Add parallel Print Page Options

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Hindi na mapigilan ni Jose ang kanyang sarili, kaya pinalabas niya ang kanyang mga alipin. At nang sila na lamang ang naroon, nagpakilala siya sa kanyang mga kapatid. Umiyak nang malakas si Jose kaya narinig ito ng mga Egipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako si Jose! Totoo bang buhay pa ang ating ama?” Pero hindi nakasagot sa kanya ang mga kapatid niya dahil natulala sila.

Kaya sinabi ni Jose, “Lumapit kayo sa akin.” Nang lumapit na sila, sinabi niya, “Ako si Jose na kapatid ninyo, ang ipinagbili at dinala nʼyo rito sa Egipto. Ngayon, huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito, dahil ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo. Ikalawang taon pa lang ito ng taggutom, at may susunod pang limang taon na walang ani. Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.

“Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto. Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin. 11 Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”

12 Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo. 13 Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”

14 Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose. 15 Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.

16 Nang makarating ang balita sa palasyo ng Faraon na dumating ang mga kapatid ni Jose, natuwa ang Faraon at ang kanyang mga opisyal. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa mga kapatid mo na kargahan nila ng pagkain ang mga hayop nila at bumalik sa lupain ng Canaan. 18 Pagkatapos, dalhin nila rito ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya, dahil ibibigay ko sa kanila ang pinakamagandang lupain sa Egipto at matitikman nila ang pinakamagandang ani nito.

19 “Sabihin mo rin sa kanila na magdala sila ng mga karwahe mula rito sa Egipto para masakyan ng mga asawaʼt anak nila sa paglipat nila rito. At dalhin nila rito ang kanilang ama. 20 Huwag na silang manghinayang sa mga ari-arian nilang maiiwan dahil ang magagandang bagay sa buong Egipto ay magiging sa kanila.”

21 Ginawa ito ng mga anak ni Jacob. At ayon sa utos ng Faraon, binigyan ni Jose ang mga kapatid niya ng mga karwahe at pinabaunan ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Binigyan din niya ang bawat isa sa kanila ng damit; pero ang ibinigay niya kay Benjamin ay limang damit at 300 pirasong pilak. 23 Pinadalhan din niya ang kanyang ama ng sampung asnong may mga kargang pinakamagandang ani mula sa Egipto, at sampung babaeng asno na may mga kargang trigo, tinapay at mga baon ng kanyang ama sa paglalakbay. 24 Nang pinaalis na niya ang kanyang mga kapatid, sinabi niyang huwag silang mag-aaway sa daan.

25 Kaya umalis sila sa Egipto at bumalik sa kanilang ama sa Canaan. 26 Pagdating nila roon, sinabi nila sa kanilang ama na buhay pa si Jose, at siya pa nga ang tagapamahala ng buong Egipto. Natulala si Jacob; hindi siya makapaniwala. 27 Pero nang sinabi nila sa kanya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila, at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sa pagpunta niya sa Egipto, bigla siyang lumakas. 28 Sinabi ni Jacob, “Naniniwala na ako! Ang anak kong si Jose ay buhay pa. Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”

45 Nang magkagayon ay hindi nakapagpigil si Jose sa harap nilang lahat na nakatayo sa siping niya; at sumigaw, Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harap. At walang taong tumayo na kasama niya samantalang si Jose ay napakikilala sa kaniyang mga kapatid.

At siya'y umiyak ng malakas: at narinig ng mga Egipcio, at narinig ng sangbahayan ni Faraon.

At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Ako'y si Jose; buhay pa ba ang aking ama? At ang kaniyang mga kapatid ay hindi mangakasagot sa kaniya: sapagka't sila'y nagugulumihanan sa kaniyang harap.

At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Lumapit kayo sa akin, isinasamo ko sa inyo. At sila'y lumapit. At kaniyang sinabi: Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto.

At ngayo'y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka't sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.

Sapagka't may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man.

At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas.

Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto.

Magmadali kayo, at pumaroon kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya: Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa akong panginoon ng Dios sa buong Egipto: pumarito ka sa akin, huwag kang magluwat.

10 At ikaw ay tatahan sa lupain ng Gosen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga kawan, at ang iyong mga bakahan, at ang iyong buong tinatangkilik.

11 At doo'y kakandilihin kita; sapagka't may limang taong kagutom pa; baka ikaw ay madukha, ikaw at ang iyong sangbahayan, at ang lahat ng iyo.

12 At, narito, nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang aking bibig ang nagsasalita sa inyo.

13 At inyong sasaysayin sa aking ama ang aking buong kaluwalhatian sa Egipto, at ang inyong buong nakita; at kayo'y magmamadali at inyong ibababa rito ang aking ama.

14 At siya'y humilig sa leeg ng kaniyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa ibabaw ng kaniyang leeg.

15 At kaniyang hinagkan ang lahat niyang kapatid, at umiyak sa kanila: at pagkatapos ay nakipagsalitaan sa kaniya ang kaniyang mga kapatid.

16 At ang kabantugang yaon ay naibalita sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Nagsidating ang mga kapatid ni Jose: at ikinalugod ni Faraon, at ng kaniyang mga lingkod.

17 At sinabi ni Faraon kay Jose, Sabihin mo sa iyong mga kapatid, Ito'y gawin ninyo: pasanan ninyo ang inyong mga hayop, at kayo'y yumaon, umuwi sa lupain ng Canaan;

18 At dalhin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sangbahayan, at pumarito kayo sa akin: at aking ibibigay sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Egipto, at kakanin ninyo ang katabaan ng lupain.

19 Ngayo'y inuutusan ka, ito'y gawin ninyo; kumuha kayo ng mga kariton sa lupain ng Egipto para sa inyong mga bata, at sa inyong mga asawa, at dalhin ninyo rito ang inyong ama, at kayo'y pumarito.

20 Huwag din ninyong lingapin ang inyong pag-aari; dahil sa ang buti ng buong lupain ng Egipto ay inyo.

21 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel: at binigyan sila ni Jose ng mga kariton, ayon sa utos ni Faraon, at sila'y binigyan ng mababaon sa daan.

22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pangpalit na bihisan; nguni't kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang putol na pilak, at limang pangpalit na bihisan.

23 At sa kaniyang ama ay nagpadala siya ng ganitong paraan; sangpung asnong may pasang mabuting mga bagay sa Egipto, at sangpung asna na may pasang trigo at tinapay at pagkain ng kaniyang ama sa daan.

24 Sa ganito ay kaniyang pinapagpaalam ang kaniyang mga kapatid, at sila'y yumaon: at kaniyang sinabi sa kanila, Huwag kayong magkaaalit sa daan.

25 At sila'y sumumpa mula sa Egipto, at naparoon sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.

26 At kanilang isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Si Jose ay buhay pa, at siya'y puno sa buong lupain ng Egipto. At ang kaniyang puso ay nanglupaypay, sapagka't di niya pinaniwalaan sila.

27 At kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat ng salita ni Jose, na kaniyang sinabi sa kanila: nang kaniyang makita ang mga karitong ipinadala ni Jose upang dalhin sa kaniya, ay nagsauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.

28 At sinabi ni Israel, Siya na; si Jose na aking anak ay buhay pa: ako'y paroroon at titingnan ko siya, bago ako mamatay.

'उत्पत्ति 45 ' not found for the version: Saral Hindi Bible.