 Nabuhay pa si Noe ng 350 taon pagkatapos ng baha. 29 Namatay siya sa edad na 950.

Footnotes

  1. 7:2 malinis: Ang ibig sabihin, maaaring ihandog o kainin.
  2. 8:20 malinis: Ang ibig sabihin, maaaring ihandog o, kainin.