Add parallel Print Page Options

Pumunta si Jacob sa Egipto

46 Umalis si Jacob papuntang Egipto kasama ang sambahayan niya na dala ang lahat ng kanyang ari-arian. Pagdating niya sa Beersheba, naghandog siya sa Dios ng ama niyang si Isaac.

Kinagabihan, nakipag-usap ang Dios sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. Tinawag ng Dios si Jacob, at sumagot si Jacob sa kanya.

Pagkatapos, sinabi niya, “Ako ang Dios, na siyang Dios ng iyong ama. Huwag kang matakot pumunta sa Egipto, dahil gagawin ko kayong isang kilalang bansa roon. Ako mismo ang kasama mo sa pagpunta sa Egipto at muli kitang ibabalik dito sa Canaan. At kung mamamatay ka na, nandiyan si Jose sa iyong tabi.”

Pinasakay si Jacob ng mga anak niya sa karwaheng ibinigay ng Faraon para sakyan niya. Pinasakay din nila ang mga asawaʼt anak nila, at lumipat sila mula sa Beersheba. 6-7 Dinala nila ang mga hayop at mga ari-ariang naipon nila sa Canaan. Dinala rin ni Jacob sa Egipto ang lahat ng kanyang lahi: ang mga anak niya at mga apo.

Ito ang mga pangalan ng mga Israelitang pumunta sa Egipto:

Si Jacob, ang panganay niyang anak na si Reuben;

ang mga anak ni Reuben:

sina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi.

10 Si Simeon at ang mga anak niya:

sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar at si Shaul na anak ng isang Cananea.

11 Si Levi at ang mga anak niya:

sina Gershon, Kohat at Merari.

12 Si Juda at ang mga anak niya:

sina Er, Onan, Shela, Perez at Zera. (Pero si Er at Onan ay namatay sa Canaan.)

Ang mga anak ni Perez:

sina Hezron at Hamul.

13 Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:

si Isacar at ang mga anak niyang sina Tola, Pua, Iob at Shimron.

14 Si Zebulun at ang mga anak niya:

sina Sered, Elon at Jaleel.

15 Sila ang 33 anak at apo ni Jacob kay Lea na ipinanganak sa Padan Aram, at hindi kabilang ang anak niyang babae na si Dina.

16 Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:

si Gad at ang mga anak niyang sina Zefon, Hagi, Shuni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli.

17 Si Asher at ang mga anak niyang sina Imna, Ishva, Ishvi at Beria.

Ang kapatid nilang babae na si Sera.

Ang mga anak ni Beria na sina Heber at Malkiel.

18 Sila ang 16 na anak at apo ni Jacob kay Zilpa, ang alipin na ibinigay ni Laban kay Lea.

19 Ang mga anak ni Jacob kay Raquel:

sina Jose at Benjamin.

20 Ang mga anak ni Jose kay Asenat na ipinanganak sa Egipto na sina Manase at Efraim. (Si Asenat ay anak na babae ni Potifera na pari sa lungsod ng On.)

21 Ang mga anak ni Benjamin:

sina Bela, Beker, Ashbel, Gera, Naaman, Ehi, Rosh, Mupim, Hupim at Ard.

22 Sila ang 14 na anak at apo ni Jacob kay Raquel.

23 Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:

si Dan at ang anak niyang si Hushim.

24 Si Naftali at ang mga anak niya:

sina Jahziel, Guni, Jezer at Shilem.

25 Sila ang pitong anak at apo ni Jacob kay Bilha, ang alipin na ibinigay ni Laban kay Raquel.

26 Ang bilang ng lahat ng anak at apo ni Jacob na pumunta sa Egipto ay 66. Hindi pa kabilang dito ang mga asawa ng kanyang mga anak. 27 Kasama ang dalawang anak ni Jose na ipinanganak sa Egipto, 70 ang kabuuan ng sambahayan ni Jacob na natipon sa Egipto.

28 Nang hindi pa sila nakakarating sa Egipto, inutusan ni Jacob si Juda na maunang pumunta kay Jose para ituro sa kanila ang lugar ng Goshen. Nang dumating na sina Jacob sa Goshen, 29 sumakay si Jose sa karwahe niya at pumunta roon sa Goshen para salubungin ang kanyang ama. Nang magkita sila, niyakap ni Jose ang kanyang ama at tuloy-tuloy ang pag-iyak niya.

30 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ngayon, handa na akong mamatay dahil nakita na kita ng buhay.”

31 At sinabi ni Jose sa mga kapatid niya at sa buong sambahayan ng kanyang ama, “Aalis ako at sasabihin sa Faraon na narito na ang mga kapatid ko at ang buong sambahayan ng aking ama na nakatira sa Canaan. 32 Sasabihin ko rin sa kanya na nagpapastol kayo ng mga hayop, at dinala ninyo ang mga hayop ninyo at ang lahat ng ari-arian ninyo. 33 Kaya kapag ipinatawag niya kayo at itinanong kung ano ang trabaho ninyo, 34 sabihin nʼyo na nagpapastol kayo ng mga hayop mula pagkabata katulad ng mga magulang ninyo, para patirahin niya kayo sa Goshen. Sapagkat nasusuklam ang mga Egipcio sa mga nagpapastol ng hayop.”

47 Pagkatapos, umalis si Jose at pumunta sa Faraon kasama ang lima sa kanyang kapatid. Sinabi ni Jose sa hari, “Dumating na po ang aking ama at mga kapatid galing sa Canaan, at dala po nila ang mga hayop nila at ang lahat ng kanilang ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” Ipinakilala niya agad sa Faraon ang lima sa kanyang kapatid.

Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”

Sumagot sila, “Mga pastol po kami ng hayop, katulad ng mga magulang namin. Pumunta kami rito para pansamantalang manirahan dahil matindi po ang taggutom sa Canaan, at wala na kaming mapagpastulan ng mga hayop namin. Hinihiling po namin sa inyo na kung maaari ay payagan nʼyo kaming manirahan sa Goshen.”

Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong dumating na ang iyong ama at mga kapatid, nakabukas ang Egipto para sa pamilya ninyo. Patirahin sila sa Goshen, na isa sa magagandang lupain sa Egipto. Kung may mapipili ka sa kanila na mapagkakatiwalaan, gawin silang tagapagbantay ng mga hayop ko.”

Dinala ni Jose ang kanyang ama sa Faraon at ipinakilala. Pagkatapos, binasbasan[a] ni Jacob ang Faraon. Tinanong siya ng Faraon, “Ilang taon ka na?”

Sumagot siya, “130 taon. Maikli at mahirap po ang naging buhay ko rito sa lupa. Hindi ito umabot sa kahabaan ng buhay ng aking mga ninuno.” 10 Pagkatapos, muli niyang binasbasan ang Faraon,[b] at umalis siya sa harapan ng Faraon.

11 Ayon sa utos ng Faraon, inilagay ni Jose sa ayos ang kanyang ama at mga kapatid sa Egipto; ibinigay niya sa kanila ang lugar ng Rameses,[c] na isa sa pinakamagandang lupain sa Egipto. 12 Sinustentuhan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama ayon sa dami ng kanilang mga anak.

13 Ngayon, malala na ang taggutom kaya wala nang pagkain kahit saan. Nanghina na ang mga tao sa Egipto at sa Canaan dahil sa gutom. 14 Tinipon ni Jose ang lahat ng perang ibinayad ng mga taga-Egipto at taga-Canaan na bumili ng pagkain, at dinala ito sa palasyo ng Faraon. 15 Dumating ang panahon na naubos na ang perang pambili ng mga taga-Egipto at ng mga taga-Canaan. Pumunta ang mga taga-Egipto kay Jose at sinabi, “Wala na po kaming pera. Kung maaari bigyan na lang ninyo kami ng pagkain dahil mamamatay na kami sa gutom.”

16 Sinabi ni Jose, “Kung wala na talaga kayong pera, dalhin nʼyo rito ang mga hayop ninyo at iyon ang ibayad ninyo sa pagkain ninyo.” 17 Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga kabayo, tupa, baka at asno, at ipinalit ito sa pagkain. Sa loob ng isang taon, sinustentuhan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng kanilang mga hayop.

18 Pagkalipas ng isang taon, pumunta na naman ang mga tao kay Jose at nagsabi, “Hindi po maitatago sa inyo na wala na kaming pera at ang mga hayop namin ay nariyan na sa inyo. Wala na pong naiwan sa amin, maliban sa aming sarili at mga lupain. 19 Kaya tulungan nʼyo po kami para hindi kami mamatay at hindi mapabayaan ang mga lupain namin. Payag po kami na maging alipin na lang ng hari at mapasakanya ang mga lupain namin para may makain lang kami. Bigyan nʼyo po kami agad ng mga binhi na maitatanim para hindi kami mamatay at hindi namin mapabayaan ang mga lupain namin.”

20 Kaya ipinagbili ng lahat ng taga-Egipto ang mga lupain nila kay Jose dahil matindi na ang taggutom. Binili ni Jose ang lahat ng ito para sa hari, kaya ang mga lupaing iyon ay naging pag-aari ng Faraon. 21 Ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon ang mga tao sa buong Egipto. 22 Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose. Hindi nila kailangang ipagbili ang mga lupain nila dahil sinusustentuhan sila ng Faraon ng pagkain at ng mga pangangailangan nila.

23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayon na nabili ko na kayo pati ang mga lupain ninyo para sa Faraon, heto ang binhi para makapagtanim kayo. 24 Kapag aani kayo, ibigay ninyo sa Faraon ang 20 porsiyento ng ani ninyo. At sa inyo na ang matitira, para may maitanim kayo at may makain ang buong sambahayan ninyo.” 25 Sinabi ng mga tao, “Ginoo, napakabuti po ninyong amo sa amin; iniligtas nʼyo ang buhay namin. Pumapayag po kami na maging alipin ng Faraon.”

26 Kaya ginawa ni Jose ang kautusan sa lupain ng Egipto na ang 20 porsiyento ng ani ay para sa Faraon. Ang kautusang ito ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi naging pag-aari ng Faraon.

27 Tumira ang mga Israelita sa Goshen na sakop ng Egipto. Nagkaroon sila roon ng lupain at dumami pa ang lahi nila.

28 Tumira si Jacob sa Egipto sa loob ng 17 taon, nabuhay siya hanggang 147 taon. 29 Nang naramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Kung maaari, ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[d] ko at manumpa ka na ipagpapatuloy mo ang pagpapakita ng iyong kagandahang-loob sa akin. Huwag mo akong ilibing dito sa Egipto. 30 Kapag namatay na ako, ilibing mo ako sa libingan ng aking mga ninuno.”

Sumagot si Jose, “Gagawin ko po ang sinasabi ninyo.”

31 Sinabi ni Jacob, “Sumumpa ka sa akin.” Kaya sumumpa si Jose sa kanya. Lumuhod si Jacob sa kanyang higaan para magpasalamat sa Dios.

Si Manase at si Efraim

48 Hindi nagtagal, may nagbalita kay Jose na may sakit ang kanyang ama. Kaya dinala niya ang dalawang anak niyang sina Manase at Efraim at pumunta kay Jacob. Nang malaman ni Jacob na dumating ang anak niyang si Jose, sinikap niyang makaupo sa higaan niya.

Sinabi ni Jacob kay Jose, “Noong naroon pa ako sa Luz, sa lupain ng Canaan, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Dios at binasbasan niya ako.” Sinabi niya, “Bibigyan kita ng maraming lahi para maging ama ka ng maraming tao. At ibibigay ko ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi mo at magiging kanila ito magpakailanman.”

Nagpatuloy si Jacob sa pagsasalita, “Ang dalawa mong anak na sina Efraim at Manase, na ipinanganak dito sa Egipto bago ako dumating ay ituturing kong mga anak ko. Kaya kagaya kina Reuben at Simeon, magmumula rin sa kanila ang mga lahi ng mga Israelita. Pero ang susunod mong mga anak ay maiiwan sa iyo at makakatanggap ng mana galing kina Efraim at Manase. Naalala ko ang pagkamatay ng iyong ina. Galing kami noon sa Padan Aram at naglalakbay sa lupain ng Canaan. Malapit na kami noon sa Efrata nang mamatay siya, kaya inilibing ko na lang siya sa tabi ng daan na papunta sa Efrata. (Ang Efrata ang tinatawag ngayon na Betlehem.)”

Nang makita ni Israel[e] ang mga anak ni Jose, nagtanong siya, “Sino sila?”

Sumagot si Jose, “Sila po ang mga anak ko na ibinigay sa akin ng Dios dito sa Egipto.”

Kaya sinabi ni Israel, “Dalhin sila rito sa akin para mabasbasan ko sila.”

10 Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.

11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, pero ngayon ipinahintulot ng Dios na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”

12 Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at yumukod siya bilang paggalang sa kanyang ama. 13 Pagkatapos, inilapit niyang muli ang mga anak niya sa lolo ng mga ito para mabasbasan sila. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manase ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel. 14 At ipinatong ni Israel ang kanang kamay niya sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manase na siya namang nakatatanda.

15 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,

“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Dios na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, na siya ring Dios na nagbabantay sa akin simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16 At nawaʼy pagpalain din sila ng anghel na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.
Nawaʼy maalala ako at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.
At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”

17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama para ilipat kay Manase, 18 At sinabi, “Ama hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”

19 Pero sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manase ay magiging kilala ring mga bansa. Pero mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.” 20 Kaya ginawa niya si Efraim na nakakahigit kaysa kay Manase. At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito na nagsasabing,

“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas. Sasabihin nila, ‘Nawaʼy pagpalain ka ng Dios kagaya nina Efraim at Manase.’ ”

21 Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, pero huwag kayong mag-aalala dahil sasamahan kayo ng Dios at pababalikin kayo sa lupain ng iyong ninuno. 22 At ikaw Jose ang magmamana ng Shekem, at hindi ang mga kapatid mo. Ang lupain na iyon na napasaakin dahil sa pakikipaglaban ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng espada at pana.”

Footnotes

  1. 47:7 binasbasan: o, kinamusta.
  2. 47:10 muli niyang binasbasan ang Faraon: o, nagpaalam si Jacob sa Faraon na uuwi na siya.
  3. 47:11 Rameses: o, Goshen.
  4. 47:29 ilagay … hita: Tingnan ang “footnote” sa 24:2.
  5. 48:8 Israel: na siya ring si Jacob.